Relasyon ng Indibidwal at Lipunan: Ang Hindi Matatawarang Ugnayan
Ang Relasyon ng Indibidwal at Lipunan: Functionalist, Interactionist, at Culture and Personality theories
© Marissa G. Eugenio
Layunin sa Pampagkatuto: Nakikilala kung paano nahuhubog ng tao ang lipunan at kung paano nahuhubog ng lipunan ang tao
Sinasabing walang lipunan kung walang tao na nag-uusap sa isa’t isa, kumikilos, nakikipag-ugnayan, at nakikipagtulungan sa isa’t isa. Pero kung paanong kikilos sa piling ng isa’t isa o kung ano ang tama at mali sa pakikipag-ugnayan, lahat ng ito ay sa lipunan natututuhan.
Bawat lipunan ay may sariling nakatakdang patakaran, sariling mga kaugalian at tradisyon, sariling nakatakdang pagpapahalaga at paniniwala, at bawat isa ay nagtuturo sa mga miyembro nito na umakma sa lipunang iyon.
Ang lipunan, bilang konsepto, ay nagpapahiwatig ng mutwal na pagkakaloob-at-pagtanggap ng mga kinauukulang indibidwal sa pamamagitan halimbawa ng pagsulyap, pagkaway, pagbati, pakikipagkamay, pag-uusap, pakikipagsulatan, pagbati sa panahon ng mga pagdiriwang, pagpapadala at pagtanggap ng mga regalo, pakikipag-usap sa telepono, pag-i-email, pakikipag-chat sa internet, at pakikilahok sa ugnayang pampubliko.
Ang relasyon sa pagitan ng indibidwal at lipunan ay maaaring tanawin mula sa tatlong anggulo:
a. Functionalist,
b. Inter-actionist, at
c. Culture and personality
a. Functionalist view
Sa teoryang ito, sinasagot kung paano naaapektuhan ng lipunan ang indibidwal. Ano nga ba ang relasyon ng indibidwal sa lipunan?
Itinuturing ng teoryang ito na ang indibidwal ay hinuhubog ng lipunan sa pamamagitan ng impluwensiya ng mga institusyong gaya ng pamilya, paaralan, at lugar ng hanapbuhay.
Kinikilala ng mga unang sosyolohista gaya ni Herbert Spencer, Emile Durkheim, at maging si Karl Marx (na hindi functionalist) ang lipunan bilang umiiral nang hiwalay sa indibidwal.
Para kay Durkheim, ang lipunan ay reyalidad; ito ay tila mas nauna at mas mahalaga kaysa sa indibidwal. Sa kaniyang masusing pagtalakay ukol sa kolektibong kamalayan o collective consciousness, naipakita ni Durkheim kung paanong ang mga inter-aksiyong panlipunan, mga relasyon, at maging ang lipunan ay nakaiimpluwensiya sa saloobin, ideya at sentimiyento ng isang indibidwal.
Ginamit niya ang kaniyang teorya sa “kolektibong representasyon” (collective representation) sa pagpapaliwanag ukol sa pag-iral ng relihiyon, mga insidente ng pagpapatiwakal, at ang konsepto ng pagkakaisa ng lipunan.
Dahil dito, itinuring si Durkheim bilang isang ‘social realist,’ isang kampeon ng ‘sociologism,’ dahil siya ang nagtaguyod ng isang uri ng ‘social realism’ na nagbigay ng sosyal na reyalidad sa grupo, at hindi sa indibidwal. Lamang, sa teorya ni Durkheim ay tila walang puwang ang kalayaan at inisyatibo ng indibidwal, sapagkat tila ang lahat sa tao ay impluwensiya ng lipunan.
Ang paniniwala ni Durkheim ay tila kaibayo ng pananaw ni Auguste Comte (kilala bilang ama ng sosyolohiya) na ang indibidwal ay isa lamang abstraksiyon. Sa paliwanag naman ni Durheim, ang indibidwal ay tagatanggap ng impluwensiya ng grupo at ng pamana ng lipunan.
Ang importansiya ng lipunan sa pagbuo ng pansariling personalidad ay masasalamin sa mga kaso ng mga feral children, mga batang lumaki sa piling ng mga hayop gaya ng oso at lobo. Pinatutunayan nito ang kahalagahan ng inter-aksiyong sosyal at pakikisalamuhang pantao sa paghubog ng personalidad ng isang indibidwal.
b. Interactionist view
Sa teoryang ito, sinasagot kung paano nabubuo ang lipunan. Paano ba nakatutulong ang indibidwal sa pagbuo ng lipunan?
Para sa mga inter-aksiyonista, sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng mga tao nabubuo ang lipunan. Ang pangunahing kampeon ng ganitong ideya ay si Max Weber (social action theorist) na nagsabing ang lipunan ay naitatag mula sa interpretasyon ng mga indibidwal.
Naniniwala ang mga structuralist (o functionalist) na ang relasyon ng sarili (self/indibidwal) at lipunan ay makikita sa punto ng impluwensiya ng lipunan sa indibidwal. Ang pananaw ng mga inter-aksiyonista, sa kabilang dako, ay mula sa sarili (self/indibidwal) “papalabas,”na binibigyang-diin na ang mga tao ang lumilikha sa lipunan.
Ang perspektibong ito ay tinatawag ding “simbolikong inter-aksiyonismo” (symbolic interactionism). Sina W.I. Thomas, George Mead, at Herbert Blumer ang mga pinakamaimpluwensiyang personalidad mula sa mga interactionist.
Ang ilan sa mga makabagong pagtalakay, na nagbibigay-diin din sa indbidwal, ay ang ethnomethodology at ang fenomenolohiya (phenomenology) na isang perspektibong pilosopikal. (Read: Phenomenology Study: The Phenomenological Inquiry and the ‘Lived Experience’)
Nagbibigay-diin ang simbolikong interaksiyonismo sa importansiya ng simbolikong pamamaraan ng komunikasyon—lengguwahe, asta at pananamit, at iba pa. Lubos na tinatanggap ng mga inter-aksiyonista na nakakaapekto rin at hinuhubog ng lipunan ang indibidwal, subalit hindi sa punto na ang lipunan ang “may gawa” sa indibidwal.
Hindi naman tinatanggap ng isang kilalang iskolar na si Anthony Giddens (1984) ang ideya ng ibang sosyolohista na ang lipunan ay may hiwalay na pag-iral at nakahihigit pa sa mga indibidwal. Sinabi niyang ang mga pagkilos ng mga tao at ang kanilang mga reaksiyon ang siyang tanging realidad at hindi natin maituturing ang mga lipunan o sistema bilang may nangingibabaw na pag-iral at higit sa mga indibidwal.
c. Culture and personality view
Ang teoryang ito ay nagpapaliwanag kung paano naaapektuhan ng indibidwal at lipunan ang isa’t isa. Paano nga ba ang inter-aksiyon ng indibidwal at lipunan?
Bawat isang pananaw na naunang tinalakay ay sinasabing kapuwa kulang. Sa realidad, hindi “lipunan o indibidwal” bagkus ay “lipunan at indibidwal” ang tumutulong sa pag-unawa ng kabuuang ng realidad. Ang pananaw na absolutong nakatuon sa indibidwal o sa lipunan ay matagal nang inabandona.
Kinikilala ng mga sosyolohista, mula kay Cooley hanggang sa kasalukuyan, na ang lipunan ni ang indibidwal ay hindi maaaring umiral nang wala ang isa’t isa. Sa realidad, sila umano ay magkaibang aspeto ng iisang bagay.
Maraming pag-aaral ang isinagawa sa larangan ng antropolohiyang sosyal/pangkultura ang nagpapatunay rito. Ang pananaw na ito ay inilatag pangunahin ni Margaret Mead at iba pa na nanindigang ang kultura ng lipunan ay nakaaapekto sa personalidad (indibidwal) at, gayundin naman, ang personalidad ay tumutulong sa pagbuo ng kultura ng lipunan.
Pinag-aralan ng mga antropologong ito kung paanong hinuhubog o kinokontrol ng lipunan ang mga indibidwal at kung paano rin naman binubuo at binabago ng mga indibidwal ang lipunan.
Hindi iisang panig lamang ang relasyon sa pagitan ng lipunan at indibidwal. Kapuwa sila mahalaga sa pag-unawa ng bawat isa. Sila ay magkasama, kailangan nila ang isa’t isa, at nakasalalay sila sa isa’t isa.
Ayon sa mga individualists gaya ni Thomas Hobbes (ika-17 siglo) at John Stuart Mill (ika-19 siglo), hindi nagawang kilalanin ang pangangailangan ng tao at lipunan sa isa’t isa. At maging sa kasalukuyan, batay na rin sa hindi pagkakaunawa sa prinsipyong ito, nakaririnig tayo ng mga “banta” sa kaayusang lipunan mula sa lehislatibong sangay ng gobyerno sa isang banda at gayundin sa mga organisasyong nagsusulong ng karapatang pantao sa kabilang banda.
Kinikilala ng mga nagsusulong ng karapatang pantao ang mga bagong paraan ng seguridad-panlipunan bilang ‘pagyurak’ sa kalayaan. Sa opinyon naman ng ilang sangay ng gobyerno, ang indibidwal ay dapat lamang magpailalim sa lipunan. Sinasabi nilang dapat isakripisyo ng indibidwal ang kanilang kapakanan para sa lipunan.
Ang mga pananaw na ito ay kapwa sukdulan na tinatanaw ang relasyon sa pagitan ng indibidwal at lipunan mula sa isang perspektibo lamang. Tila nalilimutan na ang indibidwal at lipunan ay may ugnayan at nakadepende sa isa’t isa. Gamit ang ganitong prinsipyo, mas mabisang maaayos ang panlipunang integrasyon … ituloy ang pagbasa
© Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 7.1 Nakikilala kung paano nahuhubog ng tao ang lipunan at kung paano nahuhubog ng lipunan ang tao
Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist
Basahin: Sociology 101: A Primer