Repormasyon: Mga Positibo at Negatibong Resulta
ni Jens Micah De Guzman/MyInfoBasket.com
Copyright 2014-present
Ang Araw ng Repormasyon ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing ika-31 ng Oktubre, ang pamosong araw kung kailan ipinako ni Martin Luther ang kaniyang 95 Theses sa pintuan ng Castle Church sa Wittenberg noong 1517.
Higit sa 500 taon na ang lumipas, ginugunita ng mga simbahang Protestante ang mga tao at pagkilos na nagpasimula ng pagbabago kapuwa sa doktrina at pagsamba. Umusbong ang apat na pangunahing grupo sa kilusang ito: Lutherans, Reformed, Anabaptist, at Anglican.
Narito ang ilan sa mga naging resulta ng Repormasyon, ang ilan ay negatibo habang ang ilan ay positibo:
1. Libu-libo ang nagdusa dahil sa kanilang relihiyon.
Ang mga nasasakupan ng Español, Portuges at Italyanong monarko ay sapilitang pinanatiling Katoliko, kung hindi ay makakaranas ng kamatayan o pagkabilanggo sa mga kamay ng Ingkisisyon, na gayon nga ang naganap sa marami.
Inusig ni Haring Philip II ng Espanya at ni ‘Bloody Mary’ ng Inglatera ang mga Protestante. Gayundin, pinarusahan naman ng mga Protestanteng prinsipe ng Alemanya ang kanilang mga mamamayang Katoliko. Bilang resulta ng Repormasyon, sumiklab ang mga pag-aalsa at digmaan, na nagdulot ng pagkawala ng buhay, ari-arian, prestihiyo at kapangyarihan.
2. Ang kapangyarihan ng mga pinuno ay lumakas laban sa Simbahan.
Sa pangalan ng Repormasyon, inalis ni Henry VIII sa Papa ang anumang kapangyarihan sa iglesiang Ingles.
Ang mga prinsipeng Aleman ay masaya na maging malaya mula sa kontrol ng Papa. Maaari nang pamunuan ng mga hari sa Europa ang kanilang mga bansa sang-ayon sa kanilang naiisip na paraan.
3. Ang diwa ng nasyonalismo ay nabigyan ng sariwang lakas.
Halimbawa, ang Repormasyong Ingles ay nagkaroon ng malaking epekto sa pambansang pagkakakilanlan ng Ingles. Ang pagkakakilanlang pambansa ay napakahalaga para sa panlipunang pagkakaisa, at lalo na para sa kapangyarihan ng estado.
Ang Reporma ni Henry VIII ay naging daan para sa lubos na kapangyarihan ng monarkong Ingles sa lahat ng aspeto ng buhay ng kaniyang mga sakop, kapwa sa materyal at espirituwal.
Gayundin, ang paglipat mula sa ritwal Katoliko patungo sa pagsambang Protestante sa pamamagitan ng pagsasasakatuparan ng mga gawa tulad ng Book of Common Prayer ni Thomas Cranmer ay naging dahilan sa pagkakaroon ng natatanging wika at kulturang Ingles.
4. Ang mga bagong ideya ay lumitaw sa larangan ng ekonomiya kung saan nagkaroon ng magagandang pagbabago.
Ang mga tao ay naging malaya mula sa mga medyebal na ideya at sa paniniil ng Orthodox Church. Kaya, maaari na nilang itaguyod ang ilang mga pang-ekonomiyang aktibidad tulad ng pagpapautang ng pera, na sa nakaraan ay inuusig dahil sa turo ng simbahan.
Dahil sa Repormasyon, ang mga lumang ideya ay isinantabi at ang nagpapautang ng pera ay nagkaroon ng katayuan sa lipunan.
5. Nabuksan ang daan para sa pagsulong ng kapitalismo.
Sa pamamagitan ng pagtanggal sa kapangyarihang pang-ekonomiya ng Simbahang medyebal, ang Repormasyon ay nagbukas ng daan para sa pagsulong ng kapitalismo. Kahit na ang Repormasyon ay panrelihiyon sa kaniyang kalikasan, nagkaroon ito ng malaking epekto sa lahat ng larangan. Kaya nakatulong ito sa paghubog ng modernong mundo, kasama ang iba pang mga kilusan.
6. Ang banal na kasulatan ang naging espirituwal at teolohikal na awtoridad.
Ang mga repormador ay nagbabatay sa rebelasyon ng Diyos (na nakasulat sa Biblia) bilang pinal na tagapagpasiya ukol sa katotohanan, laban sa diumano’y hindi pagkakamali ng papa (papal infallibility) sa Roma at ang pang-aabuso ng tradisyon lalo na’t ito ay salungat sa pagtuturo ng Biblia.
7. Nalantad ang laganap na korapsiyon sa pamunuan ng simbahang Katoliko.
Inilantad ng Repormasyon na ang basilika ni San Pedro sa Roma ay pinondohan ng mapagsamantalang pagbebenta ng mga indulhensiya.
Ang mga Pontiff (ang opisyal na termino para sa tanggapan ng papa) naman ay umupa ng mga mersenaryo upang magsilbing mga hukbo. Ang mga obispo ng simbahan ay naglingkod rin bilang mga duke at pinangangasiwaan ang maraming mga parokya upang makakuha ng mas maraming pera, at ang ilang mga monasteryo ay naging marangyang mga lugar upang pagdalhan ng mga ilehitimong anak ng mga uring maharlika.
8. Naunawaan ng mas maraming tao ang Biblia.
Hanggang sa pagsisimula ng Repormasyon, ang tanging Biblia na mayroong sa Kanlurang simbahan ay ang Latin Vulgate. Hindi lamang ito sumasagka sa pagkaunawa ng marami, kundi ang bersyong ito rin ay naglalaman ng ilang mga pagkakamali sa pagsasalin na naging dahilan para sa pagpapatuloy ng maling paniniwala. Halimbawa, sa Mateo 4:17, isinalin ang sinabi ni Jesus bilang, “gumawa ng pagpipinitensiya” sa halip na “magsisi.”
Ang mga implikasyon ay maliwanag. Nagsimulang magbago ito nang isalin ni Wycliffe ang Biblia sa katutubong wika noong ika-15 siglo. Kasunod ng kaniyang halimbawa, isinalin ni Martin Luther ang Bagong Tipan sa Aleman. Si William Tyndale, na naging inspirasyon ang gawa ni Luther, ay nagsalin naman ng Biblia sa Ingles—na sinasabing siyang unang gumawa nito mula sa orihinal na salitang Hebreo at Griyego.
9. Lumaganap ang karunungang bumasa’t sumulat sa buong kontinente.
Ginamit ng kilusang repormasyon ang mga katekismo para sa mga bata, na naghimok ng pagbabasa. Ang desisyon ni Luther na maglimbag sa Aleman sa halip na sa tradisyunal na wikang Latin, ay naging daan din upang ang mensahe ng Repormasyon ay makarating sa mga puso at isipan ng mga karaniwang tao.
10. Nagsagawa ang Simbahang Romano Katoliko ng sariling reporma.
Tinutukoy bilang Kontra-Repormasyon, ang mga nasa loob ng mga tradisyunal na istruktura ng Simbahang Katoliko ay tumugon sa kilusang Protestante sa pamamagitan ng pagtatangkang baguhin ang sarili nito.
Alam ng maraming mga relihiyosong grupo na nakaugnay sa Roma na may mali sa buhay ng simbahan. Ang Konseho ng Trento (1545-1563) ay isang halimbawa ng gayong reaksyunaryong pagpupulong.
Ang iba pang pagsisikap upang itama ang mga pang-aabuso, linawin ang doktrinang Katoliko, baguhing muli ang ispiritwalidad ng mga lipunan nito, maayos na sanayin ang mga pari, pagandahin ang kaniyang liturhiya at sining, at ipalaganap ang pananampalatayang Cristiano ay mga pagtatangka para muling isaayos ang simbahan upang maging totoo sa sarili nito at sa Diyos.
Ang mga bagong kautusang panrelihiyon tulad ng Society of Jesus (mga Heswita) ay itinatag upang tulungan itong maisakatuparan.
*Kung may assignment o nais hanapin (Tagalog o English), hanapin dito:
Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. MañebogNOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.