Pilosopiya: Kahulugan, Mga Sangay, at Metodo ng Pamimilosopiya

© by Jensen DG. Mañebog

Ang terminong ‘pilosopiya’ ay nagmula sa dalawang salitang Griego na (a) “philo” na may ibig sabihin na “pag-ibig,” at (b) “sophia” na nangangahulugan namang “karunungan” o “kaalaman.” Kung gayon, ang literal na kahulugan ng pilosopiya ay “pag-ibig sa karunungan”.

Ang Pamimilosopiya

Ang Pamimilosopiya ay pagsisikap na sagutin ang anomang katanungan na bumabagabag sa isipan ng tao. Sa sentidong ito, lahat ay namimilosopiya sapagkat ang lahat ay likas na nagpupumilit na masagot ang mga tanong sa kani-kaniyang isipan.

Mga Sangay ng Pilosopiya

May mga sangay (branches) ang Pilosopiya. Halimbawa ay ang metapisika na may kinalaman sa pag-aaral ng eksistensiya. Ayos sa ilang Filipinong propesor, ang eksistensiya o pag-iral ay maaaring unawain bilang isang “pagmemeron.”

Ang epistemolohiya naman ay ang pag-aaral ng mga pamamaraan ng pagtuklas ng kaalaman. Sangay din ng pilosopiya ang etika, ang sangay ng pag-aaral na may kinalaman sa kung ano ang akmang gawi na dapat ikilos ng tao. Sinasagot nito ang tanong na, “Ano ang tama o mabuting gawin?”

Ang pilosopiyang pampulitika (political philosophy) ay pag-aaral sa pulitika gamit ang pamimilosopiya. Ang pulitika ay sinasabing etikang isinasagawa o inia-apply sa grupo ng mga tao. 

Tumutukoy naman ang estetika sa pilosopikong pag-aaral ng sining. Kabilang sa pinag-aaralan dito kung ano ang mga bumubuo sa kung ano ang maituturing na sining, maging ang mga layunin sa likod nito.

Narito ang kumpletong pagtalakay sa mga ito: Mga Pangunahing Sangay (branches) ng Pilosopiya

Mga Metodo o Pamamaraan ng Pamimilosopiya

Makatutulong sa mga naghahangad na makarating sa o makapagtaglay ng karunungan at katotohanan ang mga pamamaraan o metodo ng pilosopiya.

Ang isang halimbawa ay ang “elenchus” o pamamaraang Sokratiko (mula kay Socrates). Ang “elenchus” ay salitang Latin na nagmula sa sinaunang terminong Griyego na elengkhos na nangangahulugang “argumento ng pagpapasubali” (“argument of refutation”). Ito ay isang pagtutol sa isang paniniwala o tikhaan (thesis) na ginagamit sa layuning suriin o busisiin ang isang paniniwala o katikhaan.

Isa ring metodo sa Pilosopiya ang Metodikong Pagdududa, na tinatawag ding “Methodic Doubt” o Cartesian Philosophy. Ito ang isa sa mga naglagay kay Rene Descartes bilang importanteng tao sa kasaysayan ng pilosopiya.

Isa ring pamamaraan ng pamimilosopiya ang tinatawag na “ibinubuhay na karanasan” (“Lived Experience”/ Phenomenological Inquiry). Nagbuhat ang fenomenolohiya (o penomenolohiya) sa mga salitang Griyego na phainómenon (“ang nakikita”) at lógos (“pag-aaral”). Ito, kung gayon, ay rasyonal na eksplanasyon o pag-aaral ng penomena.

Para sa detalyadong pagtalakay sa mga ito, sangguniin ang: Ang Mga Pamamaraan o Metodo ng Pamimilosopiya (© 2013 by Jensen DG. Mañebog)

Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog

Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog