Paano Nahuhubog Ng Tao Ang Lipunan At Ng Lipunan Ang Tao

Kung Paano Nahuhubog Ng Tao Ang Lipunan At Kung Paano Nahuhubog Ng Lipunan Ang Tao

© Jensen DG. Mañebog at Marissa G. Eugenio

Layunin sa Pampagkatuto:
– 7.1 Nakikilala kung paano nahuhubog ng tao ang lipunan at kung paano nahuhubog ng lipunan ang tao

Karaniwang binibigyang-kahulugan ang lipunan bilang kabuuan ng mga relasyon sa pagitan ng mga grupo ng mga tao. Ang pag-aaral sa mga lipunan ay nangangailangan ng pagsusuri sa relasyon sa pagitan ng iba-ibang grupo sa isang komunidad at sa ugnayan ng mga taong bumubuo sa mga ito.

Paano nahuhubog ng tao ang lipunan at paano nahuhubog ng lipunan ang tao

Huwag kaliligtaan na mga tao ang bumubuo sa lipunan at may malaki namang epekto ang lipunan sa buhay at pamumuhay ng tao. Mahalagang makilala kung paano nahuhubog ng tao ang lipunan at kung paano nahuhubog ng lipunan ang tao.

Ano ang lipunan?

Ang salitang ‘society’ (lipunan) ay nagmula sa salitang Latin na ‘socius’ na nangangahulugang “companion” (kasama), at mula sa terminong ‘societas’ na nangangahulugang “companionship” (pagsasama). Sa pangkalahatan, ang lipunan ay tumutukoy sa masalimuot na relasyon at inter-aksiyon sa pagitan ng mga tao.

Ayon sa Encarta Dictionary, ang lipunan ay maaaring tumukoy kapuwa sa (a) pagsasama at sa (b) grupo ng mga tao mismo, lalo na duon sa mga may magkakatulad na interes.

Ang iba pang kahulugan na ibinibigay ng diksiyunaryo para sa termino ay “ang estado ng pagiging kasama ng ibang tao” at “isang organisadong grupo ng mga tao na may magkakaparehong na interes, adhikain, o propesyon.”

Maaari ring tumukoy ang lipunan sa “isang nakaayos na komunidad ng tao na natatalian ng magkakatulad na mga tradisyon, institusyon, o nasyonalidad” o sa “isang partikular na bahagi ng komunidad na makikilala sa mga partikular na katangian.”

Ang lipunan at mga indibidwal

Itinuro ng sociologist na si Talcott Parsons na kapag ang tao ay nabuhay sa “estado ng kalikasan,” siya ay abala sa kaniyang makitid na sariling interes. Sa ganung kalagayan, bawat indibidwal ay tinutugunan ang kani-kaniyang sariling pangangailangan.

Ngunit may mga pagkakataong ang mga tao ay may magkakaibang interes at kinakailangan nilang magpaligsahan para sa ilang limitadong pinagkukunan.

At upang maiwasan ang paglalabanan, nagsasama-sama ang mga indibidwal at nagtatakda ng ilang mga pangunahing pagpapahalaga (core values) na dapat sundin ng bawat indibidwal. Tinawag nila itong “pinagkasunduang pagpapahalaga” o value consensus.

Ang pinagkasunduang pagpapahalaga na ito ang siyang naglatag ng pundasyon ng lipunan. Para kay Parsons, sa ganitong paraan at dahilan nabuo ng mga indibidwal ang tinatawag na lipunan.

Ang tinatawag na value consensus ay sinasabing may nagsasariling pag-iral. Sinimulan nitong kontrolin ang galaw ng mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng gantimpala o paggagawad ng parusa.

Sa pamamagitan nito, nasimulan ng lipunan na dominahin ang mga indibidwal. Kaya, nang una ay binuo ng mga indibidwal ang lipunan ngunit nang maglaon ay sinumulang kontrolin ng lipunan ang mga indibidwal.

Maging sa kasalukuyan, ang lipunan ay nasa proseso ng pagbabago dahil ito ay dinamiko. Patuloy na binabago ng mga indibidwal ang mga pagpapahalaga ayon sa pangangailangan ng panahon at mga pangyayari.

Ang modelong ito ni Parsons ukol sa dinamikong pagbabago sa lipunan ay tinatawag na Dynamic/Moving Equilibrium. Sinasabi nito na ang lipunan, bagaman nagbabago, ay hindi nahihinto o napipigil. Sa halip, ito ay patuloy na umuusad sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga pagbabago.

Ang kaparehong konsepto ay una nang binigyang-diin din ng mga sociologist na sina Emile Durkheim sa kaniyang ‘collective conscience’ at ni Jean Jacques Rousseau sa kaniyang ‘Social Contract Theory’.

© Jensen DG. Mañebog at Marissa G. Eugenio

Kaugnay na lektura (mahahanap sa search engine ng MyInfoBasket.com):
Ang relasyon ng tao at lipunan 

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:  Nakikilala kung paano nahuhubog ng tao ang lipunan at kung paano nahuhubog ng lipunan ang tao