Ano ang Migrasyon?

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Ang migrasyon ay ang paglipat ng isang tao o mga tao mula sa isang bansa, lokalidad, o tirahan patungo sa ibang lugar upang doon manirahan o mamalagi.

Ito ay karaniwang tumutukoy sa paglipat sa malayong dako gaya ng ibang probinsiya, rehiyon, o bansa.

Ang migrasyon ay maaaring internal lamang (sa loob ng bansa) o eksternal (palabas ng isang bansa). Ang mga paglalakbay na hindi naglalayong manirahan sa pupuntahang dako ay hindi itinuturing na migrasyon.

Ang ilang halimbawa nito ay ang pagtuturista, pilgrimage (paglalakbay sa itinuturing na banal na dako), at pangnegosyong paglalakbay.

Para sa mga epekto ng migrasyon, panuorin ang educational video. Nota: Para magkaroon ng FULL ACCESS sa video, mag-SUBSCRIBE muna (kung hindi ka pa naka-subscribe):

Karamihan sa migrasyon ay boluntaryo o kusa. Ganunpaman, may hindi boluntaryong migrasyon gaya sa kaso ng mga biktima ng slave trade, human trafficking, at ethnic cleansing.

Mula noong huling bahagi ng ika-20 na siglo, ang pagbangon ng globalisasyon ay nagpabago ng konsepto ng migrasyon.

Ang mga pag-unlad sa mga sistema ng transportasyon, komunikasyon, at pananalapi ay nagpadali para sa mga tao na lumipat upang magtrabaho sa ibang bansa ngunit nakapagsusustento pa rin para sa kanilang naiwang pamilya sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang mga kita sa kanilang sariling bansa.

Ang transnasyonal na migrasyon ay tumutukoy sa pangyayari kung saan ang mga tao ay lumilipat mula sa isang bansa patungo sa iba para sa pansamantalang paggawa.

Ang mga migranteng transnasyonal ay tinatawag din na dayuhang manggagawa, panauhing manggagawa, at expatriate.

Sa Pilipinas, ang pagtaas ng labor migration ay nakalikha ng isang malaking populasyon ng pamilyang Pilipino na may miyembrong transnasyonal na migrante. Overseas Filipino Workers (OFWs) ang tawag sa mga Pilipinong transnasyonal na migrante.

ISANG ISYUNG POLITIKAL

Ang migrasyon ay isang isyung politikal. Ang isang isyu ay isang mahalagang paksa na tinatalakay at pinagtatalunan ng mga tao. Ang politikal ay tumutukoy sa kung paanong ang kapangyarihan ay natatamo at ginagamit ng isang bansa o lipunan.

Ang mga isyung politikal, kung ganun, ay mga paksa tungkol sa pamamalakad sa gobyerno, mga gawaing may kaugnayan sa pamamahala, mga pamamaraan sa pagkuha ng kapangyarihang panglehislatura, pang-ehekutibo, at panghudikatura, at paglikha at pangangasiwa ng mga sangay ng pamahalaan at mga samahang ugnay sa gobyerno.

Nakapaloob sa isyung politikal ang iba pang mga isyu gaya ng ukol sa pangkapayapaan, territorial and border conflicts, political dynasties, at graft and corruption.

Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Mga Dahilan ng Migrasyon sa Loob at Labas ng Bansa

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.