Plano Upang ang Bawat Kasapi ng Pamilya ay Maging Matatag at Mahinahon sa Bawat Isa
Kasanayang Pampagkatuto
Nakagagawa ng plano upang ang bawat kasapi ng pamilya ay maging matatag at mahinahon sa bawat isa.
Batay sa mga pag-aaral, sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga, lalo na sa gitnang yugto nito, maraming mga tinedyer ang tila nagiging mas malapit sa barkada at lumalayo sa pangangalaga ng kanilang pamilya.
Pangkaraniwan ding lumilitaw ang mga gusot sa pagitan ng mga tinedyer at ng kani-kanilang mga magulang o mga kapatid. Ngunit bagaman ang mga kabataan ay karaniwang nagsisikap na bumuo ng pagkakakilanlan ng sarili at nagiging independiyente sa yugtong ito, ang kanilang mga pamilya ay nananatiling may malaking epekto sa kanilang personal na pag-unlad.
Ang mga tao, sa anomang yugto ng buhay, lalo na ang mga kabataan, ay nangangailangan pa rin ng pag-ibig at pag-aalaga ng kanilang mga magulang o tagapag-alaga at pag-aaruga ng mapagmahal na tahanan. Lalo na sa mga panahon ng kagipitan, kailangan pa rin nila ng sambahayang susuporta, at ng lakas ng loob at walang pasubaling pagmamahal mula sa mga mahal sa buhay.
Hindi maiiwasan ang ilang mga pagsisikap at kompromiso upang ang bawat kasapi ng pamilya ay maging matatag at mahinahon sa bawat isa.
Panuorin: Gampanin ng Bata sa Tahanan, Gawain sa Pamilya, at Mga Tungkulin ng Bawat Kasapi ng Pamilya
Ang mga sumusunod ay ilang mga mungkahi para sa matatag at maayos na relasyon sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:
1. Igalang ng mga anak ang mga magulang
Ito ang ipinapayo ng Biblia sa panig ng mga anak upang maging payapa ang sambahayan at matamo nila ng pagpapala:
“Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka’t ito’y matuwid. Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako), Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa.” (Efeso. 6:1-3)
2. Pairalin ang pagsasa-alang-alang sa isa’t isa.
Ang mga magulang ay dapat na maging huwaran sa kabutihan at mabuting kaasalan sa pamilya. Ang mga anak naman ay dapat magpakita ng pagsasaalang-alang, pagmamahal, at pagpapasakop sa mga magulang.
Huwag maging makasarili. Isipin ang kapakanan ng bawat kasapi sa sambahayan.
3. Magkaroon ng quality time sa isa’t isa.
Pagkasunduan, halimbawa, ang isang araw sa isang linggo na “araw ng pamilya”. Ito ang magsisilbing bonding moment ng pamilya (hal. picnic, panunuod ng sine o pagkain sa labas) at panahon upang talakayin ang mga mahahalagang bagay.
Ang pagbubukas ng mga damdamin ay maaaring magbawas ng pasanin o stress kapwa sa nagbibinata/ nagdadalaga at mga magulang.
4. Pagsikapang taglayin ang mga katanggap-tanggap na pag-uugali.
Ang mga magulang ay pangkaraniwan nang nagtatakda ng mga alituntunin tungkol sa kung ano ang mga katanggap-tanggap at ang mga di-wastong pag-uugali.
Pananagutan ng lahat ng miyembro ng pamilya na ito ay alamin. Hindi dapat magtampo o sumama ang loob kung malapatan ng kaukulang disiplina kapag gumawa ng labag sa magandang pag-uugali.
5. Magkaroon ng limitasyon.
Dapat hayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na madiskubre ang kanilang sarili at maabot ang kanilang mga pangarap.
Ganunpaman, dapat matuto ang mga anak na magtakda ng mga limitasyon sa kanilang sarili. Huwag babalewalain ang paggabay ng mga magulang.
6. Pagtutunan ang pakikibagay.
Ang mga magulang ay kailangang bumabagay sa mga nagbabagong pangangailangan ng kanilang mga anak. Ang labis na paghihigpit ay maaaring hindi maging epektibo sa mga nagbibinata/nagdadalaga ngayon, lalo na sa mga may mga inklinasyong magrebelde.
Dapat magkaroon ng balanse sa pagitan ng kahigitan at kaluwagan. Ang mga anak ay dapat ding mag-adjust sa nais ng magulang at mga kapatid. Mahalaga ang pagbibigayan at kompromiso.
Kailangang maunawaan ng mga anak na ang pagiging magulang ay hindi madaling gawain. Dapat na sumuporta ang mga anak sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karapat-dapat na paggalang at sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa mga makatwirang bagay na kanilang ipinagagawa.
7. Mahalin ang mga kapatid.
Normal ang pagkakaroon ng salungatan at hindi pagkakasunduan sa magkakapatid. Ito ay dahil sa mga pagkakaiba sa mga interes at personalidad. Kung nagkakaroon man ng hindi pagkakaunawaan, iwasan naman ang magtanim ng galit kaninoman.
Mahalaga ang magandang kaugnayan sa mga kapatid. Sila ay maaaring magsilbing mga barkada.
Ang mga nakatatanda ay maaaring magbigay ng patnubay sa mga nakababatang kapatid at ang mga nakababatang kapatid ay maaaring magtulak sa mga nakatatandang kapatid na maging responsable at matured. Ang bawat isa ay dapat na magsilibing mabuting impluwensya sa pamilya.
8. Maging mahinahon.
Kung may bumabangong di pagkakaunawaan sa pagitan ng mag-asawa at ng mga anak, dapat itong pag-usapan nang mahinahon at ihanap ng lunas.
Itinuturo sa Banal na Aklat: “Huwag kayong gumamit ng masamang pananalita; sikaping lagi na ang pangungusap ninyo’y yaong makabubuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng makaririnig” (Efeso 4:29 MB).
9. Magtulungan sa isa’t isa.
Ito ang ipinanukala ng Diyos sa mag-asawa nang sila’y pinapagsama Niya bilang mag-asawa. Pananagutan kapuwa ng magulang na lalake at babae na itaguyod ang kanilang mga anak. Ang mga anak man ay dapat matuto ng teamwork sa ikauunlad ng kanilang pamilya.
10. Sama-samang pahalagahan ang kalooban ng Diyos.
Upang maging payapa at tiwasay ang pamilya at makamit ang mga pagpapala ng Diyos, dapat makita sa bawat miyembro ng sambahayan ang pagpapahalaga at paggalang sa mga utos ng Diyos.
Ito ay magagawa ng bawat isa kung matataglay ang banal na pagkatakot sa Panginoon: “Mapalad ang bawa’t isa na natatakot sa Panginoon, Na lumalakad sa kaniyang mga daan. Sapagka’t iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: Magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo” (Awit 128:1-2).
ACTIVITY
“Which of the 10 discussed suggestions on making the bond in one’s family stronger is most effective in your family? Why?”
Nota: Maaaring ilagay ang sagot sa comment section sa ibaba o rito sa: Ang Epekto ng Migrasyon sa Pamilyang Pilipino
Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho o Bokasyon
Ang Sariling Personalidad at mga Personal na Salik na may Kinalaman sa Personal na Layunin sa Buhay
‘Ang Aking Bucket List’: Isang Aktibidad
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho at Bokasyon: Isang Aktibidad
Mga Panlabas na Salik na Nakaiimpluwensiya sa Pagpili ng Kurso
Ang Mga Nakaayon at Di-Nakaayong Kursong Pagpipilian
Paggawa ng plano tungkol sa kursong nais at Ang Pagpaplano ukol sa Karera (Career Planning)
Mga Salik sa Personal na Pag-Unlad na Mahalaga sa Pagpili ng Kurso
Sariling Pananaw sa Halaga ng Personal na Pag-Unlad sa Pagpapasya ukol sa Kurso
“Ang Aking Plano Para sa Kursong Nais”: Ilang Aktibidad
‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad
Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad
Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization
Pananaw Sa Sarili At Personal Na Pag-Unlad
=====
To post comment, briefly watch this related short video: