Ilang Saloobin sa Reproductive Health Law
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:
Naipapahayag ang sariling saloobin sa Reproductive Health Law
Batay sa mga probisyon ng batas, ang mga kababaihan at mga kabataan ang higit na makikinabang sa RH Law, lalo na ang mga mahihirap.
Sa pagpapatupad ng batas, inaasahang tataas ang bilang ng mga kababaihang makakagamit ng makabago at ligtas na birth control methods, at baba ang bilang ng kababaihang namamatay dahil sa kakulangan ng kaalaman ukol sa reproductive health.
Ang sumusunod ay ilan pa sa mga benepisyong dulot ng RH Law hango sa artikulong, “Benepisyong Pangkalusugan ng Reproductive Health Law” ng mediko.ph:
1. Akses sa moderno at ligtas na kontrasepsyon sa lahat, lalo na sa mahihirap
Ang mga birth control pills, konsultasyon ukol sa reproductive health, at mga komplikadong pamamaraan tulad ng paggamit ng IUD ay dadalhin sa mga barangay health center upang mas mapalapit sa mga mamamayan. Ang mga ito ay ipagkakaloob sa halagang abot-kaya maging ng mahihirap.
2. Pagbaba ng bilang ng mga kaso ng aborsyon
Dahil umano sa kakulangan ng kaalaman ukol sa reproductive health, marami ang nabubuntis nang hindi inaasahan na minsa’y humahantong sa pagpapalaglag ng bata. Ang RH Law ay magbibigay ng tamang kaalaman ukol sa reproduction at mas madaling pagpapaabot ng ligtas at modernong kontrasepsyon.
3. Suporta sa mga kumadrona, nars, at doktor na mangangalaga sa kalusugan ng pamilya
May dagdag suporta sa mga kumakalinga sa reproductive health ng bawat pamilya. Dadalhin ang kanilang mga serbisyo sa mga barangay health center upang mailapit sa mga tao at matanggap sa murang halaga.
4. Pangangalaga sa kalusugan at buhay ng mga ina
Tuwirang pinahahalagahan ang kalusugan ng mga ina sa RH Law. Pakay nito na mapababa ang mga kaso ng komplikasyon ng pagbubuntis at kamatayan dahil sa pagbubuntis o panganganak. Magkakaloob ng tamang kalinga sa mga ina mula sa pagbubuntis hanggang sa panganganak.
5. Pagligtas sa buhay ng mga sanggol
Layon ng batas na pababain ang bilang ng pagkamatay ng mga sanggol (mortality rate) dahil sa maling pagpaplano ng mga mga magulang. Magbibigay gabay sa mga mag-asawa sa tamang pagpaplano ng pag-aanak.
6. Pagbaba ng mga kaso ng mga STD
Makatutulong din ang batas sa pagkontrol sa pagkalat ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Magbibigay ng kaalaman tungkol sa ligtas na pakikipagtalik para na rin maiwasan ang mga sakit tulad ng HIV/AIDS, genital warts, tulo, at iba pa.
7. Paggabay sa mga nagnanais ng mas maliit na pamilya
Magkakaloob ng suporta sa reproductive health ng mga pamilya lalo na sa mahihirap. Bibigyan ng batas ng sapat na gabay ang mga nagnanais ng mas maliit na pamilya.
8. Pagkakaloob ng mas malawak na kaalaman tungkol sa sex education para sa mga kabataan
Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tama at sapat na kaalaman sa mga kabataan ukol sa sex education, mapapababa ang kaso ng teenage pregnancy, ang pagkasira ng pangarap ng mga kabataan, at ang mga kaso ng mga kababaihang nanganganib ang buhay dahil sa maagang pagbubuntis.
Sa mga tutol naman sa RH Law, ang batas umano ay maaaring magdulot ng pagdami ng kaso ng pre-marital sex, fornication at pangangalunya (adultery/concubinage). Magbibigay umano ito ng maling paniniwala na maaaring makipagtalik kahit kanino, kahit hindi pa kasal, o kahit sa hindi asawa dahil “safe” naman dahil may contraceptives.
Ayon pa sa mga kontra sa batas, may mga pag-aaral daw na nagsasabing may masamang epekto sa kalusugan ang ilang sangkap ng contraceptives. Hindi rin umano angkop ang sex education sa mga kabataan, at lalo lang umanong magdudulot ito ng hindi responsableng pakikipagtalik sa mga wala pa sa tamang edad.
Ayon sa Simbahang Katoliko, maraming probisyon ng RH Law ang taliwas sa aral-Katoliko tulad ng paggamit ng contraceptives. Sa kabilang banda, maraming relihiyon sa bansa ang sang-ayon sa Reproductive Health Law.
Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)
SA MGA MAG-AARAL: Maaaring ilagay ang inyong assignment/comment dito sa comment section ng Mga Halimbawa ng Kontemporaryong Isyu
TALAKAYAN
1. Sa tingin mo, angkop ba ang sex education sa Pilipinas? Depensahan ang iyong sagot.
2. Ano ang Reproductive Health Law?
3. Anu-ano ang layunin ng Reproductive Health Law?
4. Anu-ano ang mahahalagang probisyon ng Reproductive Health Law? Ipaliwanag.
5. Makabubuti ba ang Reproductive Health Law? Pangatwiranan ang iyong sagot.
TAKDANG-ARALIN PARA SA MAG-AARAL
E-Learning Assignment: Paghahanda sa susunod na aralin
a. Sa search engine ngMyInfoBasket.com, hanapin ang blog na “Ang Katolisismo at ang Same-sex Marriage.”
b. Basahin ang lektura.
c. I-share ang artikulo sa iyong social media account kasama ng iyong sagot sa tanong na: Sa tingin mo, angkop ba ang same–sex marriage sa Pilipinas? Depensahan ang iyong sagot gamit ang natutunan sa artikulo. Gumamit ng #Same-SexMarriage #AngkopBa
e. Mag-imbita ng tatlong kaibigan (mga tapos na ng pag-aaral) na magpo-post ng makabuluhang katwiran na umaayon o tumututol sa iyong post.
f. I-screen shot ang inyong naka-post na conversation thread, i-print, at ipasa sa iyong guro.
IMPORTANT:
TO STUDENTS (and their friends/relatives): For your comments NOT to be DELETED by the system, pls SUBSCRIBE first (if you have not subscribed yet). Thanks.
=====
To post comment, briefly watch this related short video: