Ang Pagmumuni ng Isang tao sa Kaniyang Ginawa sa Isang Sitwasyon
Mahalagang natatasa kung napagmunihan ng isang tao ang kaniyang ginawa sa isang sitwasyon. Ang pagmumuni (reflection) ay isang sinasadya at sistematikong pag-iisip tungkol sa pagpili o pagpapasya. Ito ay mahalagang hakbang sa pagpapaunlad ng mga gawain. Sa pamamagitan ng pagmumuni, maliwanag nating mapag-aaralan ang mga pagpipilian, at makatutulong ito sa makabuluhang pagpapasya, na makapagbubunsod sa pagtatamo ng tagumpay sa ating mga gawain.
Nagmumula ang pagkatuto sa pag-iisip o pagmumuni tungkol sa ating ginagawa. Kadalasan, dumadaan tayo sa ating pang-araw-araw na buhay nang hindi man lamang “pinoproseso” ang ating mga karanasan. Karamihan kasi sa ating mga ginagawa sa buong maghapon ay paulit-ulit lamang at maaaring walang gaanong maiaambag sa makabuluhang pagkatuto.
Ngunit kapag tayo ay nagkaroon ng bagong karanasan, mga karanasang hindi karaniwan sa ating nakagawian o iba sa ating laging ginagawa, maraming pagkatuto ang magaganap kung lalakipan natin ng pagmumuni. Ang pagmumuni (reflection, contemplation, meditation), na may positibong epekto sa ugali at pananaw ng tao, ang isa sa matutunan ng tao sa pilosopiya.
Ang pagmumuni ay mahalaga maging sa panig ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan nito ay hindi sila basta basta magpapasya nang hindi muna napag-isipan ang posibleng maging resulta ng kanilang pagkilos. Sa pamamagitan ng pagmumuni-muni ay magugunita ng isang estudyante, halimbawa, na kung gagawin niya ang tinatawag na pre-marital sex ay maaaring magbunga ito ng teenage pregnancy, maaaring hindi siya makapagtapos ng pag-aaral, at maaaring mawala ang kaniyang pagkakataon na magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ang pagmumuni-muni, kung gayon, na isang pilosopikong gawain, ay nagtuturo ng matalinong pagpapasya. Magagamit ito sa pagdedesisyon sa maraming bagay: kung ano ang kukuning kurso sa kolehiyo; kung alin ang uunahing gawin (takdang-aralin ba o computer games); at kung sino ang susundin (magulang ba na nagtuturo ng pag-iingat o barkada na nagsasabing sumubok kang magbisyo o tumikim ng alak at ng bawal na gamot.) Kung mapagmuni, maiiwasan ang iresponsableng pagpapasya sa anomang sitwasyon.(© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– Natatasa kung napagmunihan ng isang tao ang kaniyang ginawa sa isang sitwasyon (Code: PPT11/12PP-Ib-1.2)