Ang pagiging maingat sa pagpapasya
© by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Importante sa isang tao na kaniyang natatasa kung siya ay maingat sa pagpapasya o hindi. Ang pagiging mahinahon sa pagpili ay nangangahulugan ng pagiging maingat bago tuluyang buoin ang pasya tungkol sa isang mahalagang desisyon.
Tunay na mahalaga ang katalinuhan sa pagpapasya upang maiwasan na makagawa ng malaking pagkakamali na maaaring magresulta sa problemang di kayang ayusin. Karamihan sa mga ito ay mga pasyang maaaring magkaroon ng panghabambuhay na kahihinatnan gaya ng (a) pagpapalagay ng tattoo sa mukha o sa iba pang parte ng katawan (na pwedeng makahadlang sa pagkakaroon ng trabaho); (b) pamumuhunan ng lahat ng pag-aari sa iisang negosyo (na maaaring malugi sa kalaunan); at (c) pagsailalim sa operasyong pagpapaganda (na ang resulta ay hindi na mababago o maibabalik).
Maghahatid sa atin sa hinaharap ang mga pagpapasya na ginagawa natin ngayon kaya mahalagang gumawa ng matalinong desisyon o magpasya nang may kahinahunan. Ang kahinahunan, o ang abilidad na gumawa ng mga tamang desisyon o pagpapasya, ay isa sa ating apat na pangulong katangian (cardinal virtues).
Ang mahinahong indibidwal ay naglalaan ng panahon para pag-isipan ang magiging kahihinatnan ng kaniyang mga aksiyon. Titigil muna siya at itatanong sa sarili kung ano ang tama o ang pinakamainam na gawin. Ang mahinahong tao ay mananalangin at pag-iisipan nang mabuti ang mga bagay, saka gagawa akay ng katotohanan at pag-ibig. Sa paraang ito, ang pagsasagawang may kahinahunan ay maglalapit sa atin sa Panginoon at sa ating kapuwa-tao.
Ang kahinahunan (prudence) ay karaniwang inuuugnay sa karunungan. May tatlong hakbang sa kahinahunan:
1. Pagtuklas sa wasto at pinakamainam na dapat gawin
2. Paghusga sa mga aksiyon upang mapili kung alin ang pinakamahusay
3. May kumpiyansang pagsasagawa ng pinakawastong pinili
Sa madaling salita, katumbas ito ng ganito: “Nag-iisip muna ako bago gumawa ng hakbang kapag may hinaharap na problemang moral. Iniisip ko ang iba kapag gumagawa ng desisyon. Binubulay ko ang mga maling nagawa ko sa nakaraan bago kumilos. Tinutupad ko ang aking mga pangako.” Katunog ito ng, “Humihingi ako ng paumanhin at sinisikap na makabawi sa mga nagawang mali sa nakaraan.” At ang pakiramdam nito ay, “Nirerespeto ko ang pagkatuto at ang pagkatuto ng iba at ako ay bukas sa mga bagong ideya.”
Maaaring hindi natin laging makikita ang magiging kahihinatnan ng ating mga aksiyon. Gayunman, maaari nating pagpasiyahan na ang piliin ay iyong mga aksiyon na patungo sa tunay na kaligayahan at hindi sa kalungkutan—upang maiwasan ang makasariling aksiyon at piliin ang mga aksiyon na may buting idudulot sa lahat—mga aksiyon na nagtataguyod ng pagkakaisa, pagkakasundo, at kabutihan.
Maaaring maging susi ang layunin o intensiyon. Ang ating intensiyon ay dapat na hindi makasakit at dapat ay makatutulong sa ating kapuwa-tao. Kapag alam at nararamdaman natin na tayong lahat ay konektado, hindi natin gugustuhin na saktan ang sinoman. Alam nating makapagpapalungkot din sa atin iyon. Dahil nararamdaman natin ang pagkakaugnay-ugnay sa isa’t isa, magiging sensitibo tayo tungkol sa kung paano makakaapekto ang ating aksiyon sa iba.
Sinasabing ang pagmamahal o pag-ibig ang pinakadalisay na motibasyon sa ating mga aksiyon. Ang pag-ibig ay ang pagnanais na maging masaya rin ang iba. Nag-uudyok ito ng mabuting pakikitungo, pakikipagkaibigan, kabaitan, malasakit sa mga naghihirap, at layunin na makatulong sa lahat ng tao. Gaya ng sinabi ng apostol na si Pablo sa Roma 13:10: “Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.” (© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 5.2 Natatasa kung siya ay maingat sa pagpapasya o hindi (PPT11/12BT-IIa-
5.2)
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
ALSO CHECK OUT:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog