Pagpapahayag ng Saloobin sa mga Inaasahan ng mga Mahahalagang Taong Nakapaligid

Tumutugon ito sa Kasanayang Pampagkatuto na: Naipapahayag ang saloobin sa mga inaasahan ng mga mahahalagang taong nakapaligid sa kanya [isang nagdadalaga o nagbibinata] (magulang, kapatid, kaibigan, guro, pinuno ng pamayanan)

Kung ikaw ay isang nagdadalaga o nagbibinata, mahalaga na iyong naipapahayag ang iyong saloobin ukol sa mga inaasahan ng mga mahahalagang taong nakapaligid sa iyo.

Sa pamamagitan nito ay magiging lalong malinaw sa iyo at sa kanila kung positibo o negatibo ang iyong tugon sa kanilang inaasahan sa iyo. Kung gayon, magagawa ng bawat panig ang nararapat na adjustment kung kinakailangan.

Magbigay tayo ng isang halimbawa. Kung sa maayos na paraan ay masasabi ng anak sa kaniyang mga magulang na hindi niya gusto ang strand o kurso na kaniyang tinatahak at mailalatag niya ang kaniyang mga dahilan, malamang na maunawaan nila at suportahan siya sa kaniyang gagawing pagdedesisyon.

Tandaan lamang na mahalaga na laging isaalang-alang ang mga magulang sa mga pagpapasya. Ang bukas na komunikasyon ay susi sa maayos na relasyon.

Kaugnay nito, importante rin na maunawaan kung sinu-sino ang mga mahahalagang taong nakapaligid sa isang kabataan at ang papel na kanilang ginagampanan sa kaniyang buhay. Dapat na matiyak kung sinu-sino ang “significant others” sa iyong buhay. Ano ba ang Significant Others? Sinu-sino ang tinutukoy?

Ang mga Inaasahan ng mga Mahahalagang Taong Nakapaligid

Itinuturo ng sikolohiya na ang ating konsepto sa ating sarili ay batay rin sa ating mga pananaw kung sino tayo sa tingin ng mga itinuturing nating makabuluhang tao.

Ang mga opinyon ng mga mahahalagang taong nakapaligid sa atin ay imporatante sa atin. Ang mga “significant other” ay may malaking papel na ginagampanan sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng pagkakakilanlan ng isang tao.

Lalo na sa panig ng nagdadalaga at nagbibinata, ang mga inaasahan ng mga itinuturing niyang makabuluhang tao ay may malakas na impluwensya sa kaniyang mga aspirasyon at mithiin.

Mga magulang

Ang magulang ay tumutukoy sa bayolohikal na ama at ina. Subalit ito ay maaari ring tumukoy sa sinumang gumaganap sa pananagutan ng ama at ina, kadugo man (tiyahin, tiyuhin, lolo, o lola ng isang bata) o hindi (hal. foster parents).

Tungkulin ng magulang na magkaloob ng mga pangunahing pangangailangan (tahanan, pagkain, at pananamit), magpaaral, at magturo ng kagandahang asal at pananampalataya sa anak.

Natural lamang, kung gayun, na asahan ng magulang na ang anak ay tatanaw ng utang na loob. Ito ay maaaring sa paraang pahahalagahan ng anak ang mga mabubuting bagay na nakakamit, mag-aaral na mabuti, magpapakita ng kagandahang-asal, at magtataglay ng mabubuting paniniwala at pananampalataya.

Mga kapatid

Ang mga magkakapatid ay may parehong magulang o mga magulang. Ang magkakapatid ay kadalasang lumalaki sa iisang tahanan at sambahayan kung kaya’t malaki ang impluwensiya nila sa ugali at paniniwala ng isa’t isa.

Tama lamang na ang isang tao ay manatiling kasundo ng kaniyang mga kapatid hanggang sa pagtanda. Ang sibling rivalry, selosan, at tampuhan ay normal, subalit hindi dapat payagang makasira sa maayos na samahan ng magkakapatid.

Kung dumating man ang panahon na bawat isa ay may kani-kaniyang paniniwala, lalo na kapag mayroon nang kani-kaniyang sariling pamilya, inaasahan na mananatili pa rin ang kanilang magandang samahan sa kabila ng anomang bagay. 

Mga guro

Ang guro ay nagtuturo ng mga kaalaman at kasanayan sa mga mag-aaral. Siya ay nagsisilbi rin na kanilang gabay, tagapayo, at tagapag-alaga.

Ginagabayan ng mga guro ang mga mag-aaral na umunlad ang kanilang kaisipan. Bukod dito, nakatutulong din ang mga guro sa mga kabataan na kanilang maunawaan ang kanilang mga problema at makahanap ng mga solusyon sa mga ito.

Ang mga guro ay nakapagbibigay din sa kanila ng inspirasyon. Halimbawa ay sa pamamagitan ng pagsisilbing modelo o kanilang huwaran.

Kung gayon, inaasahan na ang mga kabataan ay magbibigay galang sa kanilang mga guro. Ang mga guro ay maaaring makatulong sa mga kabataan na magkaroon ng balanseng pagkatao sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata. Kaya inaasahan ang kanilang pagpapasakop at pagkilala sa kanilang otoridad.

Mga lider ng komunidad

Pangkaraniwang tumutukoy ang mga lider ng komunidad sa mga lider-politikal sa barangay, lungsod, o munisipyo. Ganunpaman, ang ilang lider ng komunidad ay maaaring hindi halal sa kanilang mga posisyon. Halimbawa ay ang mga kinikilala at iginagalang na tao sa pamayanan na ang payo at pasya ay pinakikinggan ng marami.

Sila ay maaaring walang mga legal na kapangyarihan, ngunit may napakalawak na tradisyunal na impluwensya sa mga tao sa isang lugar. Kabilang dito ang mga espirituwal na lider ng dominanteng relihiyon sa isang partikular na komunidad—mga tao na may malaking impluwensiya sa paniniwala at buhay ng mga mamamayan.

Ang mga lider ng komunidad ay pangkaraniwang nagpapatupad ng batas, kasunduan, at mga katanggap-tanggap na asal. Inaasahan na ang mga nasasakupan, maging ang mga kabataan, ay magpapasakop at gagalang sa kanilang kapangyarihan. Ito ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang pamayanan.

Mga Kaibigan

Ang magkaibigan, sa konteksto ng pagiging “significant other,” ay mga tao na hindi lang basta magkakilala kundi malapit pa ang damdamin sa isa’t isa, bagamat sila’y hindi magkamag-anak o wala mang relasyong romantiko o sekswal.

Ang pagkakaroon ng mga tunay na kaibigan ay mahalagang sangkap ng isang masayang buhay. Sa kalipunan ng mga kaibigan, pangkaraniwan na ang tao ay may itinuturing na kaniyang pinakamatalik na kaibigan o bestfriend.

Inaasahan na tatratuhin ang kaibigan bilang kapantay. Inaasahan na ang isang tao ay makikiramay sa oras ng kalungkutan, pighati, o pagdadalamhati ng kaniyang kaibigan.

Inaasahan din na hindi manghuhusga at magtataksil sa kaibigan. Kung minsan, ang nagdadalamhating kaibigan ay hindi nangangailangan ng anomang payo, kundi ng isang tahimik na kasama sa kanyang kalungkutan.

Ang mabuting kaibigan ay isang taong makapagsasabi sa iyo kung ano ang mali sa iyo. Sinasabi naman sa Banal na Aklat na, “Ang matuwid na tao ay maingat sa pagkakaibigan.” Inaasahan kung gayon na ang tao, lalo na ang mga kabataan, ay pipili ng mga kaibigan na may takot sa Panginoon, hindi yaong may masamang impluwensiya.

Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

SA MGA GURO: Maaari itong gawing reading assignment ng inyong mga mag-aaral

Kaugnay:

Mga Papuri at Apirmasyon na Nakatutulong Upang Maging Kanais-Nais at Handa sa Pagdadalaga o Pagbibinata

Mga Alalahanin at Mga Pinagmumulan Nito Sa Panahon Ng Pagdadalaga o Pagbibinata

Ang Mga Pinagmumulan Ng Mga Alalahanin At Ang Mga Epekto Nito Sa Buhay Ng Tao

Personal Na Paraan Ng Pagtugon Sa Mga Alalahanin Para Sa Malusog Na Pamumuhay

Ang Pag-Unawa Sa Kaliwa At Kanang Bahagi Ng Utak Ay Nakatutulong Sa Pag-Unlad Ng Pagkatuto

Ang Mind-Mapping Techniques Na Nararapat Sa Dalawang Uri Ng Pagkatuto Ng Tao

Plano Upang Mapaunlad Ang Pagkatuto Gamit Ang Mga Gawain Sa Mind Mapping

Kalusugang Pangkaisipan At Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan (Well-Being)

Ang Mga Sariling Kahinaan at Ang Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)

Basahin din:

Paggawa Ng Mga Papuri At Apirmasyon Sa Pagdadalaga/Pagbibinata

Ano ang Significant Others? Sinu-sino ang tinutukoy?

Mga Hamon sa Pagdadalaga at Pagbibinata: Mga Halimbawa at Pagharap sa mga ito

Sanaysay Essay tungkol sa Pagdadalaga at Pagbibinata (Adolescence)

Pagtatasa sa Sarili Kung Nagagawa ang mga ‘Developmental Tasks’ ng mga Nagbibinata at Nagdadalaga: Isang Aktibidad

Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Bilang Nagdadalaga o Nagbibinata

Pagtataya sa Sariling Pag-unlad: Paghahambing sa Kaparehong Gulang at ang 8 Gawaing Pampag-unlad (developmental task) ni Robert James Havighurst