Mga Pamamaraan Sa Pangangalaga Ng Karapatang Pantao

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:

Nakapagmumungkahi ng ng mga pamamaraan sa pangangalaga ng karapatang pantao

Mungkahing Pamamaraan sa Pangangalaga ng Human Rights

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga mungkahing paraan sa pangangalaga ng karapatang pantao, hango sa aklat na sinulat ni Propesor Jensen DG. Mañebog:

1. Alamin ang iyong karapatan

Ang unang paraan upang maiwasan ang paglabag sa karapatang pantao ay ang sapat na kaalaman sa karapatang pantao. Dapat na magkaroon ang mga tao ng kaalaman sa kanilang karapatan at kung ano ang dapat gawin o saan maaaring pumunta upang humanap ng lunas kung ang karapatan ay nalabag.

Kaya mahalagang basahin ang Mga Karapatang Pantao at Karapatang Sibil.

2. Huwag magbibigay ng suhol

Kung nagbigay ka ng suhol nang isang beses sa anumang kadahilanan, at pagkatapos ay tumanggi ka nang magbigay ng suhol sa ibang pagkakataon, mas malamang na labagin ang iyong karapatan (gaya halimbawa sa pamamagitan ng blackmail) ng mga dati mong sinuhulan.

3. Huwag palampasin ang ginawa sa iyong paglabag

Kapag nilabag ng sinuman ang iyong karapatan, huwag magsawalang-kibo. Lumiham sa kinauukulan, gamitin ang social media (sa tamang paraan) kung kinakailangan, makipag-ugnay sa media, lumapit sa awtoridad at magreklamo upang humingi ng lunas.

Kung kinakailangan, kunin ang serbisyo ng isang abogado o umugnay sa mga organisasyong ukol sa karapatang pantao para sa kanilang tulong. Tandaan na kung minsang nalabag na ang iyong karapatan,  malamang na labagin itong muli nang paulit-ulit.

4. Ilantad ang salarin at ihayag ang iyong karanasan

Laging mabuting kumuha ng larawan, audio o video record ng paglabag. Gusto ng bawat tao na magkaroon ng magandang reputasyon kaya pinangangalagaan ng mga tao ang kanilang imahe sa anumang paraan.

Kapag alam ng mga tao na sila ay malalantad at mapapasailalim sa kritisismo ng publiko, magdadalawang-isip sila na gumawa ng paglabag.

5. Pangalagaan din ang karapatan ng iba

Kung nalabag ang karapatan ng isang tao, responsibilidad nating siya ay tulungan at umaksiyon sa paghanap ng hustisya. Kung nakasaksi ka ng anumang paglabag, tawagan ang mga kakilala mo na makakatulong. Maaaring ibahagi ang kwento sa media o online o anumang iba pang paraan upang mabigyang kamalayan ang mga tao.

Magpakita ng pagmamalasakit sa biktima sa paghanap ng hustisya. Kapag ginawa mo ito para sa iba, panigurado, gagawin din ito ng iba sa iyo.

6. Huwag labagin ang karapatan ng iba

Kung nilalabag mo ang karapatan ng iba, malamang na malabag rin ang iyong karapatan at ang mga tao ay mawawalan ng gana na tulungan ka. Inaasahan na ating poprotektahan ang ating kapwa at hindi lalabagin ang karapatan nila, tulad ng inaasahan nating hindi rin lalabagin ng iba ang ating karapatan.

7. Sundan ang kaso hanggang sa dulo

Sa sandaling nag-ulat ka ng isang kaso sa mga awtoridad, tungkulin mong palaging sundan o i-follow up ang nangyayari sa kaso. Kahit sa korte, dapat kang mag-follow up upang makakuha ng hustisya.

Mali na mag-ulat ng isang kaso at hindi na mag-follow up—maipapalagay na hindi ka sigurado o seryoso sa iyong iniulat.

8. Turuan ang ibang mga tao

Mahalaga na turuan natin ang lahat sa paligid natin tungkol sa mga alam natin ukol sa karapatang pantao.

Kung marami ang nakakaalam ukol sa mga karapatan, kung saan at kung paano hahanap ng lunas kapag nalabag ang karapatan, at kung sino at kung saan mag-uulat ng mga paglabag, tiyak na mababawasan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao … ituloy ang pagbasa

*Kung may nais hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin (Tagalog man o English), i-search dito:

Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Also Check Out:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog