Ang Aspektong Politikal, Pang-Ekonomiya, at Panlipunan ng Climate Change
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Naipaliliwanag ang aspektong politikal, pang-ekonomiya, at panlipunan ng Climate Change
Upang lubos na maunawaan ang isyu ukol sa climate change, mahalagang maipaliwanag ang aspektong politikal, pang-ekonomiya, at panlipunan nito. Ang climate change ay may malaking dimensiyong ukol sa ekonomiya, politika, at lipunan.
Aspektong Pang-ekonomiya
Ang ekonomiya ay may masamang epekto sa kalikasan. Isyung pang-ekonomiya ang industriyalisasyon na siyang dahilan ng pagtitindig ng maraming pabrika at pagbuo ng mga sassakyan at iba pang kasangkapang pinagmumulan ng maraming greenhouse gases.
Gawaing pang-ekonomiya rin ang paglikha ng mga modernong serbisyo at produkto gaya ng pagluluto sa mga restoran na walang tigil na gumagamit ng gasul at kuryente at ang salimbayang pagpasada ng mga bus, jeep, tren, at iba pa. Ang mga ito ay tuwirang nakadaragdag sa climate change.
Ekonomiya rin ang nagbubunsod sa mga mapaminsala sa kalikasan na mga gawain gaya ng deporestasyon, pagmimina, at pagtatayo ng mga commercial building at housing projects sa mga dati’y mapunong dako.
Ganunpaman, ekonomiya rin ang apektado kapag lumala ang climate change. Halimbawa, sa tuwing sasalantahin ng kalamidad ang Pilipinas bunga ng pagbabago ng klima, marami ang tiyak na masisira at posibleng maisailalim ang bansa sa walang katapusang pag-aayos at pagkukumpuni.
Sa kasalukuyan, mayroong mga samahang pang-ekonomiya na nagsusulong ng pagtugon sa lumalalang climate change. Sa Japan, halimbawa, ang nililikha na ay mga hybrid electric vehicles (HEVs), mga sasakyang naglalabas ng mas konting greenhouse gas. Sinisikap ng mga kumpanya na makalikha ng mga kasangkapang energy efficient at environment-friendly.
Aspektong Politikal
Ang maraming gawaing pang-ekonomiya na nagdudulot ng climate change ay protektado ng mga batas na likha ng mga lider pampulitika. Ang mga pamahalaan ang nagkaloob ng pagpapatibay sa industriyalisasyon sa pamamagitan ng mga ginawang batas para rito.
Ganunpaman, isyung pampulitika rin ang partisipasyon ng mga bansa sa mga kasunduang internasyunal ukol sa pagtatalaga ng limit sa emisyon ng greenhouse gases. Halimbawa nito ay ang Kyoto Protocol na isang pang-internasyunal na kasunduan sa pagbabawas ng emisyon ng greenhouse gases. Pinagtibay ito sa Kyoto, Japan noong ika-11 ng Disyembre, 1997.
Ang mga lider ng bansa ay inaasahang makikibahagi sa paglikha ng mga batas patungkol sa climate change. Nakasalalay rin sa pamahalaan ang paglikha ng mga programa at paglalaan ng pondo para dito. Halimbawa, nangako ang Pilipinas na babawasan ang mga carbon emissions ng 10 percent pagdating ng 2030.
Gobyerno din ang pangunahing nangangasiwa sa pagtulong sa mga apektado ng mga kalamidad na dulot ng climate change. Ang mga programa ng pamahalaan ukol sa pagbaha na nararanasan sa Pilipinas dahil sa mga di-pangkaraniwang pag-ulan ay isang halimbawa nito.
Aspektong Panlipunan
Ang climate change ay isyung panlipunan dahil epekto ito ng mga gawa ng tao at may mapaminsalang epekto ito sa mga tao. Sabi nga ng mga eksperto, anthropogenic o bunga ng kagagawan at aktibidad ng mga tao ang climate change.
Ang mga gawain tulad ng paggamit ng gasul sa pagluluto sa mga tahanan at paggamit ng mga makabago at de kuryenteng gamit sa bahay, gaya ng modernong appliances at gadgets, ay tuwirang nakadaragdag sa climate change.
Ganunpaman, ang mga tao rin ang nagdurusa sa mga kalamidad na dulot ng pagbabago ng panahon gaya ng malalakas na bagyo, baha, pagguho ng lupa, tagtuyot, at heat waves. Nasisira ang pananim at iba pang kabuhayan at dumarami ang uri ng karamdaman.
Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga tao sa lipunan upang masolusyunan ang climate change. Dapat magkaroon ang tao ng partisipasyon upang mabawasan ang GHGs sa kapaligiran.
Narito ang 10 mungkahing paraan upang makatulong na mabawasan ang paglala ng climate change:
1. Magtanim ng puno at halaman upang magsilbing taga-sipsip ng GHGs.
2. Gumamit ng mga energy-efficient at environment-friendly na mga kagamitan. Magpalit ng bumbilya at gumamit ng compact fluorescent light bulbs (CFLs).
3. Maglakad, magbisikleta, o mag-commute (sa halip na gumamit ng sariling sasakyan). Hindi lamang ito makakatipid sa gasolina, makababawas pa sa polusyon. Maaari ring mag-car pooling.
4. Maging praktikal sa pagkonsumo ng fuel. Panatilihing maayos ang kondisyon ng sasakyan. Siguraduhing ang makina ay maayos at ang mga gulong ay may sapat na hangin. Iwasan ang biglang pag-arangkada.
5. Magtipid sa paggamit ng kuryente. Hangga’t maaari ay iwasan ang paggamit ng aircon. Maaaring buksan ang mga bintana at hayaang makapasok ang natural na liwanag at hangin sa tahanan. Patayin ang mga ilaw at bunutin ang plug ng mga appliances kung hindi ginagamit.
6. Magtipid sa paggamit ng tubig. Maglaba nang maramihan. Ipunin ang maruruming damit at labhan ito nang sabay-sabay para makatipid sa paggamit ng tubig (maging ng kuryente). Isampay na lamang ang mga nilabhan para matuyo.
7. Mag-recycle. Gumamit halimbawa ng ni-recycle na papel. Isagawa ang paperless system hangga’t maaari. Maraming puno ang pinuputol at maraming enerhiya ang ginugugol sa paglikha ng mga papel.
8. Iwasang gumamit ng plastic. Gumamit ng recyclable bags.
9. Huwag magsunog ng anumang basura.
10. Iwasan ang paggamit ng kompyuter at gadgets kung di naman talaga kailangan. Sa ganitong paraan, mababawasan ang carbon dioxide emission … ituloy ang pagbasa
*Kung may paksa na gusto mong hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pa (hal. globalisasyon, political dynasty, etc.), i-search dito:
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Iba’t Ibang Programa, Polisiya, At Patakaran Ng Pamahalaan At Ng Mga Pandaidigang Samahan Tungkol Sa Climate Change
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
NOTE TO STUDENTS:
If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.
Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog