Pagkilatis ng mga opinyon

© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Importanteng makapagpamalas ng kakayahan na mangilatis (discern) ng mga opinyon. Ang opinyon, sa kaniyang sarili, ay hindi masama. Ang totoo, ang mga opinyon ang maghahatid sa isang tao sa katotohanan. Ang panganib ay naroon sa pagtanggap ng opinyon nang hindi sinusuri kung talaga nga bang totoo ito.

Kaya nga mahalaga ang pag-iisip nang kritikal (critical thinking). Ang kakayahang ito na napayayabong sa pamamagitan ng pag-aaral ng pilosopiya ay tumutulong na makarating ang tao sa katotohanan.

Ang pangingilatis ng opinyon ay nangangailangan ng mga kritikal na katanungan. Gabay sa pagkilatis ng mga opinyon ang tseklist na ito ng mga dapat suriin sa isang opinyon:

1. Pinagmulan (Source)

Sa pangingilatis sa mga opinyon, mahalagang malaman kung ano ang pinanggalingan ng impormasyon. May mga source na mas mapagtitiwalaan kaysa iba. Ang kabatiran sa pinagmulan ng materyal ay makatutulong sa pagpapasiya sa kahustuhan o pagiging tama ng impormasyon.

Upang maisagawa ang ebalwasyon sa pinagmulan, dapat ikonsidera:

(a) ang reputasyon nito;

(b) ang nilalayong patutunguhan ng impormasyon (intended audience);

(c) kung mga tunay na dokumento ang ibinigay na patotoo.

2. Pagiging mapagtitiwalaan (Reliability)

“Gaano ba mapagtitiwalaan ang taong nagbigay ng impormasyon?” Ito ay mahalaga ring itanong o suriin.

Kung gayon, dapat pag-aralan kung gaano katagal nang pinag-aaralan ng taong nagbigay ng impormasyon ang paksa na kaniyang binabanggit at gaano na kalawak ang kaniyang karanasan kaugnay ng paksa.

3. Layunin (Purpose)

Mahalagang alamin kung bakit ibinigay o nilathala ang impormasyon. Marapat tukuyin ang mga pangunahing layunin ng inihayag na opinyon. Ang buod ba ng impormasyon ay upang mangumbinsi o manghimok?

Importante ring suriin kung may itinatago bang agenda, baka kasi ang pahayag ay isang  propaganda. Siguraduhing masuri ang isang partikular na pananaw na ineendorso ng ipinahayag na impormasyon o opinyon.

4. Pagkiling (Bias)

Marapat siyasatin kung ang tao na nagbigay ng pananaw ay pabor o laban sa paksang pinagtatalunan. Siya ba ay may pinapaboran o vested interest sa kaniyang pagpabor sa isang isyu?

Halimbawa: Ukol sa isyu noong 2020 kung dapat bang i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN o hindi, kung ang magbibigay ng pananaw ay isang broadcaster ng istasyong iyon, maaaring ituring ng iba na ang kaniyang pahayag ay may pagkiling para sa kumpanya na nagpapasahod sa kaniya.

Gayundin, tila natural din na ipagtanggol naman ng isang miyembro ng LGBTQ+ community ang panukalang same-sex marriage sa bansa. Ang ukol sa pagkiling (bias) ay isa sa dapat suriin sa pagtatasa sa mga opinyon.

5. Palagay (Assumption)

Mahalaga sa pagsusuri sa mga opinyon na malaman kung anu-ano ang mga palagay na nakapaloob sa pahayag. Ang palagay ay isang ideya o prinsipyo na tinatanggap ng isang tao bilang totoo nang walang ginagawang sapat na pagsusuri upang ito ay patunayan o suportahan. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)

Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 2.4 Nakapagpapamalas ng kakayahan namangilatis (discern) ng mga opinyon (PPT11/12PP-Ie-2.4)