Pagkakatakda at Pagsasaibayo ng Sarili
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ito ay ukol sa paksang “Ang Tao Bilang Sumasakatawang Diwa.”Ang isa sa mga pinakadakila at pinakamakapangyarihang pagnanasa ng tao ay ang kahit paano’y malampasan ang mga limitasyon na itinakda sa kaniya ng kalikasan. Hinihikayat nito ang tao na makarating sa mas mataas na yugto o kalagayan. Hinihimok nito ang isang indibidwal na tingnan ang daigdig at sukatin ang hangganan ng posibilidad, at huwag masapatan sa kung ano ang kaniyang katayuan sa kasalukuyan.
Bilang tao, tayo ay likas na mapagtuklas. Naghahanap tayo ng mga madidiskubre at maaabot, at nagnanais tayo na makakamit ng mga pambihirang tagumpay, gaya sa larangan ng siyensiya. Naghahangad tayo ng mga bagong karanasan.
Sa atin ay likas ang pagnanasa na tumuklas—nais nating malibot ang mundo at ang karagatan, marating ang buwan o ang mga dako sa himpapawid, matarok ang ating sariling molekyular na biyolohiya, at maunawaan maging ang ating espiritwal na reyalidad. Ang panloob na pagnanasa na laging maghanap ng bago o marating ang mas mataas na kalagayan ay ipinapalagay ng ilang mga pilosopo at teologo na siyang katunayan ng ating pagiging tao.
Ito ang dahilan kung bakit ipinagbubunyi at hinahangaan natin ang pinakamalalim na pagsisid, ang pinakamatulin na pagtakbo, ang pagtalon mula sa pinakamataas na dako, at ang pinakamahirap na pag-akyat. Ang ating mga kaluluwa ay tila laging naghahanap ng sagad sa limitasyon, itinutulak tayo nang lagpas sa hangganan, at hinihikayat tayo na tuklasin kung ano ang nasa kabila ng isang matayog at malaking bundok.
Sa kaibuturan ng ating kaluluwa, gusto natin na makaalpas mula sa mga likas na limitasyon na itinakda sa atin ng materyal na mundo. Nais nating magkaroon ng tulay sa pagitan ng mga hidwaang kultural, panlahi, at panrelihiyon na artipisyal na naghihiwalay sa atin. Karamihan sa atin ay may malalim na pag-asa na makahahanap tayo ng mga paraan para maresolba ang ating hidwaang pang-rasa, pang-nasyonal, pampulitika, at panrelihiyon—upang isang araw ay makalikha tayo ng isang lipunan na ang pundasyon ay pag-ibig, pantay na paggalang sa isa’t isa, at kapayapaan.
Mga Pagkakatakda at Pagsasaibayo ng Sarili
Dapat na malaman ng tao ang mga pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili. Ang tao ay hindi lamang isang katawan. Siya ay may katawan subalit higit siya kaysa kaniyang pisikal na katawan. Higit sa maraming mga nilalang ng Diyos, ang tao ay nilikha upang makilala niya ang kaniyang Manlilikha. Sinasabi ng mga mananampalataya na ang tunay na layunin ng tao sa buhay ay hindi ang magdagdag ng materyal na tinatangkilik o pag-aari kundi ang maging malapit sa kaniyang Manlilika sa bawat araw.
Para matiyak ang ating sariling pagkakatakda at pagsasaibayo (limitations and possibilities), marapat lamang na malaman natin kung saan tayo naroroon at ano ang ating mundo. Ayon kay Plato, ang reyalidad ay binubuo ng dalawang mundo: (a) ang mundo ng Anyo (world of Forms) at (b) ang mundo ng Pandama (world of Sense). Ang tao diumano ay nakikibahagi sa dalawang magkaibang mundong ito.
Ayon sa paliwanag ng isa pang pilosopo na si Heraclitus, ang Mundo ng Pandama (World of Sense), ay ang mundo na ating nakikita, nararanasan, ang mundo ng mga obheto; isang mundo na nagbabago, at binubuo ng mga bagay (matter) at nakatakda sa kasiraan o dekomposisyon.
Kaniyang pinatunayan ito sa pamamagitan ng mga pahayag na “Umiinit ang malalamig na bagay, ang mainit ay lumalamig, natutuyo ang basa, ang tuyo ay nagiging mamasa-masa” at “Kapuwa tayo tumatapak at di tumatapak sa parehong ilog. Tayo ay ganito at hindi ganito.”
Sa kabilang dako, ang Mundo ng Anyo (World of Forms) naman na iminungkahi ni Parmenides (na nakaimpluwensiya rin kay Plato) ay isang uri ng mundo na pangwalang hanggan, perpekto, at di nababago.
Ang Mundo ng Anyo ay pinatunayan ni Parmenides sa pamamagitan ng kaniyang pahayag na “Maaari lamang tayong magsalita at mag-isip tungkol sa kung ano ang umiiral. At ang umiiral ay hindi nilikha at hindi masisira sapagkat ito ay buo, di nagbabago, at kumpleto. Ito ay hindi iba ni mag-iiba man, iisa, at nagpapatuloy.”
Ang reyalidad, para kay Plato ay pangwalang hanggan at di nagbabago, ito ang tunay na mundo, ang mundo ng mga Anyo. Lahat ng nasa mundo ng Pandama ay imitasyon o anino lamang ng kung ano ang ideyal o nasa mundo ng mga Anyo. Nakikilahok ang mga tao kapuwa sa pandama at ideyal na mundo dahil may materyal silang katawan at meron din namang kaluluwang walang materya. Ang tao kung gayon ay pagsasama (synthesis) ng pagbabago (change) at pagkapanatili (permanence).
Tayo, bilang tao, ay katawan at kaluluwa. Ayon kay Plato, ang katawan ay masama dahil ito ay nakahilig sa mga pansamantalang bagay; pumapabor sa pansamantalang kaluguran at kaligayahan.
Ipinahayag ni Origen, isang teologo at pilosopo na isa ring Platonian, na “lahat ng matwid na nilalang ay minsang mga purong intelek sa harap ng Diyos, at mananatili sana bilang gayon magpakailanman kung hindi sila tumalikod sa pamamagitan ng ‘Koros’ (kabusugan o kasalanan).”
Batay sa teolohiya ni Origen, dahil sa koros (kasalanan) o pagsuway at di pagsunod sa Diyos, tayo diumano ay pinarusahan sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng katawan.
Kalayaan ng Kaluluwa
Sa pilosopiya ni Plato, upang maging malaya ang tao, pananagutan niya na unti-unting kolektahing muli ang mga ideya o kaalaman na dati nang alam ng kaniyang kaluluwa upang ito ay mapalaya mula sa pagkakakulong sa katawan at makabalik sa lugar nito sa mundo ng mga Anyo—sapagkat pinaniniwalaan ni Plato na ang kaluluwa ay nakatataas sa katawan at umiiral magpawalang hanggan kahit matapos na ang katawan ay mawala.
Diumano, ang pagkolekta sa mga kaalaman ay magagawa sa pamamagitan ng kontemplasyon at edukasyon. Gayunman, sa kabiguang maalalang muli ang lahat ng dating alam ng kaluluawa, ang kaluluwa ay kinakailangang sumailalim sa panibagong pagkakulong at ang prosesong ito ay magtutuluy-tuloy hanggang sa ang kaluluwa ay maging handa nang bumalik sa kaniyang lugar sa mundo ng mga anyo. Ito ang pilosopiya ni Plato ukol sa tao bilang sumasakatawang diwa (embodied spirit).
Isa rin umanong uri ng pagsasaibayo (transcendence) ang kalayaan ng kaluluwa mula sa katawan na kumukulong dito ay. Ang pagsasaibayo ay ang pag-iral na lagpas o higit sa normal o pisikal na lebel. Ang pagsasaibayo ay nangangahulugang: “Ako ay ang aking katawan, ngunit kasabay nito, ako ay higit kaysa aking katawan. Ang mga bagay na aking ginagawa, lahat ng pisikal na aktibidad at katangian na napangyayari sa pamamagitan ng aking katawan, ay naghahayag ng aking pagkatao. Nagpapatunay ito na ako ay higit kaysa aking katawan.”
Maaaring malalim ang mga konseptong ito, subalit may ilang praktikal na aral naman na maaari tayong makuha mula sa mga ito. Halimbawa, mali na husgahan natin ang isang tao batay sa kaniyang pisikal na kaanyuan. “Don’t judge a book by its cover,” wika nga. Ang isang may kapansanan ay hindi dapat maliitin sapagkat sa loob ng kaniyang pisikal na katawan na may kapintasan ay ang tunay niyang pagkatao. Gaya natin, siya ay higit kaysa kaniyang pisikal na katawan. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
ALSO CHECK OUT:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 3.1 Nakikilala ang mga pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili (PPT11/12PP-If-3.1)