Paggawa ng plano tungkol sa kursong nais at Ang Pagpaplano ukol sa Karera (Career Planning)

Kasanayang Pampagkatuto:

Nakagagawa ng plano tungkol sa kursong nais batay sa personal na layunin at mga panlabas na salik na nakaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso.

Paggawa ng plano tungkol sa kursong nais batay sa personal na layunin

May mga personal na layunin at mga panlabas na salik na nakaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso. Ang mga ito ay dapat na gawing batayan sa paggawa ng plano tungkol sa nais na kurso.

Kung ikaw ay nagbibinata o nagdadalaga, napakahalaga para sa iyo na magkaroon ng isang malinaw na plano ukol sa nais mong karera.

Makatutulong ang pagkakaroon ng isang plano ukol sa karera upang maging giya sa iyong mga aksyon patungo sa mga layunin na nais mong makamit.

Sa hinaharap, maaaring makasagupa ka ng mga gagambala sayo patungo sa iyong mga pangarap. Ang pagkakaroon ng tiyak na isipan kung ano ang gusto mong mangyari sa iyong buhay ay makatutulong upang iyong malabanan ang mga kabalisahan at manatili sa tamang landas patungo sa iyong layunin sa buhay.

Ang pagpaplano ukol sa karera (career planning)

Ang pagpaplano ukol sa karera (career planning) ay kinapapalooban ng istratehikong pagpaplano at pamamahala ng isang tao sa kaniyang hinaharap na propesyion. Ito ay isang sinasadya na paghahanda ng isang indibidwal para sa kanyang karera.

Kasama dito ang pagtatasa sa sarili o pagsaliksik ukol sa sarili upang maunawaan ang sariling mga kakayahan, lakas, at kahinaan at nang sa gayon ay maitugma ang mga ito sa mga oportunidad sa karera.

Kaya, maari mong itanong sa sarili mo: Ano ang aking mga talento? Saan ako magaling? Magaling ba ako sa Math? Magaling ba ako sa language at communication? Sa anong mga larangan naman ako mahina o hindi magaling?

Pagkatapos mong masagot ang mga tanong gaya nito, itanong mo sa iyong sarili: Ano, kung gayon, ang kurso na angkop sa akin?

Kabilang rin sa pagpaplano ukol sa karera (career planning) ang patuloy na pagpapahusay ng kaalaman at pagpapabuti para sa paglago sa napiling karera.

Hindi isang minsanang aktibidad ang pagpaplano ukol sa karera. Mas mabuting ito ay regular na ginagawa dahil posible para sa isang tao na magkaroon ng maraming mga pagbabago sa nais na maging karera sa buhay.

Kung ikaw ay hindi pa nakapagplano ukol rito, hindi pa huli na gumawa ng isang plano ukol sa karera para sa iyong sarili. Ang hinaharap ay puno ng kawalang katiyakan.

Ang pagkakaroon ng isang matatag na plano ukol sa karera ay tulad ng pagkakaroon ng isang mapa na maaaring maghatid sa iyo saan mo man naisin magtungo.

Mga Panlabas na Salik sa Pagpili ng Kurso

Mahalaga sa mga nagbibinata/nagdadalaga na maunawaan ang mga panlabas na salik na maaring makaimpluwensiya sa pagpili nila ng kurso sa hinaharap.

Makatutulong na magsaliksik ukol sa mga panlabas na salik na nakakaimpluwensiya sa pagpili ng kurso.

Ang mga panlabas na salik ay mga bagay na hiwalay sa iyo o mga bagay na wala kang kontrol subalit makakaapekto sa pagiging matagumpay mo o pagkabigo sa napili mong kurso. Halimbawa nito ay ang gusto ng iyong magulang para sa iyo, ang kakayahang pinansiyal ng iyong pamilya, ang layo o lapit ng paaralan na nag-aalok ng nais mong kurso, at iba pa.

Maaari na gawan ng maikling buod o listahan ang mga panlabas na salik sa pagpili mo ng kurso.

Pagkatapos, maaari mong itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:

1. Mahirap bang magsaliksik ukol sa mga panlabas na salik na nakakaimpluwensiya sa pagpili ng kurso?

2. Ano-ano ang mga panlabas na salik na makakaapekto sa pagpili mo ng kurso pagdating ng panahon? Isa-isahin at ipaliwanag.

3. Ano ang natutunan mo sa aktibidad na ito?

Tandaan:

Maaaring ang isang tao ay lumipat ng kurso kapag hindi niya ito nagustuhan o di siya naging matagumpay rito. Lamang, masasayang na ang ilang panahon kung hindi tatahakin sa simula pa lamang ang kursong angkop sa iyo.

Sa pagpili ng tugmang kurso, may mga panlabas na salik na dapat isaalang-alang bukod pa sa mga pansarili o personal na salik.

Gawain Para sa Mga Mag-aaral:

“Write the most important lesson you learned about preparing a career plan and explain briefly.”
Nota: Maaaring ilagay ang sagot sa comment section sa ibaba o rito sa: Ways to Become Responsible Student

Copyright © by Vergie M. Eugenio at Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

Kaugnay:

Mga Salik sa Personal na Pag-Unlad na Mahalaga sa Pagpili ng Kurso

Sariling Pananaw sa Halaga ng Personal na Pag-Unlad sa Pagpapasya ukol sa Kurso

“Ang Aking Plano Para sa Kursong Nais”: Ilang Aktibidad

‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad

Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad

Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization 

Pananaw Sa Sarili At Personal Na Pag-Unlad

=====

Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Ways to Become Responsible Adolescent