Paghahanda para sa Epidemya at Pandemya

Ang Pilipinas ay madalas makaranas ng mga kalamidad gaya ng bagyo at baha na nagdudulot ng landslide. Gayundin, nagiging laganap na rin ang epidemya (paglaganap ng sakit) o pandemya gaya ng Covid 19.

Napakahalaga na makapaghanda tayo sa mga ito.

Ang mga sumusunod ay dapat isagawa upang maiwasan ang epidemya o pandemya.

1. Sikapin ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran. Umpisahan ito sa bawat tahanan patungo sa buong pamayanan. Magagawa ito sa pagsasama-samang paglilinis ng mga tao sa pamayanan lalo na sa mga lokasyon o lugar na madalas pinagmumulan ng mga sakit gaya ng mga basurahan, palikuran at mababaho at baradong kanal.

2. Isa pang solusyon sa pagsugpo ng epidemya ay ang pagkakaroon ng mabisang sistema ng mga pamayanan patungkol sa ‘waste management.’ Ang bawat mamamayan ay marapat na tumangkilik sa isinusulong na ‘waste segregation.’ Sa bahagi ng mga namumuno, dapat magsagawa ng maayos at may pananagutang sistema ng pagkolekta at pagtatapon ng mga kalat at basura.

3. Sa mga mamamayan, isulong ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain sa bawat tahanan at umiwas sa mga walang sustansyang pagkain na makapagdudulot ng sakit sa katawan at paghina ng ‘immune system.’ Payuhan ang mga kabataan na iwasan ang pag-inom ng mga soda o softdrinks at pagkain ng mga chips o chichirya na karaniwang walang sustansya.

4. Uminom ng malinis na tubig tulad ng mga purified, alkaline o mineral water. Kung walang suplay ng mga ito, magpakulo na lamang ng tubig inumin.

5. Pabakunahan o pabigyan ng vaccination ang mga bata upang mapigilan ang pagkakaroon ng malulubhang sakit. May mga pribadong doktor at ospital na nagbibigay nito. Subalit kung di sapat ang kakayahan, pumunta sa mga barangay clinics o center na nagbibigay ng mga libreng bakuna.

6. Ang epidemya ay ang mabilis na pagkalat ng nakahahawang sakit sa maraming bilang ng mga tao. Subalit may mga pagkakataon na sa isang komunidad o pamayanan, ang higit sa dalawang bilang ng kaso ng may karamdaman ay puwede nang maging tanda ng epidemya. Sa ganitong sitwasyon, dapat na ipagbigay-alam kaagad sa mga kinauukulan tulad ng pinakamalapit na barangay o mga taga Department of Health (DOH) upang mapigilan ito.

7. Sabi nga, ‘prevention is key’ o ang pag-iwas ay susi sa paglutas ng kahit anong suliranin. Kaya magandang matutuhang maging maagap sa pamamagitan ng pag-inom ng mga pangunahing bitamina gaya ng Vitamins A, C, E, at iba pang makapagpapalakas sa katawan at sa resistensya.

Para sa paghahanda na dapat gawin sa panahon iba pang kalamidad, sangguniin ang artikulong “Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad” sa AlaminNatin.com.

Copyright by Vergie Eusebio and Marissa Eugenio

ALSO CHECK OUT:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog

====

Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Ang Kahalagahan ng Pag-Aaral Ng Kontemporaryong Isyu