Ang tunay na diyalogo: Pagtanggap sa kapwa kahit siya ay iba sa akin
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 6.3 Nakapagpapaliwanag na ang tunay na diyalogo ay ang pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa akin
Ano nga ba ang “diyalog” (dialogue)? Ito ay nagmula sa dalawang salitang Griego na dia-, na nangangahulugang “sa pamamagitan,” at logos, karaniwang isinasalin bilang “ang kahulugan.”
Ang logos
Sa mas masusing pagsusuri, ang salitang Griego na logos (λόγος) ay naghahayag ng malalim na kahulugang espirituwal, at nagkaroon ito ng iba’t ibang pakahulugan sa panitikan ng relihiyon at Kanluraning pilosopiya.
Nagmula sa pilosopong Griego na si Heraclitus, noong mga 500 BC ang isa sa mga unang reperensiya sa logos bilang “espiritu” (maaaring unawain bilang diwa). Ang logos ni Heraclitus ay binigyang kahulugan sa iba’t ibang paraan, bilang “lohikal,” bilang “kahulugan,” at bilang “katwiran.” Para kay Heraclitus, ang logos ay responsible sa kaayusan ng sansinukob, bilang batas kosmiko na nagpapahayag na “Iisa ang Lahat at Lahat ay Iisa.”
Binigyan ng pang-unawang panrelihiyon ng pilosopong Judio na si Philo ng Alexandria ang logos. Iminungkahi ni Philo na ang logos ang “pinakamataas na ideya ng Diyos na maaaring matamo ng tao … mas mataas kaysa paraan ng pag-iisip, mas mahalaga kaysa ano pa mang kaisipan.”
Para kay Philo, ang logos ay Banal, ito ang pinagmumulan ng lakas kung saan ang kaluluwa ng tao ay nahahayag. Ang sabi pa niya, “sa pamamagitan ng Logos at tanging sa pamamagitan ng Logos lamang magagawa ng tao na makilahok sa mga gawang Banal.”
Masasabing malalim at hindi madaling unawain ang kahulugan ng logos. Ganunpaman, sa konteksto ng diyalogo, ang logos ay maaaring tumukoy sa “kaisipan” o “pagkaunawa” na dapat ay kapwa nauunawaan ng magkabilang panig sa diyalogo. Ang “awtentiko” o tunay na dayalogo ay hindi mangyayari kung tayo ay bilanggo ng ating kaisipan o kung pinaniniwalaan natin na nasa atin ang monopolyo ng katotohanan.
Tunay na diyalogo
Ang tunay na diyalogo ay mangyayari lamang kung ang mga kasapi rito ay payag na pasukin ang metapisikal na daigdig ng logos (o payag na unawain ang konsepto sa paksang pag-uusapan) at “makipagtalastasan.” Sa madaling salita, ang bumabahagi sa diyalogo ay dapat maging bukas ang isipan at payag sa pagkakaroon ng pagkakaunawaan.
Kung gayon, may mga katanungang marapat nating itanong sa ating sarili: Bukas ba tayo sa tunay na diyalogo sa ating kapwa at sa pagkakaunawaan? Mabilis ba tayong manghusga ng kapwa? Tinatanggap ba natin ang karapatan ng isang tao na magkaroon ng pananaw na iba sa ating taglay? Talaga bang nauunawaan natin ang perspektibo ng isang tao o hinuhulaan lamang natin kung ano ang kaniyang paniniwala?
Gunitain natin ang mga pagkakataon kung kailan nagkaroon tayo ng awtentikong diyalogo. Kumusta ito at paano ito naiiba sa iba pang uri ng interpersonal na komunikasyon? Inunawa ba natin ang panig ng ating kausap? Hinusgahan ba natin siya kaagad? Iginiit ba natin ang ating sariling opinyon o inunawa rin natin ang kaniyang puntos para sa pagkakaroon ng pagkakasundo?
Sa madaling salita, dapat tandaan na ang tunay na diyalogo ay ang pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa atin … ituloy ang pagbasa
Basahin: 30 Life Lessons on Treating Others
© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Layunin sa Pampagkatuto:
– 6.3 Nakapagpapaliwanag na ang tunay na diyalogo ay ang pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa akin
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage