Pagtangkilik sa Sariling Produkto: Mga Pagdiriwang (Festivals), Proyekto, at Gawain

May mga proyektong nagpapakita ng pagtangkilik at pagmamalaki sa sariling produkto. Ang mga gawaing ito ay nagpapaunlad din sa mga natatanging pagkakilanlan ng komunidad.

Ang mga natatanging produkto sa komunidad o rehiyon ay isa sa pagkakakilanlang kultural nito. Ang mga pagsasagawa ng mga pagdiriwang ay paraan upang maipagmalaki at maipakita ang pagtangkilik sa mga natatanging produkto.

Panurin ang kaugnay na video: Mga Musika o Sayaw ng Lahi na Maipagmamalaki ng Kapuwa Pilipino

Sa ganitong paraan, napauunlad ang pagkakakilanlang kultural na ito. (Kaugnay: Kultura ng Pilipinas: Ang Pagkakakilanlang Kultural at mga Produkto ng Komunidad)

Narito ang ilan sa mga pagdiriwang na nagpapaunlad sa natatanging pagkakilanlan ng komunidad:

Panagbenga Festival

Ang Panagbenga Festival ay nagsimulang ipagdiwang sa lungsod ng Baguio noong Pebrero 1991. Ang sentro ng pagdiriwang na ito ay upang ipagmalaki ang magagandang produktong bulaklak ng Baguio.

Nabuo rin ang pagdiriwang bilang isang pagbangon sa naging epekto ng lindol na nanalanta sa lungsod noong Hulyo 16, 1990. Ang salitang “Panagbenga” na mula sa Kankaney ay nangangahulugang “panahon ng pamumulaklak”.

Ang pagdiriwang ay nagsisimula sa isang parada ng mga float na dinisenyuhan ng iba’t-ibang uri ng mga bulaklak sa Benguet. Nagkakaroon din ng mga street dancing ng mga mananayaw na nakasuot ng iba’t-ibang mabulaklak na damit. Marami pang mga kaganapang isinasagawa sa pagdiriwang.

Tuna Festival

Ang Tuna Festival ay isang linggong taunang pagdiriwang na isinasagawa sa General Santos City, South Cotabato tuwing unang linggo ng Setyembre. Dahil ang GenSan ay kilala bilang “Tuna Capital of the Philippines”, ang isinasagawang mga aktibidad ay nagpaparangal sa pangunahing kabuhayan dito na pangingisda.

Maraming ginagawang aktibidad sa pagdiriwang na ito tulad ng mga paligsahan sa pagluluto na ang pangunahing sangkap ay ang isdang tuna. Mayroon ding mga paligsahan sa sayaw, pagandahan (beauty pageant) at mga parada.

Bangus Festival

Ang lungsod ng Dagupan ay kilala bilang Bangus Capital of the Philippines. Dito nagmumula ang mga de kalidad na uri ng bangus. Ang pagdiriwang ay isinasagawa sa loob ng 10 araw sa buwan ng Abril. Ito ay bilang pasasalamat sa masaganang ani nila ng bangus.

Mayroong isinasagawang mga street dancing kung saan nagtatanghal ang mga mananayaw na may makukulay na kasuotan, mga paligsahan sa pagluluto, sa pagandahan, sa isports, mga konsiyerto (concerts) at maging mga medical missions.

Bawang Festival

Binansagan ang Ilocos Sur bilang “Garlic Center of the North”  dahil sa masaganang ani nila ng bawang. Mayroon silang tinatawag na “Bawang Festival” na ginaganap sa umpisa ng buwan ng Mayo hanggang sa ikatlo nito. Ang tampok sa pagdiriwang ay ang produkto nilang bawang. Ipinapakita rin ang mga, talento at katangian ng mga magsasakang Ilokano.

Tulad sa ibang mga pagdiriwang, hindi nawawala ang parada ng mga float na ang tema ay bawang. Mayroon ding street dancing at iba’t-ibang uri ng paligsahan sa pagluluto at trade fairs.

Pahiyas Festival

Ang pagdiriwang na ito ng mga Taga Quezon tuwing Mayo 15 ay pagpaparangal sa santo ng mga magsasaka na si San Isidro de Labrador. Ito ay bilang pagpapasalamat din ng mga taga Quezon sa kanilang masaganang ani.

Nakaugalian na sa ganito nilang pagdiriwang ang pagsasabit sa kanilang mga tahanan ng kanilang produkto tulad ng prutas, gulay, mga kakain, longganisang Lucban at “kipings”. Ang kiping ang pangunahing dekorasyon sa Pahiyas. Ito ay mga hugis dahon na wafer na gawa sa malagkit na bigas.

Sapatos Festival

Sikat ang lungsod ng Marikina sa de-kalidad, abot-kaya at sunod sa modang mga sapatos at tsinelas. Mula sa umpisa ng buwan ng Setyembre, ang lungsod ay nagsasagawa ng isang buwang pagdiriwang na tinatawag na “Sapatos Festival”.

Ipinapakita sa pagdiriwang na ito ang pagiging malikhain ng mga manggagawang gumagawa ng sapatos at iba pang sapin sa paa. May ginagawang parada, trade fairs at mga pagtatanghal. Ang Tour de Takong ay isa sa inaabangang bahagi ng pagdiriwang kung saan ang mga kalahok ay pagsusuutin ng mga sapatos na mataas ang takong.

Sisig Festival

Ang putaheng sisig ang ipinagmamalaki ng mga taga Angeles, Pampanga.  Itinatag nila ang Sisig Festival, isang taunang pagdiriwang na ginagawa tuwing buwan ng Disyembre. (Basahin: Mga Pagkain o Lutuing Ipinagmamalaki sa mga Rehiyon sa Pilipinas)

Ang layunin ng pagdiriwang ay upang mas ipakilala pa ang sisig at isulong ang husay ng mga Kapampangan sa pagluluto. Mayroong mga paligsahan sa pagluluto ng sisig at mga demonstrasyon ng pagluluto ng mga mahusay at sikat na chef. Nagsasagawa rin sila ng mga pagtatanghal  ng musika at sayaw.

Durian Festival

Ang durian ay ipinagmamalaking prutas at produkto ng mga taga Davao. Ipinagdiriwang ng mga taga Davao ang kanilang produkto sa Durian Festival. Karaniwang isinasagawa ito tuwing ika-15 ng Agosto hanggang 15 ng Setyembre.

Nagsasagawa ng mga paligsahan sa pagkain ng Durian o Durian Eating Competition at Durian Cracking Contest na paligsahan naman sa pagbubukas ng durian na may makapal at matinik na balat.

Mga Gawaing Nagpapakita Ng Pagsisikap Upang Maibahagi at Maipagmalaki ang Pagkakakilanlang Kultural ng Komunidad

Maaaring gumamit ng makabagong teknolohiya upang maibahagi sa iba ang tradisyon at kultura. Maaari ring gawin ang paghihikayat sa mga kaibigan at kakilala na dalawin ang komunidad.

Bilang bahagi ng komunidad, kailangan ang pagkakaisa, kooperasyon at pagtutulungan sa pagsasagawa ng mga gawain at proyekto sa ikauunlad ng pagkakilanlan nito.

Related:
Mga Proyekto at Festival ukol sa Pagtangkilik sa Sariling Produkto
10 Remarkable Facts About Sinulog
10 Interesting Things About Pinakbet

Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com

Sa komento o assignment ng mga mag-aaral, gamitin ang comment section ng: Mga Musika o Sayaw ng Lahi na Maipagmamalaki ng Kapuwa Pilipino