Ang kawalan ng kaayusan sa kapaligiran
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ito ay ukol sa paksang “Ang Tao sa Kanyang Kapaligiran.” Sa natural science, ang kapaligiran ay tumutukoy sa kabuuan ng lahat ng nakapaligid sa isang buhay na organismo, kasama ang mga natural na pwersa at iba pang mga bagay na nabubuhay, na nagbibigay ng kondisyon para sa pag-unlad at paglaki ng nabubuhay na organismo, at gayundin ng panganib at kapinsalaan.
Itinuturo sa tradisyong Judeo-Cristiano na ang mga tao ang binigyan ng “kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa” (Genesis 1:26).
Tandaan na ang katawan ang panlabas at pisikal na bahagi ng tao na ginagamit niya para makakita, makarinig, makasalat, makalasa, at maka-amoy. Sa pamamagitan ng katawan, nagagawa niyang magkaroon ng pisikal na pag-ugnay sa kaniyang kapaligiran. Sa pamamagitan ng kaniyang mga pandama, napupuna niya ang kawalan ng kaayusan sa kapaligiran.
Si Heraclitus na isang pilosopong Kanluranin sa matandang panahon ay minsang nagsabi na ang daigdig ay laging nagbabago. Para sa kaniya, ang daigdig ay dumaraan sa nagpapatuloy na proseso sa ilalim ng batas ng pagbabago. Ipinapalagay niya na ang lahat ng bagay dito sa daigdig ay patuloy na dumadaloy at kumikilos. Gaya ng ating nakikita, ang prinsipyong ito ay may katotohanan sa ating kapaligiran.
Kung marami man sa atin ang hindi nakapapansin, subalit ang ating kapaligiran ay nagdaraan sa walang tigil na proseso ng pagbabagong-anyo. Ito ay napatutunayan sa pagyabong at pag-unlad ng ating lipunan, na nagpaginhawa at nagpadali sa ating pamumuhay. Maibibigay bilang halimbawa ang pagkakalikha ng mobile phones at electronic gadgets, mga proyektong pang-imprastraktura, pagtitindig ng mga matataas na edipisyo at establisyemento, pagiging konkreto ng mga daan mula sa bukid hanggang sa pamilihan, pagkakalikha ng internet at mga applications, at produksiyon ng mga kotse at iba pang sasakyan.
Ang mga bagay na ito ay totoong nagbibigay sa atin ng kaginhawahan at nakatutulong para magawa natin ang maraming bagay. Kaya, sa unang tingin, ang patuloy na mga pagbabagong ito ay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
Ganunpaman, kasama ng mga pag-unlad na ito ay ang iba’t ibang isyung pangkalikasan na nagsasapanganib sa ating buhay bilang mga tao. Importante kung gayon na magkaroon tayo ng kamalayan sa mga panganib na pangkalikasan, ang kanilang mga sanhi, at masamang epekto sa atin, nang sa ganon ay magawa natin ang mga hakbang upang tugunin ang mga isyung ito nang tama.
Nag-uugat sa ating walang habas na desisyon at mga aksiyon ukol sa ating kapaligiran ang mga isyung pangkalikasan. Ang mga suliraning pangkalikasan na ito ay kinabibilangan ng polusyon sa hangin, polusyon sa tubig, acid rain, pagbabago ng klima, pagkakalbo ng kagubatan, pagkaubos ng likas yaman, pagnipis ng ozone layer, basura, pagtaas ng acidity at temperatura ng karagatan, sobrang populasyon, at mga kauri nito. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family by Jensen DG. Mañebog
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 4.1 Napupuna ang kawalan ng kaayusan sa kapaligiran (PPT11/12PP-Ii-4.1)