Ang Epekto Ng Same- Sex Marriage Sa Mga Bansang Pinahihintulutan Ito
© Vergie M. Eugenio at Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:
Nasusuri ang epekto ng same- sex marriage sa mga bansang pinahihintulutan ito
Ano ang Same-Sex Marriage?
Ang isyu ukol sa pagsasalegal ng same-sex marriage ay isang kontemporaryong isyung madalas pagtalunan. Sa Pilipinas, sapagkat marami na ang mga napapabilang sa LGBTQ+ community, ang same-sex marriage ay itinuturing na sensitibong isyu. Ang mga paniniwala at opinyon ng mga tao ukol rito ay apektado ng kultura at relihiyon.
Ang same-sex marriage ay pagkakasal sa dalawang taong may magkaparehong kasarian. Ang mungkahing pagsasalegal ng same-sex marriage sa Pilipinas ay isang mainit na usapin at mayroong magkakaibang opinyon ang mga Pilipino at ang iba’t ibang sektor sa bansa ukol dito.
Nuong Mayo 2015, sa pamamagitan ng petisyon ay hiniling ni Jesus Nicardo Falcis III sa Korte Suprema na baguhin ang bahagi ng Article 1 at 2 ng Executive Order 209 o Family Code of the Philippines na nagtatakda na ang kasal ay para lamang sa pagitan ng lalaki at babae.
Mga Epekto ng Same-sex Marriage
Ang Family Research Council ay naglathala sa opisyal nitong website (frc.org) ng artikulong, “Ten Arguments From Social Science Against Same-Sex Marriage.” Hango sa artikulong ito, narito ang umano’y nakabatay sa agham o pagsusuri na mga epekto ng same-sex marriage:
1. Nananabik ang mga bata sa kanilang biyolohikal na mga magulang.
Ang mga mag-asawang homoseksuwal ay karaniwang nag-aampon o gumagamit ng in vitro fertilization (IVF) o surrogate mothers para magkaanak. Sa pamamagitan ng mga ito ay nagkakaroon ng ng mga bata na nabubuhay nang hiwalay sa kanilang ina o ama.
Iniulat ng psychiatrist sa Yale Child Study Center na si Kyle Pruett na ang mga ipinanganak sa pamamagitan ng IVF ay madalas na nagtatanong sa kanilang mga lesbiyanang ina tungkol sa kanilang mga ama. Tinatanong nila ang mga gaya ng ganito: “Mama, ano ang ginawa mo sa aking tatay?” “Maaari ko ba siyang sulatan?” “Nakita na ba niya ako?” “Hindi mo ba siya ginusto?” “Ayaw na niya sa akin?”
2. Nangangailangan ang mga anak ng ama.
Ang mga anak ng lesbian couples ay lumalaking malayo sa kanilang mga ama. Batay umano sa pag-aaral, ang paglaki na may ama sa tahanan ay higit na nakakabawas sa antisosyal na pag-uugali at pagiging delingkuwente ng mga batang lalaki at mabisa sa pagkukontrol sa sekswal na aktibidad ng mga batang babae.
Batay umano sa isang bagong pag-aaral, ang mga batang babae na lumaki na hiwalay sa kanilang biyolohikal na ama ay mas malamang na makaranas ng teenage pregnancy.
3. Nangangailangan ang mga anak ng ina
Ang mga bata na itinuturing na anak ng male homosexual couple ay lumalaki na walang ina. Ang mga ina umano ay mabisa sa pagbibigay ng emosyonal na seguridad sa mga anak at sa pagdama sa pisikal at emosyonal na mga pahiwatig ng mga sanggol.
Nakapagbibigay din umano ang mga ina sa kanilang mga anak na babae ng natatanging payo habang hinaharap ng mga anak ang mga pisikal, emosyonal, at panlipunang hamon na ugnay sa pagdadalaga.
4. Walang katibayan ang pagiging epektibo ng ‘same-sex couple parenting’
Iginigiit ng iba na walang pagkakaiba sa pagitan ng mga bata na pinalaki ng mga homosexuals at duon sa lumaki sa heterosexuals.
Ngunit karamihan umano sa mga pananaliksik o pag-aaral na nagsasabi ng ganito ay ginawa ng mga tagapagtaguyod ng same-sex marriage at karamihan ay may malubhang problema sa methodology.
5. Ang mga bata ay nakakaranas ng ‘gender and sexual disorders’
Ipinahihiwatig umano ng mga ebidensya na ang mga bata na pinalaki ng mga ‘homosexuals’ ay mas malamang na makaranas ng mga ‘gender and sexual disorders’.
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga anak na lalaki ng mga lesbian ay hindi gaanong panlalaki ang kilos at ang mga anak nilang babae ay mas panlalaki ang kilos. Sa kanilang paglaki ay nagkakaroon sila ‘homoerotic relationship’.
6. Nasisira ang pamantayan ukol sa sekswal na katapatan sa loob ng kasal
Ang isang pag-aaral sa mga ‘civil unions’ at mga kasal sa Vermont ay nagpapakita na higit sa 79 porsyento ng mga heterosexual na mag-asawa (kasama ang mga nagsasamang lesbian) ay mariing nagpapahalaga sa sekswal na katapatan.
Subalit lumitaw na 50 porsyento lamang sa mga nagsasama o mag-asawang gay men ang nagpapahalaga sa sekswal na katapatan.
7. Lalong pinapaghihiwalay ng same-sex marriage ang pag-aasawa at pagkakaanak
Ayon sa kaugalian, ang kasal at pagkakaanak ay mahigpit na konektado sa isa’t isa. Sa katunayan, mula sa isang pananaw na sosyolohikal, ang pangunahing layunin ng pag-aasawa ay ang pagtiyak ng pagkakaroon ng isang ina at ama para sa bawat anak na ipinapanganak sa isang lipunan.
Tinitingnan umano ng mga tagapagtaguyod ng same-sex marriage ang pag-aasawa pangunahin sa emosyonal na aspeto lamang at itinataguyod na walang kinakailangang relasyon sa pagitan ng pagkakaanak at pag-aasawa.
8. Binabawasan ng same-sex marriage ang halaga ng parental commitment
Lalo umanong pinahihina ng same-sex marriage ang pamantayan na dapat magsakripisyo ang mag-asawa at magsikap na manatiling kasal sa isa’t isa para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Pinagtitibay umano ng same-sex marriage ang ideya na ang mga anak ay hindi nangangailangan ng ina at ama at ayos lang na iwan ang mga anak (lalo na’t hindi naman sila mga biyolohikal na anak).
9. Ang same-sex marriage ay nagreresulta ng kalituhan at malabong gampanin sa mag-asawa
Ang mga pag-aasawa umano ay nagtatagumpay at nagtatagal kapag ang mga asawa ay nagpapakadalubhasa sa mga tungkulin na tipikal sa mga kasarian (gender-typical roles). Ang same-sex marriage ay nagreresulta sa de-gendering sa pag-aasawa—hindi malinaw kung sino ang tatay at sino ang nanay.
Ang pag-aasawa umano ay karaniwang yumayabong kapag ang mga mag-asawa ay nagpapakadalubhasa sa mga paraang tipikal sa kanilang kasarian at tumutugon sa mga pangangailangan ng mga kasarian at adhikain ng mag-asawa. Halimbawa, ang mga kababaihan ay sinasabing mas masaya kapag kumikita ang kanilang asawa ng malaking bahagi ng kita ng pamilya.
Gayundin, sinasabing ang mga mag-asawa ay mas maliit ang tsansang maghiwalay kapag ang asawang babae ay nakatuon sa pag-aalaga ng bata at ang ama ay nakatutok sa paghahanap ng ikabubuhay.
10. Hindi “napaaamo” ang kalalakihan sa homosexual marriage
Sinasabing ang mga kababaihan at pag-aasawa ay kadalasang nagpapaamo o “nagpapatino” sa kalalakihan. Sa karaniwang pag-aasawa, sinasabing kapag ang lalaki ay nag-asawa na, sila ay nagsisikap nang kumita nang mas malaki, naghahanapbuhay nang mabuti, bihira nang maglasing, at gumugugol ng mas maraming oras sa pagdalo sa mga pangrelihiyong aktibidad.
Gayundin, sila umano ay mas nagiging tapat sa sekswal na aspeto lalo na kung mayroon na silang anak sa tahanan. Sa kabilang dako, kadalasan umanong hindi napapaamo ang mga lalaki ng isang homosexual marriage.
May sinasabi rin naman ang iba na magagandang epekto ng same-sex marriage sa mga bansang nagpapatupad nito. Halimbawa, maaari umanong mapataas ng same-sex marriage ang net government revenues dahil sa pagtaas ng buwis sa marriage penalties.
Ganunpaman, maaari rin umano itong magbunga ng paglaki ng gugol ng pamahalaan para sa social security at iba pang social benefits.
Ayon sa American Psychological Association, ang mga same-sex parent mismo ay may pangamba na ang kanilang mga anak ay makaranas ng diskriminasyon sa lipunan, magkaroon ng mababang self-esteem, o mawalan ng self-confidence. Ganunpaman, iginigiit ng iba na ang mga homosekswal na magulang ay mas matiisin at maalaga at may kakayahang palakihin nang maayos ang mga anak.
Ayon sa dating puno ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life na si Fr. Melvin Castro, maaari umanong maging sanhi ang same-sex marriage ng pagiging kumplikado ng buhay ng mga mamamayang Pilipino lalo sa larangan ng etika o moralidad … ituloy ang pagbasa
KARUGTONG: Same-sex Marriage: Mabuti ba sa lipunan?
*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu na nais mong hanapin (e.g. political dynasty, migrasyon, civic engagement, etc), i-search dito:
Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog
====
Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Mga Halimbawa ng Kontemporaryong Isyu