Tunay na diyalogo: Pagtanggap sa kapwa kahit na siya ay iba
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 6.3 Nakapagpapaliwanag na ang tunay na diyalogo ay ang pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa akin
Importanteng maipaliwanag na ang tunay na diyalogo ay ang pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa akin.
Bakit nga ba iba-iba ang mga tao? At ano ang tunay na diyalogo sa pagitan ng mga tao?
Tayo ay iba-iba
Halos pare-pareho naman ang ating mga karanasan bilang tao, ganunpaman, sinasala ng bawat isa sa atin ang mga karanasan sa pamamagitan ng ating personal na mga katangian at pinagdaanan. Sa ibabaw ng ating kamalayan, may misteryong elemento na nagbibigay sa atin ng sentido ng pagiging indibidwal at pagiging iba sa iba pang mga tao sa mundo.
Ibinubuhay ng bawat isa sa atin ang maliit na bahagi ng pangkabuoang karanasang pantao. Ang realidad ng isang mag-aaaral ay iba sa realidad ng isang guro, o ng isang pulitiko; ang karanasan ng isang babae ay iba sa karanasan ng isang lalake; at iba ang karanasan ng mahirap duon sa mayaman.
Pero kahit sino pa man tayo, walang sinuman sa atin ang mararanasan ang buong espektro ng realidad ng katauhan. Kung gayon, anumang world-view o pananaw at pag-unawa mayroon tayo sa mundo ay hindi kumpleto. Ang bahagi ng ating pananaw ay batay sa katotohanan, subalit ang ilang bahagi nito ay maaaring batay sa kawalang kaalaman.
Kung buong kapakumbabaan lamang nating tinatanggap na kulang ang ating pananaw, makikinig tayo sa iba pang worldview sa pamamagitan ng mga dayalogo at pagmamasid sa iba pang paraan ng pamumuhay. Sa pamamagitan nito ay magagawa nating palawakin ang ating pagkaunawa upang magkaroon ng mas malaking larawan ng realidad.
Subalit mukhang hindi ito nagagawa ng marami sa atin, sapagkat ang mga ipinagkakaiba natin ay patuloy na lumilikha ng pagtatalo at kawalan ng pagtitiyaga. Nahahayag ito sa pamamagitan ng kritisismo at pang-iinsulto laban sa sinuman na nag-iisip ng iba sa atin. Ang mas malala, may mga kaso ng karahasan na ginawa ng ilan laban sa mga taong may paniniwala na iba sa kanilang pananaw.
Mayroon sana tayong mga pambuong-mundong porum para sa dayalogo at komunikasyon sa panahong ito ng social media. Subalit sa dami ng nagsasalita, mas kakaunti ang dayalogo at mas marami ang monologo ng magkakaibang panig, kung saan walang nakikinig o natututo mula sa iba, kundi basta na lamang tila isinisigaw ang sariling pananaw nang mas malakas.
Tayo ay iba-iba sa maraming bagay. Iba-iba ang mga magulang natin na nagpalaki sa atin; iba-iba ang pinasukan nating mga paaralan; iba-iba ang mga guro na nagturo sa atin; iba-iba ang mga napanuod natin sa mass media; at iba-iba ang mga barkada natin at mga kaibigan sa social media. Natural lamang, kung gayon, na maging iba-iba ang ating values at pananaw sa mga bagay-bagay.
Subalit sa totoo lang, ang magkakaibang bahagi ng realidad na ating nasaksihan at natutunan ay hindi naman suliranin, kundi maaari pa ngang maging solusyon sa maraming bagay. Hinihikayat tayo ng ating magkakaibang karanasan na pagsama-samahin natin ang ating mga nalalaman, magdalahan tayo sa isa’t isa, at bumuo ng maayos na samahan sa lipunan.
Ang tinatawag na tolerance at ang “to live and let live” ay ilan sa mga pangunahing prinsipyong etikal sa maayos na pagsasamahan. Hindi sa sentidong walang pakialamanan, kundi sa sentidong hindi ipinipilit ang ating pananaw sa iba, subalit hindi nangangambang ihayag ito, habang hindi tumututol na dinggin din naman ang pananaw ng iba.
Makatutulong na pagsikapang unawin ang iba, at huwag isipin na dahil lamang hindi tayo sang-ayon sa kanila, nangangahulugan nang labag sa etika ang kanilang mga ideya. Dapat nating tandaan na ang ating pananaw sa mundo ay maaaring kakaiba rin para sa ibang tao, kung paanong sa tingin natin ay kakaiba ang kanilang pinaniniwalaan.
Napakaraming problema ang hinaharap ng ating daigdig ngayon. Kung hindi tayo makikinig at makikibagay sa iba’t ibang pananaw at pamamaraan, hindi tayo makahahanap ng malikhaing solusyon na kinakailangan para harapin ang mga makatotohanan at nakaambang pagsubok. Kung gayon, nangangailangan talaga ng masinsinan at tunay na dayalogo na nagmumula sa bukas na pag-iisip.
Alam nyo ba na ang pagtanggap sa ating mga pagkakaiba ay nagibigay-diin din sa kahalagahan ng pagiging totoo sa ating sarili? Hindi natin matatanggap ang iba kung hindi natin matanggap ang ating sarili mismo. Sa ilang pagkakataon, takot tayong magpakatotoo, dahil sa pangamba na hindi tayo tanggapin ng iba. Pero kung abala tayo na maging gaya ng iba, kung abala tayo na maging kung ano ang inaasahan ng iba sa atin, hindi tayo magiging kung sino tayo talaga.
Upang maging kung sino tayo, kailangang gawin natin ang unang hakbang ng bawat pilosopikal na paglalakbay: Kilalanin natin ang ating sarili! Sino ako at ano ba talaga ako? Anong bahagi ng aking sarili ang batay sa panlipunang kombensiyon o ginaya ko lamang sa marami? Tandaan na ang pagtanggap natin sa ating sarili ay mahalagang salik sa tunay na pagtanggap natin sa iba.
Nakakatuwa ang mga taong tanggap ang iba sa kung ano sila, mga hindi mapanghusga o mapamintas. Ito ay dahil alam nila ang kanilang limitasyon, at alam nilang ang lahat ay may mabuting katangian na dapat ikarangal. Ang prinsipyong ito ang makapagbibigay kahulugan sa mundong puno ng imperpeksiyon.
Karapat-dapat tayong lahat sa pagmamahal at pagtanggap. Ang paniniwalang ito ang lumilikha sa atin na maging mabubuting tao hindi lamang sa mata ng iba, kundi maging sa sarili nating pananaw. Ito rin ay napakahalaga sa pagkakaroon ng tunay na diyalogo o sa pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa atin … ituloy ang pagbasa
Basahin: Ang tunay na diyalogo: Pagtanggap sa kapwa kahit siya ay iba sa akin
Basahin: Tips on How To Earn the Respect of Other People
© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Layunin sa Pampagkatuto:
– 6.3 Nakapagpapaliwanag na ang tunay na diyalogo ay ang pagtanggap sa kapwa bilang kapwa kahit na siya ay iba sa akin
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage