Pagmumuni-muni sa Suliranin sa Pilosopikong Paraan at Pamimilosopiya sa Buhay
Mahalagang nakapagmumuni-muni sa isang suliranin sa isang pilosopikong paraan at nakagagawa ng pamimilosopiya sa buhay. Ang pagasasagawa ng pagmumuni sa paraang pilosopiko gamit ang pangkabuuang perpektibo ay makatutulong sa maraming konkretong sitwasyon. Halimbawa, nagtuturo ito na hindi laging mabisang paraan ang instintong reaksiyon (instinctive reactions) upang masolusyunan ang mga problema at mga isyu.
Sa maraming aspekto, gaya ng pag-aasikaso ng tahanan, paggawa ng thesis, pagdidisenyo ng website o app, o pagpapalaki ng anak, ang pagmumuni-muni at pag-iisip sa pilosopikong paraan ay nagtuturo, halimbawa, na bawat pagbabago na gagawin mo sa isang bahagi o larangan ay may epekto sa kabuuan. Samakatuwid, sa pag-aaral man o kahit sa trabaho, maihahanda mo ang iyong sarili sa mga isyung babangon gamit ang pangkabuuang pagharap dito na nangangahulugan ng pag-iisip tungkol sa mas malaking larawan ng mga bagay.
Halimbawa, bilang magulang, kung biglaan kang nawalan ng oras para sa iyong mga anak, makaapekto ito sa kanilang personalidad at pakikitungo sa iyo. Napakahalaga kung gayon na ang bawat pagpapasya ay pinagmumunihan at inaalam ang mga posibleng maging epekto ng bawat desisyon.
Sa medisina, ang pangkabuuan ay tumutukoy sa pagtingin sa kabuuan ng isang tao, kasama na ang kaniyang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan, samantalang binibigyang-pansin din ang relasyon niya sa ibang mga tao gaya ng kaniyang mga mahal sa buhay na lagi niyang kasalamuha. Ito ay mahalaga sa pagsusuri o diagnosis, kung saan ay marapat bigyang konsiderasyon ang lahat ng sintomas.
Mahalaga rin ang pagmumuni-muni sa suliranin sa pilosopikong paraan sa holistikong panggagamot, na nangangailangan ng pagka-malikhain. Sa panggagamot, halimbawa, ay dapat ding bigyang pansin ang maitutulong ng mga kapiling ng pasyente sa tahanan. Maaari silang magpalakas ng loob sa may karamdaman na makatutulong sa mabilis niyang paggaling. Kung gayon, ang holistikong pananaw, na matututunan sa pilosopiya, ay aplikable sa maraming bagay.
Nagsisimula ang pilosopikong pamamaraan ng pagharap sa isang bagay sa pagtukoy sa suliranin, sa mga posibleng solusyon at mga maaaring balakid, pagkatapos ay ang paghakbang patalikod upang matanaw at maunawa ang buong sitwasyon. Upang masolusyunan ang mga suliranin o sigalot sa kapuwa, halimbawa, ang pangkalahatang pagharap dito ay nagtuturo na marapat hanapin muna ang ugat na dahilan ng pagkakaalit. Maaari kasing ang talagang puno’t dulo ay hindi ang iyong iniisip—at hindi ito malulunasan ng isang mababaw na solusyon.
Ukol naman sa mga pang-institusyong pagdedesisyon, ang isang konkretong sitwasyon na maaaring gamiting halimbawa ay ang spiral na pagsulong ng kurikulum ng K-12 ayon sa panukala ng pamahalaan. Nawa ay natatamaan nito nang pangkabuuan ang pangkalahatang pangangailangan ng pangunahing edukasyon. Ang ideya ay ang papasulong na uri ng pagkatuto na magsisimula sa mga karaniwan hanggang sa mga tunay na kinakailangang matutunan na mga kasanayan.
Patuloy na isinasaayos ang kurikulum upang matugunan ang mga pagbabago at magbigay ng kinakailangang pagpapaunlad ng kasanayan ng mga mag-aaral. Nagsisimula ito sa madadali hanggang sa pinakamahihirap na aralin. Ang K-12 kurikulum, kung maisasagawa nang maayos, ay isang magandang halimbawa ng pangkabuuang perspektibo sa ikauunlad ng mga mag-aaral. Upang maging matagumpay, kailangan nito ang masusing pag-aaral gamit ang holistikong perspektibo. (© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– Nakapagmumuni-muni sa isang suliranin sa isang pilosopikong paraan at nakagagawa ng pamimilosopiya sa buhay (Code: PPT11/12PP-Ic-1.4)