‘Patungo sa katotohanan ang mga pamamaraan ng pamimilosopiya’
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Sinasabing patungo sa katotohanan ang mga pamamaraan ng pamimilosopiya. Makatutulong sa mga naghahangad na makarating sa o makapagtaglay ng karunungan at katotohanan ang mga pamamaraan o metodo ng pilosopiy. Narito ang ilang halimbawa.
Mga Pamamaraan ng Pilosopiya na Patungo sa Karunungan at Katotohanan
Narito ang ilang metodo sa pamimilosopiya:
1. Ang “Elenchus” (Pamamaraang Sokratiko)
Ang “elenchus” ay salitang Latin na nagmula sa sinaunang terminong Griyego na elengkhos na nangangahulugang “argumento ng pagpapasubali” (“argument of refutation”). Ito ay isang pagtutol sa isang paniniwala o tikhaan (thesis) na ginagamit sa layuning suriin o busisiin ang isang paniniwala o katikhaan.
Natanyag si Socrates sa pamamaraang ito ng pagsisiyasat (at siyang inaakalang naging dahilan kung kaya siya binitay). Kapag ang isang tao sa kaniyang komunidad ay nagpapakilala na nasa kaniya ang monopolyo ng katotohanan, lalapit si Socrates at kukwestiyunin ang pinaka tikha ng tinitindigan ng taong iyon. Sa pagkadismaya ng taong iyon, ang kaniyang mga sagot, kahit gaano pa kahusay pakinggan, ay hindi makasasapat kay Socrates at patutunayan niyang lisya o mali o mayrong kontradiksiyon. Ang mismong mga sagot ng tao ang gagamiting katanungan ni Socrates sa tila walang katapusang proseso ng pagsisiyasat. Ang kabuuan ng prosesong ito ay halos katulad ng tinatawag nating cross examination ngayon.
Subalit dapat alalahanin na ang gayong mga malalim na pagsisiyasat ay hindi naglalayong hiyain ang sinuman. Ang pagtatanong ay hindi para lamang may maitanong. Ang mga pagtutol na inilalatag matapos ang pag-aaral sa lahat nang may kinalaman sa isang opinyon, kasama ang mga sanhi at bunga nito, ay para madalisay o malinis ang nasabing opinyon mula sa mga kamalian at pagkiling.
Nakadisenyo ang Metodong Sokratiko upang ang mga tao ay magkaroon ng kamalayan sa kung ano ang tunay na halaga o gaano ang katumpakan ng kanilang opinyon na maaaring matagal na nilang pinanghahawakan.
2. Ang Metodikong Pagdududa (“Methodic Doubt”/Cartesian Philosophy)
Isa sa mga naglagay kay Rene Descartes bilang importanteng tao sa kasaysayan ng pilosopiya ang kaniyang tugon sa katanungang epistemolohikal na: “Paano ako makaalam?” Ang kaniyang sagot ay sa paraang pag-alinlanganan ang lahat ng bagay. Para sa kaniya, tanging sa pag-aalinlangan matutuklasan ng isang tao ang katiyakan.
Sa sistematikong paraan, ipinailalim ni Descartes sa paghihinala o pagdududa ang bawat sinasabing pinagmumulan ng kaalaman: karanasan, otoridad, at maging ang matematika na karaniwang itinuturing na larawan ng pagiging obhetibo.
Ayon kay Descartes, hindi rin dapat na manangan ang tao sa karanasan bilang pinagmumulan o batayan ng karunungan. Ito ay dahil ang karanasan, na nakabatay rin sa pakiramdam, ay mapanlinlang. Dahil mahirap tukuyin ang kaibahan ng nararamdaman kapag nananaginip sa nararamdaman kapag ang isang tao ay gising, walang garantiya kung ang nararanasan ng isang tao sa kasalukuyan ay realidad at hindi isang panaginip lamang.
Dapat din umanong pag-alinlanganan maging ang karunungang mula sa otoridad. Maaari rin kasing linlangin ka ng mga kinikilalang otoridad. Idagdag pa rito na ang otoridad ay tao rin na nagkakamali o may pagkiling.
Maging ang karunungan sa matematika ay dapat na pag-alinlanganan; dahil baka, malay natin, ang isa kapag dinagdagan ng isa pa ay katumbas pala ng tatlo at hindi dalawa, at tayo pala, ayon kay Descartes, ay minamanipula lamang ng isang mapanlinlang na “diyos” o malisyosing demonyo.
Pilosopiya ni Descartes na pag-alinlanganan ang lahat ng bagay hanggang sa ang matira ay hindi na mapag-aalinlanganan. Sa kaniya namang kaso, nasumpungan ni Descartes ang katiyakan sa katotohanang umiiral siya dahil sa siya ay nag-aalinlangan. Para sa kaniya, ang isang bagay na hindi niya mapag-aalinlangan ay ang katotohanan na siya ay nag-iisip—dahil kapag pinag-alinlangan niya na siya ay nag-iisip, napatutunayan niya na siya ay talagang nag-iisip. Bakit? Sapagkat ang pag-aalinlangan ay isang uri ng pag-iisip. At dahil sa siya ay nag-iisip, siya, kung gayon, ay umiiral. Ito ang kahulugan ng kaniyang tanyag na pahayag, “Cogito ergo sum,” na nangangahulugang “Ako ay nag-iisip, samakatuwid, ako ay muiiral” (“I think, therefore, I am.”)
Subalit ang pag-aalinlangan ay hindi para lamang makapag-alinlangan. Ito ay nakatuon sa pagkakaroon ng matibay na pundasyon. Itinulad mismo ni Descartes ang kaniyang pamamaraan sa isang arkitekto. Ang unang isinasaalang-alang ng arkitekto ay ang makapaglagay ng matatag na pundasyon para sa gusali na gusto niyang itayo. Para magawa niya iyon, huhukayin niya ang lupa at aalisin ang mga buhangin at putik o anumang dumi upang makagawa siya ng matatag na poste.
Sa pagkuha ng karunungan, dapat ding alisin ang lahat ng mga kahinahinala o hindi tiyak. Ito ang pagkakaiba ng paninindigang may taglay pang elemento o dahilan na maaaring pag-alinlanganan (persuasio) at ng paninindigang batay sa isang tiyak na katwiran kung kaya ito ay hindi na mayuyugyog ng anumang ibang katwiran (scientia).
3. Ang Ibinubuhay na Karanasan (“Lived Experience”/ Phenomenological Inquiry)
Nagbuhat ang fenomenolohiya (o penomenolohiya) sa mga salitang Griyego na phainómenon (“ang nakikita”) at lógos (“pag-aaral”). Ito, kung gayon, ay rasyonal na eksplanasyon o pag-aaral ng penomena.
Ukol sa kung ano ang penemona, ito ang sinabi ni Immanuel Kant: “Hindi ko kailanman malalaman kung ano talaga sa kaniyang sarili ang isang bagay (noumenon); ang tanging nalalaman ko ay kung ano ang anyo sa akin ng bagay na iyon (penomena).” Ang penomena, kung gayon, ay ang mga anyo (appearances) ng mga bagay.
Subalit ang “anyo” ng mga bagay ay hindi tumutukoy sa sense-data, gaya ng kulay, hugis, tunog, amoy, lasa, at tekstura na nakukuha sa pamamagitan ng pandama. Ni hindi ito tumutukoy sa kahulugan ng mga bagay sa kanilang sarili, na nakukuha, kung sakaling posible, sa pamamagitan ng kabasalan (abstraction) o pag-iisip (intellection).
“Mas mayaman sa nilalaman” ang anyo kumpara sa mga nabanggit. Higit pa sa mga naoobserbahang anyo ng mga nakikitang bagay, o ang mga basal (abstract) na katangian ng nasabing mga bagay, ang ‘”mga anyo” ay tumutukoy sa kahulugan at halaga ng mga bagay na ito sa panig ng tumutunghay rito.
Kapag nakakita ka, halimbawa, ng saranggola sa lumilipad, ang maaaring sabihin lamang sa iyo ng iyong mga sentido ay kung ano ang kulay ng saranggola at kung gaano na ito kataas. Subalit maliban sa mga sense-data na ito, may iba pa na maaaring idulot sa iyo—gaya ng tiwasay na pakiramdam sa pagtunghay sa lumilipad na sa saranggola, o mapag-iisip ka kung sino ang nagpapalipad ng saranggola, o mapapanglaw sa paggunita sa nagdaang karanasan, o maitutulak ka nito na mangarap ng magandang buhay sa hinaharap na panahon.
Ang penomenolohiya, kung gayon, ay hindi lamang tungkol sa pagdama (sensation) o pag-iisip (intellection) kundi ukol sa karanasan (experience). Ang pagdama (sensation) o pag-iisip (intellection) ay di-aktibong obserbasyon samantalang ang karanasan (experience) na pinagtutuonan ng penomenolohiya ay aktibong pakikilahok.
Sinasabing ang penomenolohiya ay isang mulat o ibinubuhay na karanasan (lived experience). Sa “gawang pagsasadya” (intentionality) ng pilosopong si Edmund Husserl, ang kamalayan ay nangangahulugang paggiya (directedness)—ang paggiya ng karanasan patungo sa mga bagay sa mundo.
Sab inga, ang kamalayan ay laging kamalayan ukol sa isang bagay. Ang ating kamalayan ay tunay na tumutugon hindi sa lahat ng sense-data o maging sa mga sinasabi ng mga datos tungkol sa diumano’y esensiya ng isang bagay, kundi sa mga ideya na nagbibigay sa atin ng kahulugan ng bagay na iyon.
Tulad ng halimbawa ukol sa saranggolang lumilipad, ang kamalayan dito ay hindi simpleng karanasan sa kulay o iba pang nakikitang aspeto nito. Sa katunayan, maaaring hindi mamalayan ng isang tao ang mga partikular na sense-data ukol rito; sa halip, ang maaaring makita sa saranggolang lumilipad ay isang matayog na pangarap o isang ambisyong kayang abutin.
Ang kamalayan ay tunay ngang isang karanasan kung saan ang isip ay hindi lang basta nagkakaroon ng reaksiyon sa isang bagay, sa halip ay tumutugon ito sa naturang bagay sa pamamagitan ng paghahanap sa kahulugan at halaga ng bagay na iyon sa buhay ng isang taong tumutunghay. Nakapaloob sa ibinubuhay na karanasan (lived experience) sa penomenolohiya, kung gayon, ang pagtatanong o pagtuklas sa kung ano ang kahulugan o halaga ng isang bagay para sa nagmamasid.
Dahil sa ang kamalayan at mulat na karanasan ay para sa at mula sa tumutunghay, ang penomenolohiya ay tama lamang tawaging “punto-de-bista na unang panauhan” (first person point of view). Ito ay tulad ng pagtingin sa mundo mula sa personal, may kinikilingang pananaw. Ang mga penomenolohikal na pahayag ay inihahayag sa ganitong paraan: “Iniisip ko/Pinaniniwalaan ko/Tinitingnan ko/Ninanais ko/Ginagawa ko”—na ang diin ay nasa “ko.” Ito ay dahil ang isang bagay o pangyayari ay maaring may kahulugan sa isang tumutunghay na lubhang iba sa kahulugan nito sa iba pang taong tumutunghay sa bagay o pangyayaring iyon. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 2.3 Nahihinuha na patungo sa katotohananang mga pamamaraan ng pamimilosopiya (PPT11/12PP-Id-2.3)