Ang Lipunang Agraryo: Kasaysayan, mga Katangian, at Ikinaiiba
Ang Lipunang Agraryo: Mga Katangian
© Marissa G. Eugenio
Ang isa sa ikinaiiba ng mga agraryong lipunan kumpara sa mga palipat-lipat at nangangasong lipunan ay ang sedentismo, ang permanenteng pananatili sa isang lugar. Ang mga unang sibilisasyon ay nangangaso at nagpapastol na gumagala sa malawak na lupain upang maghanap ng kanilang pangangailangan sa mga gubat at lupang pastulan.
Sa kabilang dako, ang mga lipunang agraryo ay nananatili sa iisang lugar. Pinili nilang manatili at linangin ang lupa upang patubuin ang kanilang mga pananim.
Ang ganitong uri ng pagsasaka ay nagbibigay-daan sa mas kumplikadong istruktuang panlipunan dahil karamihan sa miyembro ng komunidad ay may sapat nang pagkain at panahon, hindi gaya ng mga nangangaso na gumugugol na ng malaking panahon sa paghahanap pa lamang ng makakain.
At sapagkat may sapat ng panahon ang mga nasa agraryong lipunan, maaari na silang magpakadalubhasa sa iba’t ibang kasanayan samantalang ang maliit na populasyon ay nakatuon sa produksiyon ng pagkain.
Ang lipunang agraryo ay nagbigay-daan sa konsepto ng pagmamay-ari ng lupa kung saan itinuring ang pagkakaroon ng lupa bilang batayan ng yaman at prestihiyo sa komunidad. Ang resulta, ang mga istrukturang panlipunan ay naging sopistikado. Nagkaroon ng mga panlipunang uri o social classes dahil sa pagmamay-ari ng lupa. Ang nagmamay-ari ng lupa ay nasa mataas na antas kaysa walang pag-aari.
Nagbigay-daan din ang agraryong lipunan sa pagkakatatag ng mga unang institusyong politikal na may pormal na administrasyong may detalyadong balangkas ng mga batas at institusyong pang-ekonomiya.
Bunga nito’y hindi naiwasan ang pagkakamal ng yaman, habang ang kalakalan sa pagitan ng mga miyembro ng lipunan ay naging detalyado. Ang pera ang naging kasangkapan ng palitan, at nagresulta rin ito sa pagpapakilala sa accounting, pagbubuwis, pagtatala, at mga regulasyon.
Ang labis na produksiyon ng pagkain ay nagbigay panahon sa mga miyembro ng lipunan para lalo pang tumuklas ng mga bagay tangi sa mga pangangailangan para mabuhay. Nagbigay-daan ito sa paglitaw ng sining at mga libangan.
Nagkaroon din ng paglobo ng populasyon na nagtulak sa mga agraryong lipunan na magpokus sa urban na pamumuhay. Ang urbanisasyon ay nagbigay-daan sa paglawak ng kalakalan at pagpasok ng iba-ibang kultura sa lipunang agrikultural.
© Marissa G. Eugenio
Mga kaugnay na lektura: (mahahanap sa search engine ng MyInfoBasket.com, bandang itaas)
Paghahambing sa iba’t ibang uri ng lipunan: Agraryo, Industriyal at Birtwal
Ang Lipunang Industriyal: Kasaysayan at Mga Katangian
Ang Birtwal na Komunidad: Mga Katangian at Pamamaraan
Kaugnay na artikulo: 20 Things that Make France very Proud
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 7.2 Nakapaghahambing ng iba’t ibang uri ng lipunan (hal. agraryo, industriyal at birtwal)