Mga Dahilan ng Prostitusyon at Pang-aabuso

© Marissa G. Eugenio & Vergie Eusebio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:

Natatalakay ang dahilan ng prostitusyon at pang-aabuso

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga dahilan kung bakit ang ilan ay nasasadlak sa prostitusyon:

1. Kahirapan

Maraming pumapasok sa prostitusyon upang magkaroon ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay. Ang pangunahing dahilan sa pagiging prostitute ay upang kumita ng salapi.

Nakalulungkot na ang ilang mga batang kababaihang nag-aaral na hindi masuportahan ng magulang (dahil sa kahirapan) at walang ibang paraan para kumita ay pinapasok ang prostitusyon upang mabuhay at makapagpatuloy sa pag-aaral.

2. Peer Pressure

Ang karamihan sa mga nasa prostitusyon ay naakit o naisama ng mga kaibigan. Ang barkada ay may mataas na impluwensya sa mga kabataan.

Kung nasa prostitusyon ang kasa-kasama ng isang kabataan, malamang na maging ganuon na rin siya.

3. Pagiging biktima ng rape, child labor, at trafficking

Ang ilan sa mga sex workers ay biktima ng sex slavery, pornograpiya, panggagahasa, child labor, at trafficking. Malamang na walang makitang maganda, banal, o mahalaga tungkol sa seks ang mga taong inaabusong sekswal o ginagahasa noong sila ay mga bata pa.

Ang ilan ay nagkakaroon ng mababang pagpapahalaga sa sarili at sexual disorders, na sa kalaunan ay maghahahantong sa kanila sa prostitusyon.

4. Katamaran at pagnanais na kumita nang mabilis

May mga kabataan at estudyante na tamad at nais mabuhay sa luho nang walang pagpapagal. Ang mga nagtatrabaho na may kaunting sahod ay maaaring mainggit sa mga kasamahan na kumikita nang malaki nang hindi gaanong nagtatrabaho. Ganito nasisira ang moral ng ilang inosente kaya’t napapasok sa prostitusyon.

Sinasabing ang ilang mga kabataan na nagmula sa mayayamang pamilya ay nasasangkot din sa ganitong gawaing. Sa kasakiman sa mas maraming salapi bukod pa sa bigay ng kanilang mga magulang, “rumaraket” ang ilan sa prostitusyon.

5. Kakulangan sa pangangalaga ng magulang

Karamihan sa mga bata ay nagiging pasaway kapag walang sinumang gumagabay at sumusubaybay sa kanila. Ang mga may sobrang abala o di-maalagang mga magulang ay may posibilidad na maakit sa iba’t ibang mga bisyo sa lipunan.

Ang mga batang kababaihan na malayang gawin ang lahat ng maibigan, gaya ng pagdalo sa mga party, ay nakalantad sa masasamang impluwensya. Sila ang kadalasang nalilinlang at naaakit sa prostitusyon.

Tungkol naman sa pang-aabuso at karahasan, narito ang ilan sa mga madalas na sinasabing mga dahilan:

1. Iba’t ibang damdamin

Ang iba ay nang-aabuso ng kanilang asawa o kinakasama dahil sa mababa ang kanilang self-esteem, labis na nagseselos o naninibugho, hindi makontrol ang galit, o dahil sa inferiority (nararamdaman nilang mas mababa sila sa kanilang kapareha sa edukasyon o kalagayang panlipunan).

2. Maling paniniwala

Nang-aabuso ang ilang mga tao na may maling tradisyonal na paniniwala na ang mga kababaihan ay hindi kapantay ng mga kalalakihan kung kaya’y mayroon silang karapatang kontrolin ang kanilang kapareha.

3. Problemang sikolohikal

Ang ibang nag-aabuso ay mayroong undiagnosed personality disorder o psychological disorder.

4. Kinalakihan sa pamilya o kapaligiran

Ang iba ay maaaring natutunan ang pang-aabuso sa kanila mismong tahanan kung saan tanggap ang karahasan bilang isang normal na bahagi ng pagpapalaki sa kanila.

Ang iba ay natutunan ito sa kanilang pamayanan at iba pang impluwensyang pangkultura habang sila ay lumalaki.

5. Pagiging biktima ng karahasan

Ang ibang nag-aabuso ay biktima mismo ng karahasan sa nakaraan. Inaamin ng ilang mga nang-aabuso na lumaki silang inaabuso mula sa kanilang pagkabata.

Ang mga batang nakasaksi o naging biktima ng karahasan ay maaaring magkaroon ng paniniwala na ang karahasan ay isang makatwirang paraan upang malutas ang mga hindi pagkakaunawaan.

6. Alkohol at droga

Ang alkohol at droga ay maaaring mag-ambag sa marahas na pag-uugali. Mahirap makontrol ng isang lasing o lango sa droga ang kanyang marahas na bugso ng damdamin na nagbubunsod sa karahasan at pang-aabuso.

*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, civic engagement, etc), i-search dito:

Copyright © Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

=====

Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Ang Kahalagahan ng Pag-Aaral Ng Kontemporaryong Isyu