Mga Suliranin sa Isyu ng Paggawa sa Pilipinas
Maraming mga manggagawang Pilipino ang humaharap sa iba’t ibang uri ng hamon sa paggawa. Ayon sa lektura ni Prof. Jensen DG. Mañebog narito ang mga pangkaraniwan at magkakaugnay na suliranin sa isyu ng paggawa sa Pilipinas (MyInfoBasket.com):
1. Mababang pasahod
Sa buwan ng Hunyo 2021, ang minimum wage sa National Capital region ay 433.06 para sa non-agriculture at 403.23 naman para sa agriculture. Pinakamababa sa lahat ng rehiyon ang sa Rehiyon V na 231.17 lamang para sa agriculture at non-agriculture.
Sinasabi ng marami na sa mahal ng bilihin sa kasalukuyan, gaano na lamang ang mabibili ng nakatakdang minimum wage. Ayon naman sa mga kumpanya, kung tataasan pa ang itinatakda ng minimum wage ay baka mapilitan naman silang magsara dahil liliit o mawawala na umano ang kanilang tubo.
2. Iskemang Subcontracting
Iskemang subcontracting ang tawag sa sistema ng paggawa kung saan ang kompanya (principal) ay komukontrata ng isang ahensiya, mga indibidwal, o isa pang kompanya bilang subcontractor upang isagawa ang isang trabaho o serbisyo o bahagi ng isang proyekto sa isang takdang panahon.
Ang iskemang subcontracting, sa ganang sarili nito, ay hindi masama. Bilang katunayan, ito ay umiiral at pinapayagan, at nagbubukas din ito ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho.
Ganunpaman, may mga uri ng subcontracting kung saan ang mga manggagawa ay walang seguridad sa trabaho. Sa mga proyektong ginagawa ng subcontractor, ang mga manggagawa ay karaniwang mga “kontraktwal.” Samakatuwid, ang iskemang subcontracting ay salik sa pagdami ng mga kaso ng kontraktwalisasyon.
3. Kontraktwalisasyon
Sa istadong “kontraktwal,” ang isang nagtatrabaho ay napagkakaitan ng relasyong employer-employee sa pagitan niya at ng kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. Ang isang kontraktwal na manggagawa ay hindi kandidatong maging “regular employee” sa isang kompanya.
Sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon, naiiwasan ng mga namumuhunan ang pagbabayad ng separation pay, SSS, PhilHealth, at iba pa. Hindi rin natatamasa ng mga manggagawang kontraktwal ang mga benepisyo ayon sa Collective Bargaining Agreement (CBA) dahil hindi naman sila bahagi ng bargaining unit.
Sa ating bansa, lumaganap ang kontraktwalisasyon dahil sa Herrera Law o mga rebisyon sa Labor Code ng Pilipinas sa panahon ng dating pangulong Corazon Aquino. Ang mga probisyon sa Artikulo 106-109 ng batas na ito ay nagbigay permiso sa mga iskemang contracting at sub-contracting.
May mga unyon at pederasyon ng mga manggagawa sa pampubliko at pampribadong sektor na nagsusulong na ipagbawal ng pamahalaan ang kontraktwalisasyon, na kilala rin ngayon sa tawag na “endo” (mula sa “end of contract”). Giit nila, ang kontraktwalisasyon ay isang paraan upang makakuha ang mga namumuhunan ng mga magtatrabaho na may mababang sahod, walang mga benepisyo, at walang seguridad sa trabaho—na ang lundo ay ang pagkakaroon ng ng kompanya ng mas malaking tubo.
Bahagi rin ng sistemang kontraktwalisasyon ang pagtanggal ng ligal na karapatan sa walong oras na trabaho kada araw. Kung gayon, salik din ang kontraktwalisasyon sa isa pang isyu sa paggawa na tinatawag na “mura at flexible labor.”
4. “Mura at Flexible Labor”
Tumutukoy ito sa pagpapatupad ng mga kompanya ng mababang pasahod at paglimita sa oras ng paggawa ng mga manggagawa upang palakihin ang kinikita ng mga namumuhunan. Ang ilang anyo ng sistemang ito ay ang pagpapatupad ng kulang sa walong oras na paggawa at wala o maliit na bayad para sa overtime.
Lumaganap ang sistemang ito nang yakapin ng Pilipinas ang globalisasyon at gawing bukas para sa mga dayuhang mamumuhunan ang paggawa (labor) sa bansa. Sa pamamagitan ng mga naipasang batas na nagbibigay ng halos buong kapangyarihan sa mga namumuhunan (gaya ng RA 6715 o ang Herrera Law), madaling naipataw ng mga kapitalista—lokal man o dayuhan—ang patakarang mura at flexible labor.
Ginamit ng mga kompanya ang probisyon ng batas ukol sa kaswal, kontraktwal, temporary, seasonal, at on the job training na paggawa upang maipatupad ang mura at flexible labor. Dahil sa marami ang walang trabaho sa bansa, marami ang napipilitang pasukin ang mga trabahong iniaalok sa kanila kahit na ang pasahod at sistema ay tila hindi makatarungan. Ang mga nagtatrabaho sa ilalim ng sistemang “mura at flexible labor” ay maituturing din na “underemployed.”
5. Underemployment
Ang underemployment ay nangyayari kapag ang isang tao ay hindi nagtatrabaho nang “full time” o tumatanggap ng trabaho na hindi sumasalamin sa kaniyang tunay na pagsasanay o edukasyon o kaya nama’y hindi nakatutugon sa tunay niyang pangangailangang pinansiyal.
Underemployed ang isang tao na gumagawa ng isang uri ng trabaho kung saan ay hindi lubos na nagagamit ang kaniyang tinapos na kurso o pagsasanay, gayon din ang may trabaho nga subalit ang paggawa ay mas mababa sa “full time.”
Maraming Pilipino ang may trabaho nga subalit maituturing na underemployed. Sila ay nahahati sa tatlong karaniwang mga kategorya, tulad ng sumusunod:
(a) mga may kasanayang manggagawa na nasa mga trabahong mababa ang kita (skilled workers in low-income jobs);
(b) mga may kasanayang manggagawa na nasa mga trabaho na hindi ganap na gumagamit ng kanilang mga kasanayan o edukasyon (skilled workers in jobs that do not fully utilize their skills); at
(c) mga part-time na manggagawa na gusto naman sanang magtrabaho ng full-time (part-time workers who would rather work full-time).
Ayon sa ilang reperensiya, kasama rin sa underemployment ang mga taong may full-time na trabaho ngunit nasa ilalim ng poverty line. Kilala sila bilang “nagtatrabahong mahirap” (“working poor”).
Ang underemployment sa Pilipinas ay laganap sa mahihirap na rehiyon at sa mga lalawigan na ang pangunahing hanapbuhay ay agrikultural. Ang mga Pilipinong underemployed ay nangangailangan ng dagdag oras sa pagtatrabaho, o dagdag na hanapbuhay, o bagong trabaho na may mahabang oras ng paggawa.
6. Unemployment
Ang underemployed ay iba sa unemployed, na tumutukoy naman sa mga tao na hindi talaga nagtatrabaho sa kasalukuyan.
Dahil sa kawalan ng pagkakataon para sa marangal na trabaho sa Pilipinas, palaki nang palaki ang bilang ng Pilipinong nangingibang bansa para maghanapbuhay. Tinatayang isang milyong Overseas Filipino Workers (OFW) ang umaalis ng bansa taon-taon.
Sa isang banda, nakatutulong nang malaki ang mga OFW sa ekonomiya ng bansa—dahil sa kitang ipinapasok nila sa bansa ay hindi sumasadsad ang ekonomiya nito kahit na pa dumaan ito sa mga krisis. Kaya naman ang mga OFW na ngayon ang itinuturing na mga bagong bayani.
Ganunpaman, nakaka-alarma ang malaking bilang ng unemployed sa bansa. Ang trabahong nalilikha sa loob ng bansa taon-taon ay hindi nakasasapat sa mga naghahanap ng trabaho, na sa bawat taon ay nadaragdagan pa dahil sa mga nagtatapos sa pag-aaral.
7. Brain drain
Ang unemployment sa Pilipinas at ang pagdami ng OFW ay nagiging sanhi ng isa pang isyu sa paggawa—ang brain drain.
Brain drain ang terminong ginagamit upang ilarawan ang pagkaubos ng lakas paggawa sa isang bansa. Ito ay aplikable lalo na sa mga mga propesyonal na tao, mga may kasanayang manggagawa (skilled workers), at iba pang mga matatalino o maalam na mga mamamayan ng isang bansa na lumilipat sa ibang bansa upang duon magtrabaho.
Maraming Pilipino ang umaalis ng bansa at pinipiling magtrabaho sa ibang bansa para sa mas mataas na sahod at mas magagandang oportunidad. Ang ilang halimbawa ng brain drain ay ang pagtatrabaho ng mga Pilipinong inhinyero sa Middle East at pagtatrabaho ng mga Pilipinong nurses sa Canada.
Copyright © by Jensen DG. Mañebog/MyInfoBasket.com