Paano Ang Pagsasagawa ng Symposium
Copyright by MyInfoBasket.com
Ang symposium ay isang pampublikong pagpupulong tungkol sa isang paksa kung saan ang mga piling tao ay nagbibigay ng mga paglalahad. Ito ay isang kumperensya kung saan tinatalakay ng mga itinuturing na eksperto o awtoridad ang isang partikular na paksa.
Keynote Speaker, Panelista, Moderator at iba pa
Kung ang symposium ay proyekto ng mga mag-aaral, maaaring ang keynote speaker ay ang guro sa aralin o ang class president.
Kung ang paksa ay ukol sa human rights, maaaring ang mga panelista ay buoin ng (a) isang mula sa kapulisan, (b) isang kinatawan ng Commission on Human Rights sa bayan o barangay, (c) biktima ng human rights violation, o/at (d) guro na nagtuturo ng araling panlipunan.
Ang welcome remarks ay maaaring magmula sa estudyanteng head organizer ng symposium. Maaaring pumili sa klase ng may kakayahang maging moderator.
Programa at Kaayusan
May iba’t ibang uri ng symposium. Ganunpaman, ang isang symposium ay maaaring magkaroon ng ganitong programa o kaayusan:
a. Welcome remarks mula sa host o organizer ng symposium.
b. Pagpapakilala sa moderator ng symposium na siya namang magpapakilala sa pangunahing tagapagsalita (keynote speaker) at mga panelista. Sa kabuoan ng symposium, ang moderator ang magmumungkahi ng mga katanungan at mangangasiwa sa talakayan.
c. Pagsasalita ng pangunahing tagapagsalita (keynote speaker) ukol sa pangkalahatang tema ng symposium. (Ang mas detalyadong pagtalakay ng keynote speaker ay maaaring gawin sa harap ng mga panelista bago pa ang panel discussion sa symposium, halimbawa ay sa panahon ng ceremonial breakfast or luncheon).
d. Sa panel discussion, ipakikilala ng moderator ang bawat panel sa pamamagitan ng pagbanggit ng kanilang maikling talambuhay at ilang kwalipikasyon. Ang panelista ay magkakaroon ng ilang minuto upang magsalita ukol sa paksa at maaaring magbigay ng overview ukol rito, kalakip ng kanyang personal o propesyonal na pananaw o stand.
e. Matapos ang mga indibidwal na paglalahad ng mga panelista, gagabayan ng moderator ang isang roundtable na talakayan sa pagitan ng mga panelista. Ang talakayan ay maaaring ukol sa mga piling tanong na maaaring una ng naiparating sa mga panelista.
f. Ang simposium ay karaniwang nagtatapos sa isang question and answer period. Kadalasan, ang mga host ay naglalagay ng mikropono sa madla. Ang mga katanungan ay maaaring isulat at isumite upang mabasa ng moderator.
Output sa symposium
Maaaring ilathala ang mga papel na isinumite at tinalakay ng mga panelista. Maaari ring maglimbag ng isang komprehensibong pagsusuri ng mga opinyon at anumang mga konklusyon na nakuha mula sa mga talakayan.
Ang mga mag-aaral na dumalo ay maaaring pagawain ng reaction o reflection paper ukol sa naganap na symposium.
Pagsasagawa ng Talakayan
Upang lubos na maunawaan ang mga paksa ukol sa human rights, makatutulong kung ang mga mag-aaral ay makapagpaplano ng symposium na tumatalakay sa kaugnayan ng karapatang pantao at pagtugon sa responsibilidad bilang mamamayan tungo sa pagpapanatili ng isang pamayanan at bansa na kumikilala sa karapatang pantao.
Kung ang grupo mo ang mag-oorganisa ng isang symposium ukol sa human rights, anong pagtikular na paksa ang gagawin ninyong tema? Bakit?