Pilipinas vs Tsina: Gusot sa West Philippine Sea

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Ang Pilipinas ay isang arkipelago na binubuo ng 7,641 na isla. Napapalibutan ito ng Sulu Sea at Celebes Sea sa timog, Philippine Sea at Pacific Ocean sa silangan, at West Philippine Sea sa hilaga at kanluran. Inaangkin ng Tsina ang malaking bahagi ng West Philippine Sea, na kanilang tinatawag na South China Sea. 

Noong Hunyo 9, 2019, sa may Recto Bank sa West Philippine Sea (hilagang silangan ng Spratly Islands at malapit sa probinsiya ng Palawan), sinasabing binangga ng Yuemaobinyu 42212, isang trawler (pleasure boat) na pag-aari ng Tsina ang F/B Gemvir 1, bangkang pangisda ng Pilipinas na may 22 mangingisdang mula sa Occidental Mindoro. Ang mga Pilipinong muntikan nang malunod ay iniligtas ng mga mangingisdang Vietnamese na nasa lugar.

Batay sa hatol ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, The Netherlands noong Hulyo 12, 2016, bahagi ng EEZ ng Pilipinas ang Recto Bank. Ang hatol ay bunga ng isinampang kaso ng Pilipinas sa PCA laban sa mga itinuturing nitong paglabag ng Tsina sa teritoryo at yamang dagat ng bansa noong 2013, bukod pa ang maraming diplomatic protest na inihain nito sa UN International Court of Justice (ICJ) laban sa Tsina.

Ginagamit na batayan ng Tsina ang tinatawag nitong “nine-dash line” na nakabatay sa isang mapa noong 1947 na sumasakop sa halos 85 porsiyento ng West Philippine Sea. Subalit ayon sa PCA, walang batayang historical o legal ang pag-aangkin ng Tsina. Ang pinag-aagawang Scarborough Shoal, halimbawa, ay 120 nautical miles ang layo sa Zambales, samantalang 500 nautical miles ang layo nito sa Tsina. Kung susundan ang argumento ng Tsina na nakabatay sa “nine-dash line,” maaari umanong angkinin ng Italya ang buong kontinente ng Europa.

Ayon pa rin sa pasya ng PCA, napatunayang nanghimasok ang Tsina sa petroleum exploration ng Pilipinas sa Reed Bank; pinigilan ng mga Tsino ang mga mangingisdang Pilipino na nangingisda sa saklaw ng ‘exclusive economic zone’ ng Pilipinas, at ayaw magpapigil ang mga mangingisdang Tsino sa pangingisda sa loob ng EEZ ng bansa, partikular sa Mischief Reef (Panganiban Reef) at Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal).

Ang insidente sa Recto Bank ay tinawag ng rehimeng Duterte na “simpleng aksidenteng pandagat.” Sinabi nitong maaaring mangisda ang Tsina sa katubigan ng Pilipinas dahil “kaibigan” ito ng ating bansa.

Binigyan din ng rehimeng Duterte ng permit ang Tsina para magsaliksik sa kanlurang dalampasigan ng bansa, kasama ang Benham Rise. Noong Abril 2018, nagpanukala ang Pangulong Duterte ng hatiang 60-40 sa mga makukuhang pakinabang sa magkasamang eksplorasyon sa West Philippine Sea.

Noong 2016, nagpahayag si Xi Jinping, presidente ng Tsina: “Ang mga isla at bahura sa South China Sea ay mga teritoryo ng China simula pa sinaunang panahon… Ipinamana sa Tsina ng aming mga ninuno. Hindi papayagan ng sambayanang Tsino ang sinuman na makialam sa soberanya at kaugnay na karapatan at interes ng Tsina sa South China Sea.”

Noong Hunyo 2018, nakapagtayo na ang Tsina ng mga base-militar sa West Philippine Sea. Halos taun-taon ay naghahain ng protest ang Pilipinas ukol sa mga gawain ng Tsina sa nasabing lugar. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap sa search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Konsepto ng Political Dynasties

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist 

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.