The Big One sa Pilipinas: Paano Maghahanda
Gumagalaw ang ilalim ng lupa, nagbabagsakan ang mga imprastraktura, nagtatakbuhan ang mga tao sa sobrang takot—sa ganitong sitwasyon, handa ka na ba sa sinasabing “The Big One”? Paano kaya natin malalagpasan ang ganito kalaking trahedya?
Napakarami nang naranasang lindol sa mundo na nakapagdulot ng matinding pagkawasak at nakapagpalaho ng maraming buhay at ari-arian. Ang pinakamalaking lindol sa mundo na naitala ay naganap noong Mayo 22, 1960 malapit sa Valdivia, sa timugang Chile. Ito ay tinakdaan ng magnitude 9.5 ng United States Geological Survey. Tinatawag itong “Great Chilean Lindquake” at “1960 Valdivia Lindhu.”
Mga lindol sa Pilipinas
Dito sa Pilipinas, hindi na rin bago ang mga balita tungkol sa lindol. Dahil sa ang ating bansa ay nakatayo sa Pacific Ring of Fire, ito ay naharap na sa madaming bilang ng mga lindol at mga tsunami sa mga nagdaang panahon. Noong Hulyo 16, 1990, ang isa sa pinakamalakas na lindol na naranasan ng bansa ay naganap sa maraming lugar ng rehiyon ng Gitnang Luzon at Cordillera. Ang 7.8-magnitude na pagyanig ay nagresulta sa kabuuang 1,621 pagkamatay at malubhang pinsala sa maraming ari-arian.
Noong Pebrero 6, 2012, ang Negros Oriental ay tinamaan ng 6.7 magnitude na lindol kung saan ay may naitalang 51 na namatay, 112 na nasaktan, at 62 na nawawala. Ang lindol naman sa Bohol noong Oktubre 15, 2013 na may 7.2 magnitude ay kumitil ng higit sa 150 katao, sumira sa mga lumang simbahan, at nakaapekto sa higit sa 3 milyong pamilya sa Central Visayas.
Noong Abril 22, 2019, naranasan sa isla ng Luzon ang 6.1 magnitude na lindol na nagtala ng 18 na patay, 3 nawawala at mga 256 katao na nasaktan. Sa kabila ng katotohanang ang epicenteray sa Zambales, karamihan ng pinsala sa imprastraktura ay naganap sa kalapit probinsiya na Pampanga kung saan 29 na gusali at istraktura ang nagkaroon ng kasiraan.
The Big One sa Pilipinas
Ang sinasabing “Big One,” na pinaghahandaan sa Pilipinas, ay ang posibleng napakalakas na lindol na idudulot ng West Valley Fault sa silangang bahagi ng Metro Manila. Ang fault line ay biyak (break or fracture) bunga ng paggalaw ng tectonic plates ng mundo, kung kaya’t ito ay lugar kung saan inaasahan ang pagkakaroon ng lindol. Ang West Valley Fault ay mula sa taas ng Sierra Madre pababa ng Laguna.
Ang “The Big One” ay tinatayang may magnitude na 7.2 batay sa haba ng West Valley Fault, na halos 100 kilometro ang haba, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Sinasabi ring ang buong Metro Manila, bahagi ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna ay makakaranas ng isang intensity-eight na lindol na nakategorya bilang “Very Destructive.”
Ayon sa Metropolitan Manila Impact Reduction Study (MMEIRS), ang ganitong lindol ay magreresulta sa pagbagsak ng 170,000 tirahan at pagkamatay ng 34,000 katao. May 114,000 na indibidwal ang masasaktan habang 340,000 na mga bahay ang bahagyang masisira. Magiging matindi ang pagkasira sa mga tulay at mga gusali, mapuputol ang mga kable ng kuryente, ang serbisyo ng mga telepono ay maaantala, at maaring magkaroon ng mga sunog na maaaring kumitil sa buhay ng marami. Magkakaroon kung gayon ng nasyonal na krisis dahil sa lindol na ito.
Mungkahing paghahanda
May mga paraan upang mapaghandaan ang “The Big One.” Kabilang rito ang pagsasagawa ng (o pakikipagkaisa sa) mga earthquake drill, paghahanda ng mga pagkain, inumin, damit, first-aid kits at mga kauri nito sa mga angkop na lugar, at pag-alam sa mga inihandang programa ng lokal na pamahalaan ukol rito (gaya ng kung saan lilikas matapos ang pagyanig).
Ang mga pribado at pampublikong institusyon (gaya ng mga paaralan) ay marapat din na may malinaw na programa ukol rito. Tungkulin at pribilehiyo ng mga mag-aaral na malaman ang ukol rito.
Sa tahanan, maaaring kausapin ng mga magulang ang lahat ng miyembro ng pamilya at bilinan ng mga dapat gawin sa panahon ng lindol at matapos ang pagyanig.
Ganunpaman, dahil sa ang lindol, gaya ng kamatayan, ay hindi natin alam kung kailan darating, ang pinakamabisa pa rin ay lakipan ang mga paghahanda ng pananalangin sa Panginoon.
Ikaw, ano ang maimumungkahi mong dagdag paghahanda para sa “The Big One” sa Pilipinas lalo na para sa mga mag-aaral?
Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog
Gumamit ng #TheBigOneSaPinas
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.