Ang Pakikilahok sa Gawaing Politikal (Political Socialization) at Mga Ahente Nito

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Ang pakikilahok sa mga gawaing politikal (political socialization) ay tumutukoy sa proseso kung saan natututunan at natatanggap ng mga tao ang iba’t ibang mga pampulitikang saloobin, pagpapahalaga, at gawi sa kanilang komunidad. Proseso ito ng pagkatuto kung saan ang mga pag-uugali na katanggap-tanggap sa isang maayos na sistemang pampulitika ay naisasalin mula sa isang henerasyon patungo sa kasunod.

Nakikilahok ang isang mamamayan sa mga gawaing politikal kung siya ay may partisipasyon sa mga aktibidad na inilulunsad ng gobyerno at kapag ginagamit niya ang kaniyang mga pampulitikang karapatan. Halimbawa ay kapag siya ay nagpaparehistro, bumuboto, at kumakandidato kapag may halalan. Gawaing politikal din ang iba’t ibang anyo ng pagtulong o pakikipagkaisa sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng political socialization, nakukuha ng mga indibidwal ang kulturang pampulitika sa lipunan at nabubuo ang kanilang mga oryentasyon tungo sa mga bagay na ukol sa pulitika. Ang pamilya, sistemang pang-edukasyon, mga kaibigan o barkada, at mass media ay may pangunahing papel na ginagampanan sa prosesong ito.

Bagamat ang pamilya at paaralan ay may malaking impluwensiya sa panahon ng ating kabataan, kung ano ang iniisip ng ating mga kaedad at kung ano ang nababasa natin sa pahayagan at nakikita sa telebisyon ay higit na nakakaimpluwensya sa ating mga pampulitikang saloobin kapag tayo ay nasa sapat na gulang na.

Mga Ahente ng Political Socialization

Narito ang mga pangunahing ahente ng political socialization:

1. Pamilya

Ang ating unang mga ideya sa politika ay nahuhubog sa loob ng pamilya. Ang mga magulang ay maaaring bihirang tumalakay nang tuwiran sa kanilang mga anak na bata ukol sa pulitika.

Ganunpaman, ang mga kaswal na mga puna o komento na sinasabi ng magulang, halimbawa sa hapag kainan o habang tinutulungan ang mga anak sa kanilang takdang-aralin, ay may epekto sa paniniwalang pampulitika ng mga anak.

2. Paaralan

Natututunan ng mga kabataan ang tungkol sa halalan at pagboto kapag pumipili sila ng mga opisyal sa klase. Sa mas sopistikadong halalan sa mataas na paaralan at kolehiyo ay natututo naman sila ng ukol sa pangangampanya.

Ang mga impormasyong pampulitika ay natututunan sa paaralan sa pamamagitan ng mga aralin ukol sa kasaysayan at gobyerno. Sa mga paaralan, hinihikayat din ang mga mag-aaral na kritikal na suriin ang mga batas, institusyon, at programa ng gobyerno.

3. Mga Kaibigan o Barkada

Ang mga barkada (pangkat ng mga tao na may parehong interes, pantay na posisyon sa lipunan, o parehong edad) ay maaaring makaimpluwensiya sa proseso ng political socialization. Naghahanap ang mga kabataan ng pagtanggap mula sa kanilang kapwa kabataan kaya malamang na gayahin nila ang mga saloobin, pananaw, at pag-uugali ng mga pangkat na kanilang kinabibilangan, maging ang pampolitikang pananaw ng mga ito.

Ang barkada ay nagbibigay ng pagkakataon para makipag-ugnayan ang indibidwal sa kaniyang mga ka-edad.

Ang presyur na tumalima sa mga pamantayan ng pangkat ay maaaring magkaroon ng isang malakas na epekto sa politikal na pag-unlad ng mga kabataan, lalo na kung ang mga kabarkada ay aktibo sa mga aktibidad na direktang nauugnay sa politika, tulad ng sa student council o mga pampulitikang adbokasiya.

4. Mass media

Karamihan sa ating impormasyon sa politika ay nagmumula sa mass media: pahayagan, magasin, radyo, telebisyon, at Internet. Hindi lamang tumutulong ang telebisyon na hubugin ang publikong opinyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng balita at pagsusuri, ang mga nakalilibang na programa nito ay tumutugon din sa mga mahahalagang kontemporaryong isyu na may kinalaman sa politika, tulad ng paggamit ng droga, pagpapalaglag, at mga krimen.

Sa pamamagitan naman ng Internet, ang mga ‘online bloggers’ ay nakapaglalahad ng kanilang mga opinion at pagsusuri sa malawak na isyung pampolitika. Lalo na sa mga sikat na social media influencer, malaki ang epekto ng kanilang posisyong pampulitika sa kanilang nga follower. … ituloy ang pagbasa

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog

Read also: The Scope and Areas of Sociology and the Sociological Researches