Nagbabago ang mga ugnayan ng tao dahil sa sistema ng lipunan
Nagbabago ang mga ugnayan ng tao dahil sa sistema ng lipunan
© Jensen DG. Mañebog at Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
7.3 Nakapagpapaliwanag na nagbabago ang mga ugnayan ng tao dahil sa sistema ng lipunan na kinabibilangan niya
Nagagawang hubugin at baguhin ng mga sistemang panlipunan ang ugnayan ng mga tao. Ang sistemang politikal ng isang bansa, halimbawa, ay nakaugnay sa sistemang pang-ekonomiya nito, na siya namang batayan ng mga pangkabuhayang aktibidad ng mga indibidwal at grupo sa bawat sektor.
Sinasabing ang ekonomiya ng isang bansa ay kumikiling patungo sa isa sa dalawang pangunahing teoretikal na modelo na ating tatalakayin dito:
a. Kapitalismo
Sa isang banda ay ang teoriyang purong sistemang kapitalista, na nagsasabing ang malayang kompetisyon ay magbubunga ng pinakamabuting alokasyon ng kakaunting pinagkukunan, pinakamalaki at episyenteng produksiyon, at pinakamababang presyo ng kalakal at serbisyo.
Sa sistemang ito, ang mga desisyon kung ano ang mga dapat gawin ay likas na nabubuo habang ang mga mamimili at mga negosyo ay nagkakaroon ng ugnayan sa pamilihan, kung saan ang presyo ng isang bagay ay labis na naiimpluwensiyahan ng kung magkano ang ginugol para gawin ito at kung magkano payag ang tao na magbayad para rito. (Ituloy ang pagbasa: Ano ang Kapitalismo?: Malawak na Pagtalakay)
b. Sosyalismo
Sa kabilang ibayo naman ng kapitalismo ay ang teoriyang sosyalismo, na nag-aakalang ang pianakamatalino at pinakamabuting alokasyon ng mapagkukunan ay matatamo sa pamamagitan ng pagpaplano ng gobyerno ng kung ano ang dapat na maging produkto at kung sino ang makakukuha nito sa takdang presyo.
Sa sistemang sosyalismo, karamihan sa mga negosyo ay sinisimulan at pinupuhunanan ng gobyerno. (Ituloy ang pagbasa: Ano ang Sosyalismo?: Malawak na Pagtalakay)
Aktuwal na sistemang sosyo-politikal
Sa aktuwal, walang bansa ang may sistemang pang-ekonomiya na purong kapitalismo o purong sosyalismo. Sa halip, ang mga ekonomiya ng mga bansa ay mayroong ilang elemento ng dalawang ito. Ang ganitong magkahalong sistema ay sinasabing praktikal.
Bihira na ang kompetisyon ay pantay sa purong sistemang kapitalismo dahil para sa alinmang pinagkukunan, produkto, o serbisyo, may tendensiya na ang iilang malalaking korporasyon o unyon ang may monopolyo ng pamilihan na silang nagpapataw ng presyo nang higit sa pahihintulutan sa malayang kompetisyon.
Ang ilang diskriminasyon sa lipunan (halimbawa, laban sa minorya at kababaihan, pabor sa mga kaibigan at kamag-anak) ay lalong nagpapalabo ng idealism ng malayang kopetisyon. At kahit pa episyente ang sistema, nagdudulot ito ng pagiging sobrang mayaman ng iilang indibidwal samantalang ang iba naman ay sobrang mahirap.
Dahil dito, ang Estados Unidos, halimbawa, ay sinusubukang limitahan ang epekto ng kapitalismong sistemang pag-ekonomiko nito sa pamamagitan ng pakikialam sa sistema ng malayang pamilihan.
Ang pakikialam na ito ay kinabibilangan ng pagpapataw ng buwis na tumataas batay sa yaman; seguro (insurance) sa walang hanapbuhay; seguro (insurance) sa kalusugan; suportang pangkabuhayan sa mahihirap; mga batas na naglilimita sa kakayahang pang-ekonomiko ng isang korporasyon; regulasyon sa kalakalan sa pagitan ng mga estado; restriksiyon ng gobyerno sa mga di makatwirang patalastas, mapanganib na produkto, at diskriminasyon sa trabaho; at tulong pinansiyal ng gobyerno sa agrikultura at industriya.
Sa kabilang banda, ang purong ekonomiyang sosyalismo naman, bagaman mas patas, ay nagdudulot naman ng pagiging di-episyente sa pamamagitan ng pagpapawalang halaga sa mga indibidwal na inisyatibo at sa pamamagitan ng pagpaplano ng estado sa bawat detalye ng kabuuang ekonomiya ng bansa.
Dahil sa walang mas mataas na benepisyo na mag-uudyok na magpursige ang mga tao, bumababa ang pagiging produktibo ng tao. At sa kawalan ng mga inbidwal na may kalayaang gumawa ng mga desisyon sa kanilang sarili, ang pangmadaliang pagbabago sa suplay at demand ay mahirap matugunan.
Dahil dito, sinasabing maraming sistemang sosyalismo ang nagpapahintulot na ng ilang paraan para sa malayang kompetisyon at tinatanggap na rin ang kahalagahan ng inidibidwal na inisyatibo at pagmamay-ari.
Karamihan sa mga ekonomiya sa mundo ngayon ay sumasailalim sa pagbabago—ang iba ay umaayon nang higit sa kapitalistang polisiya at paggawa, ang iba ay umaayon sa sosyalismo. Masasabing ang mga pagbabagong ito ay nakaaapekto rin sa ugnayan ng mga tao … ituloy ang pagbasa
© Jensen DG. Mañebog at Marissa G. Eugenio
KAUGNAY NA LEKTURA (mahahanap sa search engine ng MyInfoBasket.com):
Mga Ugnayang Nabuo Dahil sa Sistemang Lipunan
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
7.3 Nakapagpapaliwanag na nagbabago ang mga ugnayan ng tao dahil sa sistema ng lipunan na kinabibilangan niya
Kaugnay: GLOBALIZATION AND NEOLIBERALISM