Pagpapahalaga sa mga talento ng mga may kapansanan at kapus-palad

© by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Mahalagang ang pamayanan ay nakapagtatasa ng mga talentong may kapansanan at kapus-palad na maaaring maiambag sa lipunan. Sa madaling salita, dapat matutunan na pahalagahan ang mga talento ng mga may kapansanan at kapus-palad at ang kanilang kontribusyon o ambag sa lipunan. Ito ang isa sa leksiyon na aplikasyon ng paksa ukol sa pakikipagkapwa-tao.

Mga may kapansanan o PWD

Ang PWD ay persons with disability o mga taong may kapansanan. Tama lamang na ang salitang “person” ay nauna sa “disability.” Hindi nangangahulugang ang mga taong ito na may kapansanang pisikal o mental ay dapat husgahan o tingnan sa aspeto ng kanilang kapansanan lamang. Gaya ng bawat isa sa atin, ang kanilang kapalaran ay nakasalalay sa kanilang mga ginagawa.

Sinasabi ng mga eksperto na kung paanong walang tao ang magkatulad, walang taong may kapansanan ang katulad ng isa pang may kapansanan din, kahit sabihin pang iisang uri ang kanilang kapansanan.

Isang limitasyon ang kapansanan sa maaaring gawin na maaaring makaapekto sa abilidad ng isang tao na maglakad, makarinig, magsalita, makakita, mag-isip, at matuto, subalit hindi pareho ang epekto ng kapansanan sa bawat tao. May mga tao na maaaring higit sa isa ang kapansanan at iba’t iba ang lala ng kapansanan na taglay ng bawat isa.

Ang sektor ng mga kapus-palad

Ang mga mamamayan sa maraming bansa gaya ng Pilipinas ay nabubuhay sa lipunan kung saan napakalaki ng agwat sa pagitan ng mayaman at ng mahirap. Ang hindi pagkakapantay na ito ay hindi lamang nakakaapekto sa bansa kundi maging sa mga miyembro ng komunidad.

Sa ganitong Sistema, higit na nagdurusa ang mga tinatawag na nasa laylayan (marginalaized) at ang iba pang nasa sektor ng mga kapus-palad. Kasama rito ang mga tao at pamilyang walang access sa mga pangunahing karapatan ng mga mamamayan gaya ng edukasyon at serbisyong medikal.

Kadalasan, nahihirapan silang makahanap ng trabaho, para may maipambili ng pagkain at makakain ng tatlong beses sa isang isang araw. Nakalulungkot, ang mga batang ipinanganak sa ganitong kategorya ay kadalasang biktima ng malnutrisyon at masasakitin. Gayundin, ang iba ay pumapasok sa ilegal na gawain at krimen dahil iyon na lamang ang alam nilang paraan para makatawid sa araw-araw.

Makatwiran na matutunan ng mga tao sa lipunan na pahalagahan ang mga talento ng mga may kapansanan at maging ng mga nasa sektor ng kapus-palad at ang kanilang kontribusyon sa lipunan. Ang mga nasa kapangyarihan ay dapat na magbigay ng lugar kung saan mapauunlad ng mga ito ang kanilang kakayahan at talent

Basahin ang karugtong: Mga Huwarang PWDs

© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 6.2 Nakapagtatasa ng mga talentong may kapansanan at kapus-palad na maaaring maiambag sa lipunan. (PPT11/12BT-IIc-6.2)

SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage