Ang Transpersonal Ecology at Ecological Feminism: Mga Pilosopiya sa Ekolohiya

© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

May mga teoryang pilosopikal-ekolohikal na nagmumungkahi kung paano ilalagay sa ayos ang mga bagay na wala sa wastong lugar sa kapaligiran o kung paano isasaayos ang mga ito ayon sa kagandahan. Ang dalawa rito ay ang Transpersonal Ecology at Ecological Feminism.

Ano ang kaibahan nila sa isa’t isa? Saang larangan sila magkaugnay at magkapareho?

Transpersonal Ecology

Ang transpersonal ecology o ekolohiyang transpersonal ay teoryang isinulong ni Warwick Fox noong 1990. Iminumungkahi ng ekolohiyang transpersonal na dapat nating maintindihan hindi lamang ang halaga ng kalikasan sa ating buhay kundi maging ang gampanin natin sa siklo ng buhay.

Ipinapaliwanag ng transpersonal ecology na dapat nating isa-alang-alang sa ating mga desisyon at aksiyon ang mga pamantayang moral at batas ng kalikasan.

Itinuturo ng teoryang ito ang tatlong magkakaugnay na aspeto ng sarili (self) na nagbibigay ng batayang teoretikal ukol sa ating palagay at pagtingin sa kalikasan. Ipinakilala ni Fox ang ideya na ang sarili (self) ay maaaring i-kategorya sa tatlo: (a) ang mapaghangad-mapusok na sarili (a desiring-impulsive self), (b) ang mapamantayan-mapaghusgang sarili (normative-judgmental self), at  (c) ang matwid-nagdedesisiyong sarili (rationalizing-deciding self).

Ipinaliwanag ni Fox na ang mapaghangad-mapusok na sarili ay nagnanais, at laging naghahangad, na matamo ang mga bagay sa maikling panahon lamang nang hindi isinasaalang-alang ang pangangailangan ng iba. Sa kabilang dako, ang mapamantayan-mapaghusgang sarili ay gumagawa ng ayon sa pamantayan at inaasahan ng lipunan. Panghuli, ang matwid-nagdedesisyong sarili ay gumagawa ng desisyon at aksiyon batay sa katwiran.

Batay na rin sa tatlong kategoryang ito, sinasabing nagagawa ng sarili ang mga sumusunod:

(1) Ang mapaghangad-mapusok na sarili ay nagtutulak sa atin na hangarin ang sagad na paggamit ng likas na yaman. Ito ang dahilan kung kaya ang ilan sa atin ay mas iniintindi ang mas malaking pakinabang mula sa mga likas ng yaman nang hindi isinasaalang-alang ang interes ng ibang tao.

(2) Ang mapamantayan-mapaghusgang sarili ay nagtutulak sa atin na kilalanin ang presensiya ng mga makatotohanang  balakid at sundin ang moralidad na hinihingi ng lipunan. Kaibayo ng mapaghangad-mapusok na sarili, ang mapamantayan-mapaghusgang sarili ay nagpapakita ng ating katangian na maging matipid sa paggamit ng likas na yaman.

(3) Ang matwid-nagdedesisyong sarili ay nagtutulak sa atin na pag-isipan ang ating mga aksiyon sa kalikasan. Ang aspetong ito ng sarili ang nagdudulot sa atin na isaalang-alang ang mga positibo at negatibong epekto ng ating aksiyon.

Ayon sa ekolohiyang transpersonal, marapat itaguyod ang isang transpersonal na sarili, ang sarili na nananaig sa mapaghangad-mapusok na sarili na isang makasariling karakter. Marapat umano na baguhin natin ang ating sarili na maging etikal at makatwirang sarili dahil ang ganito ay may mulat na kamalayan sa kaniyang responsibilidad sa pagprotekta at pagpreserba ng kalikasan.

Ecological Feminism

Isang sangay ng peminismo ang ecological feminism (peminismong ekolohikal) na tinatawag ding ecofeminism (ekopeminismo). Ang katawagang ecofeminism ay nagmula sa peministang Pranses na si Francoise d’Eaubonne noong 1974.

Ipinapaliwanag ng teoryang ito ang mga koneksiyon sa pagitan ng kababaihan at kalikasan. Ito ay ideyang pilosopikal na nag-uugnay sa mga alalahaning peminista at ekolohikal, na nagsasabing kapwa sila biktima ng hindi magandang pagtrato ng lipunang pinangingibabawan ng kalalakihan.

Ang teoryang ecological feminism o peminismong ekolohikal ay mula sa ideya na ang kababaihan at kalikasan ay may malalim na koneksiyon, yayamang magkaugnay ang mga tradisyunal na papel na kanilang ginagampanan sa lipunan. (© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 4.2 Napapansin ang mga bagay na wala sa wastong lugar at naisasaayos ito nang ayon sa kagandahan (PPT11/12PP-Ii-4.2)

SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage

Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog