Personal Na Paraan Ng Pagtugon Sa Mga Alalahanin Para Sa Malusog Na Pamumuhay

Kasanayang Pampagkatuto:

Naipakikita ang personal na paraan ng pagtugon sa mga alalahanin para sa malusog na pamumuhay

Mga personal na paraan ng pagtugon sa mga alalahanin

Sinasabing may dalawang pangunahing estratehiya ng pagkaya sa stress na karaniwang ginagamit ng mga indibidwal, ang:
(1) problem-focused approach at ang
(2) emotion-focused strategy:

Ang tinatawag na (1) problem-focused approachay may kinalaman sa pagtutuon ng pansin sa pinagmumulan ng stress.

Kabilang dito ang pagsisikap na pag-aralan ang sitwasyon na nagdudulot ng stress. Pagkatapos nito ay ang paggawa ng mga pagsisikap o pagkilos upang malutas o mawala ang nararanasang stress.

Kumbaga sa problema, ito ay ang pagharap sa pinagmumulan ng suliranin. Ang halimbawa nito ay ang pagharap, pakikipag-ugnayan, o pakikipag-usap sa direktang pinagmumulan ng stress.

Sa kabilang dako, ang (2) emotion-focused strategy naman ay ang pag-iisip tungkol sa sariling pakiramdam o damdamin na dinulot ng stress, sa halip na kaharapin ang aktwal na pinagmumulan ng stress.

Ito ay maganda kung matuturuan ang sarili na tumugon nang positibo o maganda sa mga stress o mga pinagmumulan nito.

Subalit kung ang isang tao ay nagmamaktol, panay ang reklamo, sinisisi ang sarili o ang iba dahil sa mga nakakaistress na kaganapan, ang strategy na ito ay hindi nakabubuti.

Ang pamamaraang ito ay maaari ring magbunsod sa pag-inom ng alak, paggamit ng droga, at iba pang hindi mabisang paraan upang makatakas sa nakakaistress na sitwasyon.

Tangi sa mga nabanggit, may iba pang mga paraan ng pagkaya o pamamahala sa stress. Isa-isahin natin:

Halimbawa ay ang (a) pagtataglay ng positibong pag-iisip at (b) pagiging makatotohanan.

Kung positibo ang pananaw at mga saloobin sa buhay, mag-uudyok ito na piliin ang pinakamainam na pagtugon sa harap ng mga negatibong kaganapan.

Kasama naman sa pagiging makatotohanan ang pagkilala at pagtanggap sa ating mga kahinaan at limitasyon. Dapat tandaan na hindi tayo perpekto at hindi natin dapat ikahiya ang paghingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.

Sa mga pangyayaring nakakaistress, ang (c) pagrerelaks at (d) mga pisikal na aktibidad ay nakakatulong din.

Maaaring huminto sandali, bigyan ang sarili ng panahon para huminga nang maayos, o lumahok sa mga gawain na nagpaparelaks.

Maaaring subukan ang panonood sa sinehan, pagpapasyal sa mga alaga sa parke, pagkain ng nakapagpapalusog na ‘comfort foods,’ at pagbasa ng interesanteng aklat.

Sa kabilang dako, ang mga pisikal na aktibidad naman ay makatutulong upang labanan ang mga pinsala na dulot ng mga stressor. Kabilang rito ang ehersisyo, malalim na paghinga, at meditasyon. Iminumungkahi rin ng iba ang taichi at ilang anyo ng martial arts.

Sa maraming pagkakataon, ang pagkakaroon ng (e) sapat na pahinga at pagtulog ay makatutulong nang malaki sa pagbawas ng stress at sa pag-iisip kung paano ito haharapin.

Iwasan ang pagpupuyat nang hindi kailangan.

Ang sapat na pahinga at pagtulog ay makatutulong hindi lamang upang maganap nang mahusay ang mga aktibidad kundi, gaya ng ehersisyo, upang malabanan ang mga pinsala na dulot ng stress.

Makatutulong din na pag-aralan ang (f) pagpapakatatag. Maaaring tularan ang mga tao na mabilis na makabawi o makabalikwas mula sa mga nakakaistress na kaganapan.

Napag-aaralan ang pagiging mahinahon at matatag sa harap ng mga alalahanin, at makatutulong rito ang pananalangin at pananampalataya sa Diyos.

Sa mga pagkakataong mabigat ang mga alalahanin, ang (g) panlipunang suporta mula sa mga mahal sa buhay, mga kamag-anak, at mga kaibigan ay makatutulong.

Makapagbibigay ito ng kapaki-pakinabang na emosyonal na suporta sa panahon ng stress at krisis. Kapag tayo ay pisikal at emosyonal na nag-iisa, madali tayong maging biktima ng mga stress.

Samakatuwid, marapat na panatilihin ang magandang relasyon sa mga mahal sa buhay.

Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

SA MGA GURO: Maaari itong gawing reading assignment ng inyong mga mag-aaral

Kaugnay:

Ang Pag-Unawa Sa Kaliwa At Kanang Bahagi Ng Utak Ay Nakatutulong Sa Pag-Unlad Ng Pagkatuto

Ang Mind-Mapping Techniques Na Nararapat Sa Dalawang Uri Ng Pagkatuto Ng Tao

Plano Upang Mapaunlad Ang Pagkatuto Gamit Ang Mga Gawain Sa Mind Mapping

Kalusugang Pangkaisipan At Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan (Well-Being)

Ang Mga Sariling Kahinaan at Ang Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)

Mind Map Tungkol Sa Mga Paraan Upang Magkaroon Ng Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan

Plano Upang Manatili Ang Kalusugang Pangkaisipan Sa Panahon Ng Kalagitnaan At Huling Bahagi Ng Pagdadalaga/Pagbibinata

Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon Na Maaaring Makatulong Sa Pagpapamalas Ng Mga Nararamdaman

Mga Positibo At Negatibong Emosyon At Kung Paano Ito Ipahinahahayag O Itinatago

Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon