Ang Ibat-Ibang Suliraning Pangkalikasan sa Iyong Pamayanan
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang iba’t ibang suliraning pangkalikasan ay mga katunayan na ang mga bagay sa kapaligiran ay wala sa kanilang tamang lugar.
Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng suliraning pangkalikasan:
1. Climate change
Tumutukoy sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura ang climate change o pagbabago sa klima. Dumaragdag sa pagbabago sa klima ang labis na pagtaas ng greenhouse gases, gaya ng carbon dioxide.
Kabilang sa kahayagan ng pagbabago sa klima ay ang unti-unting pagkawala ng ilang uri ng hayop, gayundin ang pagtaas ng temperatura sa hangin at karagatan taun-taon, malawakang pagkatunaw ng niyebe at yelo, sunud-sunod na malalakas na bagyo, pagtaas ng lebel ng buhos ng ulan, at ang tuluy-tuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa karagatan.
Nnaitatala ng National Graphic ang pagkatunaw ng yelo sa Antarktika at ang pag-atras ng Arctic glaciers nang mas mabilis kaysa sa inaakala ng mga siyentipiko. Pinaniniwalaang ang pagbabago sa klima ay dulot ng mga gawain ng tao. Ang mga ibubunga nito ay makakasama hindi lang sa kalikasan kundi maging sa mga tao mismo.
Batay sa Earth Observatory ng NASA, ang iba’t ibang aktibidad ng tao ay nagiging sanhi ng kawalan ng balanse sa natural na ikot ng greenhouse effects, gayundin ng mga mapaminsala at nakamamatay na kalamidad—tulad ng sobrang taglamig, matitinding pag-ulan, malalakas na bagyo, at mga penominong El Niño at La Niña.
2. Pagkakalbo ng kagubatan
Ang pagkakalbo ng kagubatan o deforestation ay problemang pangkalikasang tumutukoy sa pagputol ng mga puno, karaniwan na upang magamit sa agrikultura, industriya, o pabahay. Ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization ay may mahigit 120 milyong ektarya ng kagubatan ang nawala simula noong 1990 hanggang 2015.
Ang karamihan ng mga lugar na may madalas na pagguho ng lupa sa ating bansa ay may kasaysayan ng pagkakalbo ng kagubatan. Ang pagkakalbo ng kagubatan na gawa ng mga tao ay dumaragdag sa mga panganib pangkalikasan na mapaminsala sa mga tao, hayop, at iba pang mga nilalang na nabubuhay.
Nagiging sanhi ito ng kawalan ng balanse sa klima, pagkapudpod o pagguho ng lupa (soil erosion), pagkaubos ng mga buhay-ilang (wildlife), biglaang mga pagbaha, at pag-init ng mundo (global warming).
3. Pagkaubos ng likas na yaman
Dahil sa pag-unlad ng lipunan, paglaki ng pandaigdigang populasyon, at pagdami ng mga aktibidad-pang-ekonomiko dulot ng modernisasyon at globalisasyon, nauubos ang mga likas na yaman na napakahalaga sa kapakanan ng lahat ng bagay na nabubuhay, lalo na ng mga tao.
Kailangan na ang mga tao ay maging matipid at responsible sa paggamit ng mga likas na yaman. Sapagkat kapag ang pagkaubos ng likas na yaman ay nagpatuloy, magiging banta ito sa susunod na henerasyon.
4. Pagkasira ng ating Ozone Layer
Ang pagkasira ng ating ozone layer ang isa sa mga seryosong problema na kinakaharap ng mundo.
Pangunahing sanhi ng pagkasira ng ozone layer ang mga kemikal na hydrochloflourocarbons (HCFCs) at volatile organic compounds (VOCs). Ang mga ito ay nananatili sa atmospera sa mahabang panahon. Ito ay nagdudulot ng pagtaas ng temperatura.
Ang HCFCs at VOCs ay madalas na masusumpungan sa mga ibinubuga ng mga sasakyan, dumi ng mga industriya, mga aerosol at refrigerants na kadalasang ginagamit sa mga tahanan. Dahil sa matinding pagpapainit na nagagawa ng mga ito, ito ay nagbubunga ng matinding pinsala sa ozone layer.
5. Polusyon sa Basura
Kapag hindi maayos na naitatapon, ang mga basura ay karaniwang nagiging polusyon sa lupa, hangin, at tubig. Ang polusyon sa basura ay karaniwang matatagpuan sa mga urban at lugar na lubhang may malalaking populasyon.
Bunga ng sobrang populasyon at kakulangan sa edukasyon sa tamang pagtatapon ng basura ang pagdami ng mga ito. Karamihan sa mga epidemya gaya ng dengue, malaria, pagtatae at iba pang sakit ay pangunahing dahil sa polusyon sa basura.
6. Pag-init ng karagatan at asidipikasyon ng tubig dagat
Dahil sa pagbabago sa klima at global warming, natutunaw ang mga yelo sa dagat at mga glasyar o niebe sa lupa (land-based glaciers). Dahil dito, mabilis na tumataas ang lebel ng dagat at tumataas din ang temperatura ng karagatan.
Bunga naman ng labis na carbon dioxide (CO2) na nasa karagatan ang asidipikasyon (acidification) ng tubig dagat. Ang carbon dioxide ay mula sa mga tao, hayop, at pagsunog ng panggatong (burning of fossil fuels). Ang acidification ng ating mga tubig ay nagbubunga ng pagkaubos ng marine resources at pagkawasak ng marine ecosystem.
Ang mas mataas na lebel ng karagatan at pagtaas ng acidity ng ating mga tubig-dagat ay nakaambang panganib sa kabuhayan at buhay ng malaking bilang ng tao na nakatira malapit sa baybayin. Ang mga naninirahan sa baybayin ay maaaring makaranas ng storm surge at tsunami.
7. Sobrang populasyon
Humigit-kumulang 7.8 bilyon ang bilang ng tao na nabubuhay sa daigdig (as of Abril 2020) at sinasabing ang bilang na ito ay lolobo nang 9.7 bilyon sa 2050. Ito ay nakakatakot sapagkat sinasabi ng mga eksperto na ang mundo ay may maximum carrying capacity para sa 9 hanggang 10 bilyong tao lamang.
Ang problema ng sobrang populasyon ay maaaring magbigay-daan sa iba pang problemang pangkalikasan, gaya ng polusyon, pagkaubos ng likas na yaman, kakulangan sa malinis na tubig, sa petrolyo, at sa pagkain. Ang maagang pag-aasawa, kakulangan sa kaalaman sa birth control at pagpaplano ng pamilya, at presyur ng lipunan ang ilan sa sanhi ng sobrang populasyon … Basahin ang karugtong
© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 4.2 Napapansin ang mga bagay na wala sa wastong lugar at naisasaayos ito nang ayon sa kagandahan (PPT11/12PP-Ii-4.2)
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog