Mga bagay na wala sa wastong lugar at ang pagsasaayos ayon sa kagandahan

© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Mahalaga subalit hindi sapat  na napapansin ang mga bagay na wala sa wastong lugar sa kapaligiran. Dapat ding matutunan at maisagawa ang pagsasaayos sa mga ito nang ayon sa kagandahan.

Ibat-Ibang Suliraning Pangkalikasan

Ang pag-iral ng iba’t ibang suliraning pangkalikasan at ng kanilang mga negatibong epekto sa buhay ng tao ay mga katunayan na ang mga bagay sa kapaligiran ay wala sa kanilang tamang lugar.

Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng suliraning pangkalikasan o pangkapaligiran:

1. Polusyon sa hangin

Tumutukoy ito sa kontaminasyon ng hangin sa atmospera, na ang pangunahing sanhi ay ang nakapipinsalang usok at toksin (toxin) na ibinubuga ng mga pabrikang pang-industriya at mga sinusunog na gasolina mula sa mga pribado at pampublikong sasakyan, at makinaryang pang-agrikultura.

Nag-aambag din ng polusyon sa hangin ang pagsunog ng mga panggatong (fossil fuels) gaya ng petrolyo at karbon mula sa mga planta ng kuryente; ang paggamit ng mga pamatay-kulisap, pestisidyo, at pataba; at ang pagpapakawala ng gases mula sa mga produktong panlinis sa tahanan at mga emisyon mula sa mga kusinilya.

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), ang polusyon sa hangin ang dahilan ng humigit-kumulang 600,000 pagkamatay ng mga batang mas mababa sa limang taon ang edad taun-taon. Dahil sa polusyon sa hangin, nagkakaroon ng panganib sa pagkakaroon ng impeksiyon sa baga, asma, malubhang kondisyon bago pa ipanganak ang sanggol, at mga abnormalidad mula pa sa pagkapanganak ng bata.

Batay pa rin sa WHO, karamihan sa mga sakit na ito ay nakukuha mula sa mga polusyon sa hangin sa tahanan (gaya ng pagkalantad sa usok mula sa kusinilya), mausok na hangin sa kapaligiran, at usok ng sigarilyo, gaya sa kaso ng mga naninigarilyo at mga second-hand smoker. Dahil sa mga ito, itinuturing ng WHO ang polusyon sa hangin bilang isa sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga tao sa buong mundo.

2. Polusyon sa tubig

Nagdudulot ng ganitong polusyon ang pagtagas ng langis, acid rain, at iba pang delikadong kemikal na humalo sa tubig. Ayon sa World Health Organization (2017), ang kontaminasyon sa tubig ay sanhi ng iba’t ibang sakit ng tao, partikular sa mga bata.

Noong 2017, naitala ng WHO na ang pagtatae (diarrhea)—na dulot ng paggamit ng di malinis na tubig, maling palalusugan (improper hygiene), at di maayos na sanitasyon—ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata sa buong mundo.

3. Acid rain

Nalilikha ang acid rain kapag ang mga mapaminsalang gas gaya ng nitrogen oxides at sulfur oxides ay nakakarating sa atmospera sa pamamagitan ng pagsunog ng mga panggatong (burning of fossil fuels) at pagpapaandar ng mga makina ng sasakyan.

At kapag umuulan, ang mga mapaminsalang gas na ito ay humahalo sa mga patak ng ulan, sa anyo ng acid rain, na nagdudulot ng malaking pinsala sa mga pananim, hayop, at maging sa mga tao. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)

Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist 

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 4.2 Napapansin ang mga bagay na wala sa wastong lugar at naisasaayos ito nang ayon sa kagandahan (PPT11/12PP-Ii-4.2)