Ang mga Sangay ng Pilosopiya

Ang salitang pilosopiya ay nagmula sa dalawang salitang Griego na (a) “philo” na may ibig sabihin na “pag-ibig,” at (b) “sophia” na nangangahulugan namang “karunungan” o “kaalaman.” Kung gayon, ang literal na kahulugan ng pilosopiya ay “pag-ibig sa karunungan”.

Narito ang ilan sa mga pangunahing sangay (branches) ng pilosopiya:

1. Metapisika (Metaphysics)

Ang metapisika ay  may kinalaman sa pag-aaral ng eksistensiya. Ayosn sa ilang Filipinong propesor, ang eksistensiya o pag-iral ay maaaring unawain bilang isang “pagmemeron.”

Ang metapisika ay pundasyon ng isang pangkalahatang pananaw o ang pangunahing pananaw sa mundong nakapaligid sa atin. Sinasagot nito ang tanong na “Ano ang umiiral?” Sinasaklaw nito ang lahat ng eksistido, gayundin ang mismong kalikasán ng pagiging eksistido. Pinag-aaralan dito kung ang mundo—kasama na ang mga nakapaloob dito at ang pinaniniwalaang Maylikha nito—ay  totoo ba, o kung ang mga ito ay isang ilusyon lamang.

Ang metapisika ang itinuturing na pundasyon ng pilosopiya. Kung walang paliwanag o interpretasyon ukol sa mundo at mga bagay sa ating paligid, hindi natin alam kung paano makitungo sa realidad. Hindi natin magagawang maingatan nang tama ang ating sarili, o kumilos para mapanatili ang ating buhay.

Ang lalim ng ating wastong pangkalahatang pananaw sa metapisika ay ang siyang lalim ng ating pagkaunawa sa mundo, at pagkilos nang tama. Anumang mali sa ating pananaw sa realidad ay magpapahirap sa ating pamumuhay sa mundo.

2. Epistemolohiya (Epistemology)

Sinasagot nito ang tanong na “Paano tayo nakakaalam? Ang epistemolohiya ay ang pag-aaral ng mga pamamaraan ng pagtuklas ng kaalaman.

Sakop ng sangay na ito ang kalikasán ng mga konsepto, ang pagbuo ng mga konsepto, ang pagiging tama ng mga sentido, gayundin ang mga kaisipan, ideya, ala-ala, emosyon, at lahat ng bagay na mental o may kinalaman sa isipan o pag-iisip. Ito ay may kinalaman sa kung papaanong ang ating isip ay nakaugnay sa realidad, at kung ang relasyong ito ay wasto o hindi.

Ang epistemolohiya ay pagpapaliwanag kung paano tayo nag-iisip. Kailangan ito upang matiyak kung alin ang tama sa mali, sa paraang matiyak ang wastong paraan ng ebalwasyon. Kailangan ito upang magamit at makuha ang tamang kaalaman ukol sa mundong nasa ating paligid. Sa pamamagitan nito ay natutukoy ang totoo at hindi tunay na kaisipan, impormasyon, kaalaman, o konsepto.

Sa pamamagitan ng epistemolohiya, masasabi natin halimbawa na, “Iyan ay hindi totoo, iyan ay imbento lamang.” Kung wala ang tamang epistemolohiya, hindi tayo makapag-iisip nang tama, o wala tayong magiging dahilan o batayan upang paniwalaan na ang ating iniisip ay totoo o tama, kung ihahambing sa mga imahinasyon o kathang-isip lamang na dumaraan sa ating isipan.

Hindi natin magagawang tukuyin ang katotohanan sa kamalian kapag mali ang epistemolohiya. Ang lalim ng pagiging wasto ng ating epsitemolohiya ay ang siyang lalim ng kung paano natin nauunawaan ang realidad, at ang lalim kung paano natin magagamit ang kaalamang iyon upang maisulong ang ating buhay at makamit ang ating mga mithiin. Ang mga kamalian sa epsitemolohiya ay magpapahirap sa pagsasagawa ng alinmang bagay sa buhay na ito.

3. Etika (Ethics)

Sangay ng pilosopiya ang etika, ang sangay ng pag-aaral na may kinalaman sa kung ano ang akmang gawi na dapat ikilos ng tao. Sinasagot nito ang tanong na, “Ano ang tama o mabuting gawin?”

Ang etika ay pag-aaral kung alin ang tama at ang mali sa mga gawain ng tao. Metodo ito kung saan ikinakategorya natin ang ating mga itinuturing na mahalaga (values) at sinisikap na maisabuhay ang mga iyon. Pinag-iisip tayo ng etika kung sinisikap lamang ba nating makamit ang mga bagay na nakasisiya sa atin, o isinasakripisyo natin ang ating sariling kasiyahan para sa lalong mahalagang dahilan.

Maraming paksa ang nakapaloob sa etika. Ang isa sa pinag-aaralan rito ay kung ang pundasyon ba ng moralidad ay ang Biblia (o alinmang itinuturing na banal na aklat), o ang pinaka-kalikasán ng tao mismo, o wala sa dalawa.

Mahalaga ang etika sa buhay ng tao. Ito ang ating paraan sa pagpili ng landas na tatahakin o gagawin. Kung wala ito, ang ating mga aksiyon o gawi ay magiging anupabaga at walang tiyak na patutunguhan. Wala ring magiging tiyak na batayan sa pagpili kung aling mithiin ang dapat pagsikapang makamit.

Gamit ang mga pamantayang pang-etika, nagagawa nating organisahin nang tama ang ating mga mithiin at aksiyon upang maisabuhay ang ating itinuturing na pinakaimportanteng pagpapahalaga (values). Sa kabilang dako, anumang mali sa ating etika ay magpapahina naman nang ating abilidad na maging marangal sa ating mga gawain.

4. Pilosopiyang Pampulitika (Political Philosophy)

Ang pulitika ay sinasabing etikang isinasagawa o inia-apply sa grupo ng mga tao. Sinasabi ng pulitika kung paano ang marapat na pagkakaayos ng lipunan at kung paano dapat kumilos ang indibidwal sa gayong lipunan. Ang pilosopiyang pampulitika ay pag-aaral sa pulitika gamit ang pamimilosopiya.

Ang isang sistemang pulitikal ay masasabing maayos kung ang mga indibidwal sa sistemang iyon ay lubos na nakakikilos alinsunod sa kanilang kalikasán at ayon sa katwiran (reason). Kung hindi, sila ay maaaring magre-rebelde, katulad ng nagyari sa Czarist Russia, o ang sistema ay guguho, tulad ng naganap sa Kumunistang Russia.

Hindi gumagana ang katwiran sa pamamagitan ng pamimilit (coercion). Ang isang tao ay maaaring pwersahing kumilos, kapag tinutukan halimbawa ng baril, subalit hindi lubos na makokontrol kung paano siya mag-isip. Gayundin, sa isang lugar na ang kapangyarihan o lakas ang namamayani, hindi makagagana nang maayos ang katwiran, sapagkat hindi matatamasa ang bunga ng mga makatwirang pagsisikap.

Halimbawa, paano maeengganyo ang mga tao na lumaban ng patas, magsikap na magtanim o mag-alaga ng mga hayop para mabuhay, kung anomang oras ay maaaring dumating ang mga mananalakay upang pwersahang agawin ang ari-arian ng iba.

Isa sa mga pangunahing gamit ng tao upang maayos na mabuhay ang katwiran (reason). Hindi kayang mabuhay nang maayos ng isang tao sa isang kapaligirang hindi sinusunod ang katwiran. Nangangahulugan, kung gayon, na ang pinakamithiin ng isang sistemang pulitikal ay ang pagpapanatili at pagpapatupad ng katwiran. Ang ukol sa makatwirang sistemang pulitikal ang pangunahing pinag-aaralan sa pilosopiyang pampulitika (political philosophy).

Masasabing makatwiran o moral ang isang sistemang pulitikal kung ipinagbabawal nito ang koersiyon. Dapat na ipagbawal ng pamahalaan na ang mga tao ay ilegal na kumitil ng buhay, manakot, o magnakaw. Nagagawa ito sa pamamagitan, halimbawa, ng pagkakaloob sa gobyerno ng tanging kapangyarihan upang magpataw ng hustisya at magpatupad ng mga batas.

5. Estetika (Aesthetics)

Tumutukoy ang estetika sa pilosopikong pag-aaral ng sining. Kabilang sa pinag-aaralan dito kung ano ang mga bumubuo sa kung ano ang maituturing na sining, maging ang mga layunin sa likod nito.

Ang estetika (aesthetics) ay nagsisikap na sagutin ang mga tanong gaya ng mga sumusunod: Ang sining ba ay binubuo ng musika, panitikan, at larawan lamang? O kabilang ba rito ang isang mahusay na solusyong pang-inhenyeriya, o isang napakagandang paglubog ng araw? Lahat ba ng nagugustuhan mo ay angkop na tawaging sining? O mayroon bang tiyak na kalikasán ang sining? Ang sining ba ay dapat na may naaabot na layunin?

Masasabing ang sining ay umiiral noon pa man sa lahat ng naitalang kasaysayan ng tao. Ito ay natatangi sa mga tao dahil nagpapakita ito ng ating naiibang paraan ng pag-iisip. Pinatutunayan nito, halimbawa, ang kakayahan ng tao na lumikha ng ideya. Ang sining ay isa sa mga kasangkapan ng tao upang mabigyang kahulugan ang mga hindi malilinaw na konsepto.

Tinatalakay ng estetika ang mga katwiran kung bakit may sining, at ang ukol sa maningas na paghahangad ng tao sa lahat ng panahon na makita ang mundo kung paano ito inilalarawan ng iba’t ibang tao sa pamamagitan ng sining. Sinusuri ng estetika ang sining sa pamamagitan ng pagsipat sa naidudulot nito sa buhay ng tao—kung nagdudulot ba ito ng dagdag kaalaman at inspirasyon o nagbubunga ng pagkalito at ng iba pang hindi magagandang epekto. (© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)