‘Binibigyan ako ng hangganan at posibilidad ng aking katawan’

© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Pinaniniwalaan ng mga mananampalataya na tanging ang Panginoon lamang ang makalilikha ng buhay.  Subalit ang buhay ng tao, bukod sa pagiging misteryo, ay isa ring dinamismo. At ang tao ay bahagi ng dinamikong proseso ng buhay—siya ay sumasailalim sa paghahati ng mga selyula (cell division) at iba pang sistema at prosesong nagaganap sa kaniyang katawan na mahalaga upang manatiling buhay.

Samakatuwid, dapat maunawaan o makilala ng tao na sa isang banda, binibigyan siya ng hangganan at posibilidad ng kaniyang pisikal na katawan.

Para sa English discussion sa paksang ito, basahin ang: Recognize how the human body imposes limits and possibilities for transcendence

Pagbibigay ng hangganan ng katawan

Batay sa kalikasan, ang tao ay lumalaki, bumibigat, nagkakahubog, maaaring nagbabago ng bahagya ang kulay, at nagtataglay ng iba pang katangiang biyolohikal na siyang natural na nangyayari sa mga bagay na nabubuhay. May kakayahan siyang magparami sa pamamagitan ng reprudaksiyon (reproduction). Sumasakop siya ng espasyo, kumikilos sa panahon, at pumapailalim sa mga pisikal na batas gaya ng gravity.

Laging nagbabago ang ating katawan. Sa paglipas ng panahon, nagpapakita ito ng depekto, kahinaan, pagbabago, at pagkasira. Taglay nito ang mga senyales ng ating pagiging mortal. Ang tao ay pumapanaw kapag ang kaniyang katawan ay namatay. Tunay nga, kung gayon, “Binibigyan ako ng hangganan ng aking katawan.”

Pagbibigay ng posibilidad ng katawan

Masasabi na ang tao, bagamat talagang binibigyang hangganan ng kaniyang katawan, ay higit sa kaniyang katawan. Ang sabi nga sa Pilosopiya, “Man is an embodied subject/spirit.” Ipinalalagay na ang diwa ng tao na nasa loob ng katawan ay malayo ang naaabot, lumiliyad patungo sa walang katapusan, at doon makasusumpong ng tunay na kasiyahan at kapahingahan.

Magkagayunman, hindi ito nangangahulugan na ang katawan ng tao ay kagamitan o accessory lamang. Ang ating katawan ay esensiyal sa ating pagkatao. Ang pag-iral ng katawan ay nangangahulugan na dapat nating tanggapin ang ipinagkaloob sa ating henesya (inherited genetic makeup).

Ang katawan, kung gayon, kung saan nakapaloob ang DNA o genes na minana ng tao sa kaniyang mga magulang, ay nagtatakda rin ng kaniyang mga posibilidad sa kaniyang pisikal, intelektuwal, at sikolohikal na kapasidad. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)

Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 3.3 Nakikilala na: Binibigyan ako ng hangganan at posibilidad ng aking katawan (PPT11/12PP-Ih-3.3)