Pagbuo Ng Dokyumentaryo Na Nagsusulong Ng Paggalang Sa Karapatan Ng Mga Mamamayan Sa Pagpili Ng Kasarian At Sekswalidad

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:

Nakabubuo ng dokyumentaryo na nagsusulong ng paggalang sa karapatan ng mga mamamayan sa pagpili ng kasarian at sekswalidad

Dokyumentaryo ukol sa Karapatan sa Pagpili ng Kasarian at Sekswalidad

Kaugnay ng paksang gender at sexuality, papaano ba ang pagbuo ng dokyumentaryo na nagsusulong ng paggalang sa karapatan ng mga mamamayan sa pagpili ng kasarian at sekswalidad?

Ang dokyumentaryo o dokumentaryong pantelebisyon ay tumutukoy sa nilikhang palabas na may layong maghatid ng komprehensibo at estratehikong pagtalakay o paghahayag ukol sa mahahalagang paksang panlipunan, pangkultura, pangmoralidad, pampulitika, pang-espirituwal, pang-edukasyon at iba pa. Pakay nitong sumalamin sa ilang katotohanan ukol sa buhay o pamumuhay ng ilang piling tao o grupo ng mga tao.

Ito ay makasining na paraan ng paggising sa isip at damdamin ng isang tao. Mabisa itong paraan upang maimpluwensiyahan ang kaisipan, ugali, paninindigan, at pananaw ng mga makakapanuod ukol sa ilang paksa o isyu.

Maaaring magsaliksik o magtanong sa guro ng ukol sa mga simpleng hakbang sa paglikha ng dokumentaryo sa araling ito. Ganunpaman, gaya ng hinihingi ng aralin, ang mga paksa o isyung tatalakayin ay dapat na tungkol sa karapatan ng mga mamamayan sa pagpili ng kasarian at sekswalidad.

Maaaring talakayin ang ukol sa pagsusulong sa legalisasyon ng same-sex marriage sa Pilipinas. Ang LGBTQ+ community ang pangunahing nagsusulong nito, kaya makatutulong na makipag-ugnayan sa mga opisyal na kasapi ng mga lehitimong samahan ng LGBTQ+. Makatwiran din na sangguniin at ilahad ang mga katwiran ng mga di pabor sa panukala.

Maaari ring talakayin sa dokumentaryo ang mga pagpapatupad ng pamahalaan sa mga batas gaya ng Republic Act No. 10354  (Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, na mas kilala bilang RH Law), na naglalayong magbigay impormasyon ukol sa reproductive health at akses sa mga pamamaraan sa pagkontrol ng pagbubuntis o contraception, fertility control, at pangangalaga sa mga ina (maternal care); at Republic Act 9710 (Magna Carta of Women), na naglalayong maiwasan o maalis ang diskriminasyon sa mga kababaihan. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)

Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist