Ano ang Layunin ng Pilosopiya?

Layunin ng pilosopiya na magbigay ng kahulugan sa karanasang pantao. Ang pilosopiya ay gumagabay upang maliwanagan ang mga pangyayari at makagawa ng makabuluhang aksiyon.

Pakay din ng pilosopiya na hukayin ang ugat na dahilan ng mga suliranin ng tao at pagsikapang diskubrehin ang mga tunay na solusyon at kagalingan sa mga “sakit” o suliranin ng sangkatauhan.

Tayo ay tinutulungan  ng pilosopiya na palayain at palawakin ang ating kaisipan. Sa pamamagitan nito, magagawa nating maintindihan at dalhin ang pagiging kumplikado ng buhay; at, makikita nating mayroon pang higit sa ating buhay at pag-iral kaysa pagsasagawa lamang ng mga walang kabuluhan at paulit-ulit na gawain.

Ang pag-aaral ng pilosopiya ay mananatiling mahalagang bahagi ng karanasang pantao at maging sa paghubog ng isang ganap na mamamayan na handang akuin ang kaniyang mga responsibilidad sa mundong ito na lalong nagiging kumplikado.

Ang pilosopiya ay naglalayong pag-isahin, pagsamahin, gawing unibersal, bigyang pakahulugan, at ipaliwanag nang mas malalim ang napakaraming tila di-magkakaugnay na mga natutuklasan, datos, at impormasyong nakakalap ng modernong siyensiya.

Ang pilosopiya, kung gayon, ay para sa mas komprehensibo at unibersal na konsepto o pagkaunawa ng tao. Pinasasagot ng pilosopiya ang indibidwal sa mga tanong ukol sa pangunahing pundasyon ng kaniyang pananaw sa buhay, mga kaalaman, at paniniwala.

Nagagawa ng pilosopiya na ang isang tao ay mag-usisa sa mga dahilan ng mga bagay na kaniyang tinatanggap at ginagawa. Itinutulak ng pilosopiya ang tao na suriin ang  kahalagahan ng kaniyang mga ideya at mithiin, sa pag-asang ang kaniyang magiging paninindigan ay posibleng mabago o lalong tumibay bunga ng pagsusuri o pamimilosopiyang ito.

Maaaring nararanasan ng isang indibidwal na ang kaniyang buhay ay isang suliranin o proyekto. Dahil siya’y isang nag-iisip na nilalang, napagtatanto niya na naka-depende ang buhay niya sa kung paano niya ito lilikhain. Dahil siya’y malaya, napagtatanto niya na kaya niyang mag-desisyon; na siya ay responsible sa kaniyang mga aksiyon.

Nadidiskubre niya na ang reyalidad ay hindi lamang ang kung ano ang nasa paligid niya, o ang nasa kaniyang perspektibo. Ang kalidad ng kaniyang buhay ay depende sa kaniyang sariling pagtugon sa natutuklasan niya sa pamamagitan ng mga pag-aaral, gaya ng pamimilosopiya.

Sa mga sumasampalataya sa relihiyon, ang paggamit ng karunungan sa pagtuklas ng solusyon sa mga suliranin sa mundo ay marapat lakipan ng paghingi ng tulong sa Manlilikha. Itinuturo ng mga banal na aklat na ang tao, gaano man karunong, ay walang tunay na magagawa, maliban ng tulungan siya ng Dios. (© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)