Pagsasaayos nang ayon sa kagandahan ng mga bagay na wala sa wastong lugar
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao, napag-aaralan na may mga bagay na wala sa wastong lugar at naisasaayos ito nang ayon sa kagandahan (PPT11/12PP-Ii-4.2). Ang isang paraan ng pagsasaayos sa mga ito ay sa pamamagitan ng mga Pilosopikal na pagsasaayos sa ekolohiya
Pilosopikal na pagsasaayos sa ekolohiya
Si Ernst Haeckel ang nagbuo sa salitang “ekolohiya” (ecology) para tumukoy sa siyentipikong pagsusuri sa inter-aksiyon ng mga hayop, halaman, at ng kanilang di- organikong (inorganic) kapaligiran. Sa madaling sabi, ang ekolohiya ay tungkol sa balanse ng kalikasan. At dahil ang kalikasan ay kinabibilangan ng tao, ang ekolohiya ay sumasaklaw rin sa pag-aaral sa papel na ginagampanan ng tao sa kaniyang kalikasan.
May mga mungkahi ang ilang teoryang pilosopikal-ekolohikal kung paano ilalagay sa ayos ang mga bagay na wala sa wastong lugar o kung paano isasaayos ang mga ito ayon sa kagandahan:
a. Deep Ecology
Noong 1970, binuo ng pilosopong Norwegian na si Arne Naess ang Deep Ecology na isang pilosopiyang ekolohikal. Binibigyang-diin nito na ang lahat ng bagay na nabubuhay ay may pantay-pantay na karapatang mabuhay, at ang pangangailangan ng tao at ang kaniyang mga nais ay hindi dapat na ituring na namumukod-tangi sa iba pang mga organismo.
Ayon sa deep ecology, ang lahat ng nabubuhay sa kalikasan ay dapat na irespeto. Dapat umanong isa-alang-alang palagi ang kanilang karapatang dumami, hiwalay sa kanilang benepisyo sa mga tao. Sinususugan ng teoryang ito ang prinsipyo na ang lahat ng bagay sa mundo ay may taal na halaga.
Nangangahulugan ito na gaano man kaliit o kalaki ang mga bagay na nakapaligid sa atin, nagtataglay sila ng likas na halaga na importante sa pagkakaroon ng balanse sa kalikasan. Isinulong ni Naess na dapat kilalanin ng bawat isa sa atin ang halaga ng bawat bagay na nakapaligid sa atin para tayo ay makapamuhay ng may harmoniya sa ating kapaligiran.
Tinututulan ng deep ecology ang pananaw na nakapokus sa tao, na kumikilng sa ideya na ang mga tao ang pinakaimportante sa lahat ng espesye (species) sa mundo at, kung gayon, ay dapat na tanawin ang kapaligiran at lahat ng bagay na nabubuhay bilang kasangkapan lamang para sa pamamalagi ng tao, kundi bilang “kasama” o kapantay sa pagpepreserba ng buhay.
Ayon sa deep ecology, ang ating kapaligiran ay integral na bahagi ng ating eksistensiya. Hindi maikakaila na labis tayong umaasa sa likas na yaman para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan. Kung ang ating likas na yaman ay maubos, ang tao ay titigil na rin sa pag-iral. Iminumungkahi ng deep ecology na bawat isa sa atin ay magkaroon ng “ekolohikal na sarili.”
Ayon kay Bill Devall, ang “ekolohikal na sarili” (“ecological self”) ay isang mature, sensitibo, at mapagmalasakit sa kapaligiran. Hindi natin maaabot ang ekolohikal na sarili kung hindi natin nakikita ang ating sarili na naka-ugnay sa kapaligiran. Kaya, para kay Devall (1988), kapag napagtanto lamang natin na tayo ay malalim na nakadepende sa ating kapaligiran at kalikasan ay saka lamang natin makikita ang halaga ng lahat ng bagay na nabubuhay na nakapaligid sa atin.
b. Social Ecology
Ang teoryang panlipunan na social ecology o ekolohiyang panlipunan ay pinasimulan ng libertarian socialist na si Murray Bookchin. Para kay Bookchin, ang mga krisis pangkalikasan sa kasalukuyan ay dulot ng walang habas, anti-ekolohikal, at kapiltalistang lipunan na impluwensiyado ng isipang kumita.
Ang social ecology ay nilikha bilang tuligsa sa pangkasalukuyang sosyal, politikal, at kontra-ekolohikal na takbo ng lipunan. Ito ay nagtataguyod ng isang mapagkumpuni, ekolohikal, komunitariyan, at etikal na pagtugon sa lipunan. Sinusuri ng teoryang ito ang mga dibuho at uri ng pagkakaugnay-ugnay sa pagitan ng tao at ng kaniyang kapaligiran.
Sinusubok nitong pag-isahin ang pag-aaral ng natural at sosyal na mundo, yayamang itinuturing nito ang mga tao, lipunan at ang natural na mundo bilang magkakatuwang na bahagi ng ebolusyon. Ang mga nagtataguyod ng teoryang ito ay naniniwala na lahat ng problemang pangkalikasan na ating nararanasan at umiiral sa kasalukuyan ay mga problemang panlipunan na nag-uugat sa hindi maayos na relasyon ng tao at kalikasan, kung saan kinontrol ng tao ang kalikasan para sa sarili nitong interes.
Ang mga problema sa global warming, pagbabago ng klima, pagkaubos ng likas na yaman, at mga kauri nito ay lumitaw dahil umano sa matagal nang umiiral na isipan o pagnanasa ng mga tao na dominahin ang isa’t isa at sakupin maging ang kalikasan para sa kapangyarihan at kita.
Bunga umano ng mga kadahilanang panlipunan ang mga suliraning pangkalikasan. Ang gampanin ng ekolohiyang panlipunan, kung gayon, ay ang magbigay ng malinaw na larawan ng pagsasalimbayan at pagkakaugnay-ugnay ng mga tao sa kanilang kapaligiran, sa pamamagitan ng masusing pagsusuri ng mga relasyong panlipunan at pangkalikasan. Naniniwala si Bookchin na ang mga tao ay dapat na mamuhay nang may pagkakatugma sa kanilang kalikasan.
Ang mga pang-aabuso na ating ginagawa sa mga halaman, hayop, yamang tubig at lupa ay sinasabing babalik din sa atin sa huli at lilikha ng lalong panganib sa ating buhay. Halimbawa, anumang seryosong pagsira sa lupa o sa mga halaman at hayop ay magiging sanhi ng sakit ng mga tao.
Nag-aalok si Bookchin ng isang alternatibong pilosopikal na magsisilbing gabay upang tugunin ang mga isyung ekolohikal. Tinatawag ito ni Bookchin (1982) na “ethics of complementary,” na nagpapanukala ng magkaayon na pag-asa at kooperasyon sa pagitan ng mga tao at ng kapaligiran, at ng mahalagang ideya na ang mga tao at ang iba pang institusyong panlipunan ay marapat na maging magalang at responsableng makitungo sa kalikasan. Ayon kay Bookchin, kapag nangyari ito ay tiyak na magreresulta ito ng pag-usbong ng ekolohikal na lipunan—isang modelo ng organisasyong sosyal na larawan ng pag-asa sa isa’t isa at kooperasyon sa pagitan ng mga bahagi ng lipunan.
Ipinatatanda sa atin ng social ecology na ang mga suliraning pangkalikasan ay bunga, pangunahin na, ng kapabayaan ng tao. Naniniwala ito na ang ating mga aksiyon sa ating kapaligiran ay may direktang epekto sa ating buhay. Ang iba’t ibang nakamamatay na kalamidad na nararanasan natin sa kasalukuyan ay produkto ng ating padalus-dalos na pagdedesisyon at iresponsableng aksiyon sa ating kalikasan.
Sinasabi ng ekolohiyang panlipunan na tayo ay marapat magkaroon ng perpektong relasyon sa ating kalikasan. Dapat nating pag-isipang mabuti ang ating mga kilos na may kaugnayan sa ating kalikasan at aktibo tayong lumahok sa pagpapanatili at pagpoprotekta sa ating likas yaman …
Basahin ang karugtong: Ang Transpersonal Ecology at Ecological Feminism
© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 4.2 Napapansin ang mga bagay na wala sa wastong lugar at naisasaayos ito nang ayon sa kagandahan (PPT11/12PP-Ii-4.2)
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog