Ang Proseso ng Pamimilosopiya
Ang pilosopiya ay itinuturing na “ina ng lahat ng sangay ng karunungan.”Ito ay praktikal dahil aplikable ito sa mga kaalamang praktikal o kaalaman na ginagamit sa pang-araw-araw na buhay.
Ipinaliwanag ng Griyegong pilosopo na si Pythagoras na ang pagiging praktikal ay may malaking kinalaman sa pamumuhay ng payapa sa iyong sarili, sa ibang tao na nakapaligid sa iyo, sa iyong kapaligiran, at sa iyong Diyos. Kung ang pagiging praktikal—na iyon ay ang payapang pamumuhay—ay ang siyang magiging mithiin o layunin ng lahat, ang pilosopiya kung gayon ay para sa lahat o makatutulong sa lahat.
Ano ba ang pamimilosopiya bilang proseso? Masasabi natin ang mga sumusunod ukol sa pamimilosopiya o proseso ng pamimilosopiya:
1. Ang pamimilosopiya ay malalim na pagninilay.
Ang pamimilosopiya ay pag-aaral ukol sa mga kung ano ang nadarama at nakikita, subalit nakapaloob din dito ang pagsusuri kung ano ang nasa likod ng mga ito. Sapagkat sa kadalasan, ang mga bagay na nadarama at madaling makita, katulad ng sa kaso ng sakit o karamdaman, ay simtomas lamang nang lalong seryosong sakit.
Pinagninilayang alamin sa pamimilosopiya ang mga sanhi, hindi lang ang mga anyo, ng mga suliranin, gaya ng mga problemang panlipunan (gaya ng ukol sa populasyon, korapsiyon, at mga kauri ng mga ito).
2. Ang pamimilosopiya ay paghalukay sa mga ugat ng mga bagay.
Ang mga pangunahing o pundamental na katotohan ay tinutuklas ng pilosopiya. Ang pilosopiya ay hindi tumututok sa mga mababaw na kadahilanan lamang. Hinaharap dito ang mga suliranin nang hindi padalus-dalos kundi sa pamamagitan ng masusing eksaminasyon.
Maitutulad ang isang pilosopo sa isang mahusay na doktor na nagbibigay ng resulta ng pagsusuri at kaukulang reseta pagkatapos lamang ng komprehensibong pagsusuring medikal.
3. Ang pamimilosopiya ay pagtuklas sa isang holistiko o pangkabuuang perspektibo.
Ang pamimilosopiya ay pagsisikap na mataglay ang isang uri ng pananaw kung saan bawat anggulo at bawat aspekto ay isinasaalang-alang. Ito ay kagaya ng pagtingin sa isang buong larawan nang hindi pinalalampas ang maliliit na detalye.
Ang pamimilosopiya ay katulad din ng pagtanaw sa isang gubat na hindi pinalalampas, bagkus ay pinapansin din, ang alinmang puno rito.
4. Ang pamimilosopiya ay paggamit ng kakayahang mangatwiran o ang kakayahang rasyonal.
Nangangahulugan din ang pamimilosopiya ng paggamit ng kakayahang rasyonal. Ito ay ginagawa natin sa pagtuklas ng mga bagay na makatutulong sa atin upang matamo ang payapang pamumuhay.
Sa ganitong sentido, masasabing tayong lahat ay mga pilosopo at ang pamimilosopiya ay gawain nating lahat.
5. Ang pamimilosopiya ay pagtatanong ng mga tanong na makabuluhan.
May isang pilosopo na minsang nagsabi: “Ang natukoy na suliranin ay isang problema na nalunasan na nang kalahati.”Ang pamimilosopiya ay pangunahing tungkol sa pagbibigay ng mga katanungan kaysa paghahanap ng mga kasagutan.
Kung ang mismong suliranin ay hindi tukoy, hindi makapagbibigay ang sinuman ng angkop na solusyon . Hindi ibig sabihin nito na ang pamimilosopiya ay hindi nagbibigay-halaga sa mga kasagutan. Manapa, higit itong nagbibigay-halaga sa mga kasagutan kung kaya nangangailangan ito ng malaking panahon sa pagtukoy at pagporma ng mga tamang katanungan.
6. Ang pamimilosopiya ay pagsasama ng teorya at pamamaraan (theory and practice).
Masasabi natin na ang pagharap sa problema sa isang “praktikal” o madaliang pamamaraan, na siyang kalakaran ng marami sa ngayon, ay katumbas ng pagbibigay ng padalus-dalos na solusyon at ito ay mapanganib.
Subalit hindi rin naman makasasapat para makapagbigay ng wastong solusyon sa isang suliranin kung teorya lamang ang ikukonsidera. Ang pamimilosopiya ay nagbibigay-diin sa pagsasama ng kapuwa teorya at pamamaraan, kung saan ang teorya ang nagsisilbing angkla o gabay para sa mga akmang pagkilos sa mga praktikal na sitwasyon. (© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)