Climate Change sa Pilipinas: Isang Talakayan
Pumangatlo ang Pilipinas sa maraming mga bansa sa buong mundo na nanganganib sa mga peligro o sakunang dulot ng global warming o climate change. Ito ay batay sa ulat ng World Bank (WB) na nagbabala ukol sa paglala ng iba’t ibang sakuna sa daigdig dulot ng patuloy na global warming o climate change.
Inaasahang tataas ng hanggang labinlimang porsyento ang sea level sa timog-silangang Asya sa katapusan ng ika-21 siglo, na magbubunga ng mas madalas at mas malala na mga pagbaha sa mga bansa gaya ng Pilipinas. Kung hindi masosolusyunan kaagad, labis na maaapektuhan ang mga informal settler at ang urban population ng bansa na nakatayo ang mga bahay sa malapit sa dagat, ilog, sapa, at mga estero.
Tangi sa pagtaas ng sea-level, inaasahan ang pagkakaroon ng mas malalakas na mga bagyo at sobrang tag-init sa ilang bahagi ng mundo gaya ng Pilipinas. Ang heatwave at tagtuyot ay maaaring magdulot ng karamdaman o/at pagkamatay. Bunga ng pagtaas ng temperatura sa daigdig, inaasahan din na dadami ang mga sakit kagaya ng diarrhea at dengue. Ngayon pa lamang ay napakarami nang namamatay na mga Pilipino dahil sa dengue. Magkakaroon din ng maraming kaso ng cholera, malaria, leptospirosis (dulot ng daga) at mga allergy. Inaasahan rin ang paglaganap ng malnutrisyon.
Ang global warming o climate change ay tumutukoy sa pagbabago ng klima o panahon dahil sa pagdami ng lebel ng greenhouse gases (GHG) na nagpapainit sa mundo.
Tangi sa enerhiya na mula sa araw at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa, sanhi rin ng global warming ang mga gawain ng tao na nagdudulot ng pagdami o pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases. Ang pagbuga ng carbon dioxide ng mga pabrika, makina, at sasakyang gumagamit ng krudo o gasolina, ang pagputol ng mga puno na nag-aalis ng carbon dioxide sa hangin, at ang pagkabulok ng mga bagay naorganic, gaya ng mga basura, na nagbubunga ng greenhouse gas na methaneay kabilang sa mga sanhi ng global warming.
Iminumungkahi ng World bank sa Pilipinas na dagdagan ang pondo para sa mga programang may kaugnayan sa climate change.
Tama ba ang mga paghahanda ng pamahalaang Pilipinas para sa mga sakunang idudulot ng climate change? Ano pa ang dapat gawin ng gobyerno ng Pilipinas?
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog
Gumamit ng #ClimateChangeSaPinas #GlobalWarmingSaPinas
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.