Ang Pangkasaysayan, Pampulitikal, Pang-Ekonomiya, At Sosyo- Kultural Na Pinagmulan Ng Globalisasyon
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Naipaliliwanag ang pangkasaysayan, pampulitikal, pang-ekonomiya, at sosyo- kultural na pinagmulan ng globalisasyon
Ang Pinagmulan ng Globalisasyon
Narito ang ilang impormasyon ukol sa pangkasaysayan, pampulitikal, pang-ekonomiya at sosyo-kultural na pinagmulan ng globalisasyon:
Pangkasaysayang Pinagmulan
Ipinaliwanag ni Manfred Steger, propesor ng Global Studies at Direktor ng Globalism Institute sa RMIT University, na ang globalisasyon ay hindi isang bagong pangyayari sapagkat ito umano ay nagsimula sa sinaunang migrasyon ng tao bago ang kasaysayan.
Para sa kanya, ang nagaganap mula 1980 pataas ay hindi ang mismong globalisasyon kundi ang pagpapalawak ng globalisasyon hanggang sa punto ng pagtatagpo o “convergence .”
Ayon naman kay Roland Robertson, ang globalisasyon ay umusbong bago pa ang pag-iral ng kapitalismo at ng modernity.
Sa kanyang aklat na “Globalization: Social Theory and Global Culture” (1992), iminungkahi niya na ang kasaysayan ng globalisasyon ay maaaring bahagiin sa limang yugto na bumubuo sa tinatawag niyang “Minimal Phase Model of Globalisation.”
Narito ang mga yugto ayon kay Robertson:
Unang Yugto: Germinal Phase. Nagtagal mula sa unang bahagi ng ika-15 siglo hanggang sa kalagitnaan ng ika-18 siglo.
Ang panimulang paglago ng mga pambansang komunidad ang pumalit sa medyebal na sistemang transnasyonal.
Ang paglawak ng sakop ng Simbahang Katoliko, pagkalat ng kalendaryong Gregorian, pati na rin ang paglaganap ng mga konsepto ng indibidwalismo at mga ideya tungkol sa sangkatauhan, ang pagtanggap sa heliocentric theory, at ang pag-usbong ng modernong heograpiya ay maituturing na panimula ng globalisasyon.
Pangalawang Yugto: Incipient Phase. Nagtagal mula sa kalagitnaan ng ika-18 siglo hanggang 1870s.
Mayroong mabilis na pagbabago patungo sa konsepto ng iisa at nagkakaisang estado at pagiging malinaw ng mga konsepto ng pormal na ugnayang internasyunal, ng mga istandard na pamantayan sa pagkamamamayan, at lalong konkretong konsepto ng sangkatauhan.
Nagkaroon din ng mabilis na pagdami ng mga legal na kumbensyon at ahensya ukol sa mga pambansa at transnasyonal na relasyon at komunikasyon, na nagbigay-daan sa mga debate tungkol sa mga isyu ng nationalism vs. internationalism.
Bukod dito, pinasimulan ng industriyalisasyon ang malalaking pagbabago sa mga proseso ng produksyon at transportasyon.
Ikatlong Yugto: Take-Off Phase. Nagtagal mula 1870s hanggang 1920s.
Nabuo ang mga konsepto ng pambansang lipunan, generic individuals (na may pagkiling sa mga kalalakihan), at halos iisang ideya ukol sa sangkatauhan. Ang konsepto ng nag-iisang internasyunal na lipunan ay lumitaw; ito ay may anyong Eurocentric, na ibinibilang ang ilan lamang di-Europeanong lipunan, at ang mga ito ay nakikipag-ugnayan sa isa’t isa sa pamamagitan ng institusyon na pambansang estado.
Mabilis na tumaas ang bilang at bilis ng pandaigdigang mga anyo ng komunikasyon; subalit maraming mga bansa ang nananatiling hindi kasama. Nabuo ang mga pandaigdigang kumpetisyon, gaya ng Olympics at Nobel.
Ika-apat na Yugto: The Struggle-for-Hegemony Phase. Tumagal mula sa kalagitnaan ng 1920s hanggang sa huling bahagi ng 1960s.
Ang yugtong ito ay minarkahan ng mga sigalot at digmaan dahil sa mabubuway na kasunduan ukol sa namamayaning proseso ng globalisasyon nuon (gaya sa kaso ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig), magkakasalungat na mga ideya ukol sa pagiging moderno (gaya ng alitan ng Allies at Axis); sinundan ng Cold War at ng paglilinaw sa konsepto ng Ikatlong Mundo.
Ang United Nations at ang prinsipyo ng pambansang kasarinlan ay naitatag.
Ika-limang Yugto: The Uncertainty Phase. Nagtagal mula sa huling bahagi ng 1960s hanggang sa unang bahagi ng 1990s.
Ang yugtong ito ay kinakitaan ng pagtaas ng pandaigdigang kamalayan (dahil halimbawa sa paglapag ng tao sa buwan) noong 1960s at ng pagtindi ng post-materialist values. Sa pagtatapos ng Cold War at pagbagsak ng Eastern Bloc, isang anyo ng proseso ng globalisasyon ang tila nanaig—ito ay ang sistemang pang-ekonomiya ng kapitalismo.
Ang bilang ng mga pandaigdigang institusyon at pagkilos ay lubhang tumaas at mayroong mabilis na pagsulong sa pandaigdigang komunikasyon.
Lalong naharap ang mga lipunan sa tumataas na problema sa multiculturality at polyethnicity. Ang mga konsepto ng indibidwal ay mas nagiging kumplikado ayon sa kasarian, sekswal, konsiderasyong etniko at panlahi, at ang karapatang sibil ay naging isang isyung pandaigdigan.
Nagkaroon din ng interes sa isang world civil society at world citizenship, sa kabila ng ethnic revolution.
Pampulitikang Pinagmulan
Tinukoy ni Steger ang globalisasyong pampulitika bilang pagpapalakas at pagpapalawak ng mga ugnayang pampulitika sa buong mundo.
Kabilang sa dimensyong pampulitika ng globalisasyon ang mga aspeto tulad ng modernong sistema ng nation-state at ang mahalagang papel nito sa mundo ngayon, mga epekto ng globalisasyon sa soberanya ng estado, papel ng pandaigdigang pamamahala, lumalaking epekto ng mga intergovernmental na organisasyon, direksyon ng pandaigdigang sistemang pampulitika, pandaigdigang daloy ng migrasyon, at mga patakarang pangkapaligiran.
(Basahin: *Libreng lektura para sa kasunod na MELC: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon)
Mauugat ang pampulitikang pinagmulan ng globalisasyon sa kasaysayan ng United Nations. Ang United Nations (UN) ay isang pang-internasyunal na samahan na itinatag noong 1945 pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kabuoang 51 mga bansa na nakatuon sa pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad, pagbuo ng magandang relasyon sa mga bansa, at pagtataguyod ng panlipunang pag-unlad, mataas na pamantayan sa pamumuhay, at karapatang pantao ang unang mga kasapi ng UN.
Dahil sa natatanging internasyunal na kalikasan nito at sa mga kapangyarihang ipinagkaloob sa Charter nito, ang samahan ay makakagawa ng aksyon sa maraming mahahalagang isyu, at makapagbibigay ng kaparaanan para sa member states nito (193 ang bilang nang isulat ang aklat na ito) upang maipahayag ang kanilang mga pananaw, sa pamamagitan ng General Assembly, Security Council, Economic and Social Council, at iba pang mga sangay at komite nito.
Umaabot sa bawat sulok ng mundo ang gawain ng United Nations. Kilala sa pagpapanatili ng kapayapaan, pagpigil sa mga labanan at makataong pagtulong, pinagtutugma-tugma ng UN ang mga pagsisikap para sa mas ligtas na mundo at sa hinaharap na mga henerasyon.
Ang globalisasyong pang-ekonomiya ay tumutukoy sa pagpapaigting, pagdaragdag, at pagpapalawak ng mga ekonomikong ugnayan sa buong mundo. Ang pagnanasa para sa kapayapaan at seguridad sa kabuhayan ang nagtulak sa paglikha ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya.
Ang malayang daloy ng kalakal, teknolohiya, kapital at mga kasanayan ang nagbigay daan sa globalisadong ekonomiya sa daigdig.
Mula pa sa panahon ng Silk Road hanggang sa paglikha ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at pagsilang ng World Trade Organization (WTO), gumaganap na ang kalakalan ng mahalagang papel sa pagsuporta sa kaunlarang pang-ekonomiya at pagtaguyod ng mapayapang relasyon sa mga bansa.
Ang GATT ay isang malayang kasunduan sa kalakalan sa pagitan ng 23 mga bansa na nag-alis ng mga taripa at nagdagdag ng internasyunal na kalakalan. Ang unang pandaigdigang kasunduang ito ukol sa malayang multilateral na kalakalan ay unang napag-usapan sa United Nations Conference on Trade and Employment.
Ang GATT ay nilagdaan ng mga kasaping bansa sa Geneva noong Oktubre 30, 1947, at pinatupad noong Enero 1, 1948.
Mula 1948 hanggang 1994, nakagawa ang GATT ng mga patakaran para sa pandaigdigang kalakalan at namuno ito sa malalagong internasyonal na komersyo. Ganunpaman, sa buong 47 taon ng pag-iral nito, ito ay namalaging isa lamang pansamantalang kasunduan at organisasyon.
Natapos ang GATT nang palitan ito ng mas matatag at mas malaking World Trade Organization (WTO) na nilagdaan ng 123 mga bansa noong Abri 15, 1994 at opisyal na nagsimula noong Enero 1, 1995. Ito ang pinakamalaking pang-internasyonal na pang-ekonomiyang organisasyon sa buong mundo.
Kung ang GATT ay sumentro sa kalakalan ng mga produkto, ang WTO at ang mga kasunduan nito ay sumasaklaw din sa kalakalan ng mga serbisyo at intelektuwal na pagmamay-ari. Lumikha din ang WTO ng mga bagong pamamaraan para sa paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan.
Dahil sa globalisasyon sa ekonomiya, lumitaw ang malalaking korporasyong transnasyunal, mga makapangyarihang internasyunal na ekonomikong institusiyon, at malalaking sistemang pangkalakalan sa mga rehiyon sa mundo.
Sosyo-Kultural na Pinagmulan
Ang pangkulturang globalisasyon ay ang pagpapalakas at pagpapalawak ng mga daloy ng kultura sa buong mundo. Ang kultura ay simbolikong paglikha, pagpapahayag, at pagpapakalat ng kahulugan, gaya ng sa anyo ng wika, musika, at mga larawan.
Ang halimbawa ng pangkulturang globalisasyon ay ang paglaganap ng ilang mga cuisine tulad ng mga fast food ng Amerika. Ang dalawang pinakamatagumpay na pangdaigdaigang fast food outlet, ang McDonald’s at Starbucks, ay mga kumpanyang Amerikano na may libu-libong sangay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mauugat ang sinaunang pagpapalitan ng mga kultura, tradisyon, at paniniwala sa panahon ng kolonisasyon. Mayroong dalawang malalaking yugto ng kolonyalismo na naitala sa kasaysayan. Ang unang yugto ay nagsimula noong ika-15 siglo, sa panahong tinatawag na Europe’s Age of Discovery.
Sa panahong ito, sinakop ng mga bansang Europeo tulad ng Britain, Spain, France, at Portugal ang mga lupain sa buong Hilaga at Timog Amerika. Nagbunga ito ng pagpapalaganap ng kanilang kultura, lalo na ng Katolisismo.
Ang pangalawang yugto ng pagpapalawak ng kolonya ay nagsimula naman noong ika-19 na siglo, na nakasentro sa kontinente ng Africa. Sa tinatawag na Scramble for Africa, pinaghati-hatian ng mga bansang Europeo tulad ng Britain, France, Portugal, at Spain ang kontinente.
Ang mga instutusyong pangpolitikal at ang mga tradisyonal na paraan ng pamumuhay ay nawasak, at tila pinalitan ng mga mananakop.
Sa ngayon, ang sosyo-kultural na globalisasyon ay nagaganap sa pamamagitan ng mass media, social media, at iba pang mga aplikasyon ng computer and internet technology, at maging sa anyo ng mga streaming platform kung saan napapanuod ang kultura ng iba’t ibang bansa.
Sa pamamagitan ng mga ito, napakadali para sa isang Pilipino, halimbawa, na malaman at maisabuhay ang kultura o paniniwala ng mga tao sa Korea o Amerika … ituloy ang pagbasa
*Kung may nais hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin (Tagalog o English), hanapin dito:
Copyright by © Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog
Basahin: SOME PROBLEMS WITH GLOBALIZATION
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Mga Pangunahing Institusyon Na May Bahaging Ginagampanan Sa Globalisasyon
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.