Kilalanin natin ang kaibahan ng katotohanan at opinyon lamang
Pagkilala sa pagkakaiba ng katotohanan sa opinyon
© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Madalas na maniwala tayo nang lubos sa mga ‘kaalaman’ na natuklasan natin sa sarili, sukdulang madalas nating balewalain ang sinasabi ng iba tungkol sa iba’t ibang paksa. Ang problema, ang kaalamang natutunan natin sa ating sarili ay kadalasang personal lamang natin, may kinikilingan, bahagi lamang ng kabuuan, at limitadong punto de bista lamang.
Para sa English discussion ng paksang ito, basahin ang: Distinguish Opinion from Truth
May iba pa na nag-iisip na ang kanilang pinaniniwalaan ay totoo at siyang pawang katotohanan. Tila baga nasa kanila na ang lahat ng kasagutan sa mga matagal nang katanungan na bumabagabag sa sangkatauhan mula pa sa pasimula.
Ang lalong malala, ang tinatawag ng karamihan na ‘karunungan’ o ‘kaalaman’ ay pawang mga pahayag lang ng emosyon, pahayag na hindi objective bagkus ay may maraming kinikilingan at pinapaburan.
Ang tunay at walang kinikilingang kaalaman ay iba sa may pinapaborang opinyon. Idagdag pa, bagaman posible na matamo ang tunay na kaalaman sa pamamagitan ng mga partikular na pamamaraan, dapat na lagi nating tanggapin ang katotohanan na ang inaakala nating totoo ay maaaring hindi naman lubos na katotohanan.
Kung gayon, kailangan natin ang palaging pagsisiyasat, pagtatanong, pagdududa, at iba pa—mga prosesong nasa ilalim ng pamimilosopiya.
Isa sa mga usapin sa kasaysayan ng pilosopiya, partikular na sa pangangalap ng kaalaman, ay ang debate sa pagitan ng doxa at episteme. May mga praktikal na epekto ito sa totoong buhay. Ang mga problema sa kahirapan, salot, at digmaan, sa isang banda, ay resulta ng mga pagpapasya at pagkilos batay sa sariling opinion o limitadong pananaw.
Tunay nga, ang isa sa mga malalaking kabiguan ng tao ay ang mahigpit na pagkapit sa mga matatagal nang paniniwala nang hindi man lamang pinag-iisipan ang mga ito.
Kaya, ano nga ba talaga ang opinyon? Ano naman ang katotohanan? Paano makararating ang tao mula sa opinyon patungo sa katotohanan?
Ang pagkakaiba ng katotohanan sa opinyon
Ang doxa ay nangangahulugang “paniniwala.” Ito ay ang paniniwala ng isang tao tungkol sa isang bagay, na isa nga sa mga pangunahing paksa ng imbestigasyon ng mga skeptic. Ang ugat na salita ng doxa ay dokein (animo).
Sinasabi nito kung ano ang hitsura ng isang bagay para sa isang tao, at batay sa gayong hitsura, maaaring maggawad siya ng hatol (doxazein) na ito ay ganito o ganiyan. Kung gayon, ang terminong doxa ay nangangahulugan ding opinyon.
Ang episteme naman ay kaibayo ng doxa. Ang episteme ay isang salitang Griyego na karaniwang isinasalin bilang tunay na karunungan. Ito ay nakatala sa limang virtues of thought ni Aristotle at isinasalin ng iba bilang “karunungang siyentipiko.”
Subalit ang pagiging ‘siyentipiko’ ng episteme ay hindi dapat unawain na katulad nang pagkaunawa natin sa salitang ‘siyentipiko’ ngayon. Sa halip, ang pagiging siyentipiko rito ay ginagamit upang mangahulugang ‘pagkatiyak’ o pagiging sigurado. At sa lengguwahe ni Aristotle, sa pagtalakay niya ukol rito sa kaniyang akda na Posterior Analysis, ang pagkatiyak (certainty) ay nakabatay sa demonstrasyon.
Para kay Aristotle, ang pagkaalam sa isang bagay nang walang kwalipikasyon (epistasthai) ay kinapapalooban nang pagkaalam sa dahilan kung bakit gayon ang isang bagay, na iyon ang siyang dahilan ng bagay na iyon, at ito’y hindi maaaring maging kabaligtaran niyon.
Mauunawaan mula rito ang ‘bahagyang punto de bista’ (‘partial point of view’) sa doxa. Ang doxa, dahil ito ay paniniwalang taglay ng isang tao tungkol sa isang bagay, ay isa lamang bahagyang punto de bista.
Sa kabilang dako, ang episteme ay mas maituturing na mas malawak o pangkabuuang punto de bista. Ito ay opinyon na pinag-aralan—malaya sa mga karumihan, wika nga.
Sa katunayan, ang pagtatamo ng tunay na karunungan ay nangangailangan ng pangkabuuang pananaw ukol sa mga bagay. Masasabi rin na ang tunay na karunungan ay ang mismong holistikong pagtanaw sa mga bagay.
Mapapansin na ang pamimilosopiya ay tungo sa pagtataglay ng pangkabuuang perspektibo na kawangis ng episteme. Tunay nga, ang pamimilosopiya ay nakatuon sa pagtatamo ng tunay na karunungan. (© 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Also Check Out:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 2.1 Nakikilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa opinyon (PPT11/12PP-Ic-2.1)
Note: Teachers may share this as a reading assignment of their students. For other free lectures like this (especially for students), visit Homepage: Introduction to the Philosophy of the Human Person
*Free lectures on the subject Pambungad sa Pilosopiya ng Tao
Read also: Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog
Related Articles:
Distinguish Opinion from Truth
Do a philosophical reflection on a concrete situation from a holistic perspective
Realize the Value of Doing Philosophy in Obtaining a Broad Perspective on Life
Distinguish a Holistic Perspective from a Partial Point of View (Holism vs Partial Perspective)
The Blind Men and the Elephant: Attaining a Holistic Perspective
Mga Libreng Lektura para sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao:
Nakikilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa opinyon
Karanasan na nagpapakita ng pagkakaiba ng katotohanan sa opinyon lamang
Ang Pagkakaiba ng Pangkabuuang Pananaw at Pananaw ng mga Bahagi Lamang
Ang Halaga ng Pamimilosopiya sa Pagkakaroon ng Malawakang pananaw
Pagmumuni-muni sa Suliranin sa Pilosopikong Paraan at Pamimilosopiya sa Buhay
Also read: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories by Jensen DG. Mañebog