Pagsusuri ng pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili

© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Importanteng ang tao ay nakapagsusuri ng pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili. Ang isa sa makapangyarihang hangarin ng tao ay ang malampasan ang mga limitasyong ipinataw sa kaniya ng kaniyang katawan at ng literal na daigdig. Ang hangaring ito ay naghihikayat sa kaniya na siyasatin ang kaniyang sarili, galugarin ang mundo, at tuklasin ang mga hangganan ng mga posibilidad—sa madaling salita ay huwag basta basta masiyahan sa kung ano ang nasa kasalukuyan.

Ang pagnanasa na makamit ang pagsasaibayo (transcendence) ay nagtutulak sa atin na maabot ang bago at mas mataas na pamantayan. Tila baga ang ating kaluluwa ay laging naghahanap ng mga limitasyon at binubuyo tayo upang lampasan ang mga hangganan. Inuutusan tayo nito na tuklasin kung ano ang nasa dako pa roon na hindi pa natin nararating o kung anong mayroon pagkatapos ng napakalawak na natatanaw gaya ng karagatan.

Masasabing likas na sa atin ang pagnanais na magkamit ng mga achievement, maabot ang mga tagumpay sa siyensya, tumuklas ng mga bagay, at maranasan ang mga bagong bagay. Katutubo na sa atin na tayo ay mapakipagsapalaran, sumuong sa mga panganib, maghanap ng mga bagong bagay, at maglayag. Ang panloob na kagustuhang lampasan ang mga natural na limitasyong ipinapataw ng mundo ay masasabing pangunahing bahagi ng pagiging isang tao.

Ngunit dapat maunawaan na ang pagsasaibayo (transcendence), na nangangahulugang paglampas sa mga limitasyon, ay may sariling limitasyon. Ang transcendence ng tao sa kaniyang sarili ay nalilimitahan ng mga limitasyong inilagay ng Diyos sa kaniya, na nagsisilbing kaniyang indibidwal na limitasyon.

Mayroong mga tunay na mga limitasyon na dapat nating igalang, at mayroon din namang mga inaakala lang na limitasyon na dapat namang malampasan. Isang katalinuhan na alamin kung aling mga limitasyon ang lehitimo na dapat igalang, at kung alin ang mga ilusyon lamang na dapat ay malabanan.

Mahalaga na magkaroon ng kamalayan ukol sa limitasyon. Sinabi ng Pilosopo at Matematiko na si Blaise Pascal (1623 –1662), “Dapat nating matutuhan ang ating mga limitasyon.” Patalinhaga ay sinabi niya, “We are all something, but none of us are everything.”

Kung gagawin gagawin ng isang tao ang sobrang daming gawain, walang magiging sentro ang kanyang buhay at marahil ay magreresulta ito sa pagkabigo na maipagtagumpay ang alinman sa mga iyon. Sa madaling salita, mas mabuting  gumawa ng ilang mga bagay na magreresulta ng maganda kaysa gumawa ng maraming bagay na magdudulot lamang ng pagkabigo.

Ang kaalaman sa sariling limitasyon ay makakatulong din sa atin na malaman kung alin ang mga bagay na ating aayunan, at kung ano ang ating tatanggihan. Nalalaman ng isang matalinong tao na mayroon siyang mga lehitimong limitasyon. Maiingatan natin ang ating kalusugan kung ating isasa-alang-alang ang mga limitasyon ng ating pisikal na katawan.

Bakit mo bubuhatin, halimbawa, ang isang napakabigat na bagay kung talagang hindi mo kaya? Baka magbunga lang ito ng pinsala sa iyong mga buto o madisgrasya ka pa. Bakit hindi ka magpahinga muna kung talagang pagod ka na at puyat? Kung aabusuhin ang katawan nang lampas sa talagang kakayahan, malamang ay makasama ito sa iyong kalusugan.

Mali rin na ubusin ang iyong panahon sa paglalaro ng basketball, halimbawa, kung alam mo namang kulang na kulang ka sa taas at kasanayan at malabo na magtagumpay ka sa larangang ito. Mas mahalagang magpokus sa mga bagay na nakikita mo at ng iba na mayroon kang “kaloob” o pag-asang mag-excel. Tunay nga, kung gayon, mahalaga na nakapagsusuri ng pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili.

Ang nag-iisip na maaari niyang malampasan ang lahat lahat ng mga limitasyon ay hindi tunay na marunong at mahuhulog sa kasawian. Ang isang indibidwal naman na nag-iisip na wala siyang kakayahang lampasan ang lahat ng kahadlangan ay maaalipin ng negatibong kaisipan at kakaunti ang magagawa o walang maisasakatuparan. Ngunit ang isang taong may kabatiran sa pagkakaiba ng tunay na limitasyon at ng mapagtatagumpayang hadlang ay matalino at makagagawa ng magagandang bagay. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)

Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 3.4 Nakapagsusuri ng pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) (PPT11/12PP-Ii-3.4)