Ano Ang Pamimilosopiya?

Sinasabi bilang “ina ng lahat ng sangay ng karunungan,” ang pilosopiya ay itinuturing na isang sistematikong pagsusuri ng mga prinsipyo at mga pala-palagay ng alinmang sangay ng pagsisiyasat.

Ang salitang pilosopiya ay nagmula sa dalawang salitang Griego na (a) “philo” na may ibig sabihin na “pag-ibig,” at (b) “sophia” na nangangahulugan namang “karunungan” o “kaalaman.” Kung gayon, ang literal na kahulugan ng pilosopiya ay “pag-ibig sa karunungan”.

Kung gayon, ang sabi nga ng Propesor ng Pilosopiya na si Ginoong Jensen DG. Mañebog, masasabi natin na ang pamimilosopiya, kung gagamitin nang tama, ay isang proseso ng pagmamahal sa karunungan.

Ang pilosopiya bilang sistema ng paniniwala

Maituturing ang pilosopiya bilang isang sistema ng paniniwala tungkol sa realidad. Masasabing pilosopiya ang pinagsama-samang pananaw ng isang tao tungkol sa mundo.

Kabilang rito ang pagkaunawa sa kalikasán ng pag-iral o eksistensiya, sa tao, at sa kaniyang papel sa mundo. Ang pilosopiya ay produkto ng makatuwirang pag-iisip ng tao.

Ang pilosopiya bilang proseso

Ginagamit ang pilosopiya bilang proseso o paraan ng pagsisiyasat. Ang pamimilosopiya ay isang paglahok sa pagtuklas ng kahulugan at halaga ng buhay. Ito ay isang proseso ng paghanap ng kabuluhan sa pag-iral (na tinatawag ding “pagmemeron” o eksistensiya).

Kailangan ng tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mundo upang mabuhay nang maayos. Upang maunawaan ang mundo, kinakailangan niya na bumuo ng mga konklusyon tungkol sa pinaka-kalikasan nito.

Halimbawa, upang magkaroon ng kabatiran tungkol sa mga partikular na bagay, kinakailangan ng tao na kilalanin na ang mga bagay ay may identidad. Dapat niyang kilalanin na ang pagbibigay ng konklusyon ay posible dahil ang mundo ay umiiral, at ito’y umiiral sa tiyak na paraan.

Nagkakaloob ng balangkas ang pilosopiya sa pang-unawa ng tao sa mundo. Nagbibigay ito ng mga palagay at mga batayan (premises) na makatutulong upang madiskubre ng tao ang katotohanan at mapagbuti niya ang kaniyang buhay. At dahil ang lahat naman ay may unawa tungkol sa mundo, masasabing bawat tao ay may pilosopiya.

Ang pilosopiya bilang pundasyon ng kaalaman

Ang pilosopiya ay tinaguriang kabuuan at tugatog ng kaalamang pantao, ang “scientia scientiarium”—ang siyensiya ng mga siyensiya at ang kalipunan ng lahat ng pag-aaral. 

Ang pilosopiya ay pamantayan sa pag-uugnay-ugnay at pag-unawa sa mga ideya.

Ang pilosopiya ay pundasyon ng kaalaman sapagkat ang lahat ng sangay ng pag-aaral ay sinasabing nagmula sa sinapupunan ng pilosopiya.

Samakatuwid, tama lamang na tawagin itong “mater” (ina) at “baskagan” (matrix) ng lahat ng kaalaman. 

*Kung may nais hanaping paksa ukol sa Pilosopiya o iba pang aralin, i-serach dito:

Copyright © 2014-present by Marissa G. Eugenio & Jensen DG. Mañebog