Nasyonalismo: Dahilan ng Pagsisimula ng World War 1

Tumutukoy ang nasyonalismo sa damdaming nakabatay sa pagkakapare-pareho ng taglay na mga katangiang pang-kultural na nagbibigkis sa mga mamamayan sa isang bansa. Sa kasaysayan, ang nasyonalismo ang naging sanhi ng pagkakaroon ng pambansang kasarinlan o pagkakabukod ng maraming mga nasyon. (Basahin: Nasyonalismo at Patriotismo: Ang Pagkakaiba)

Bagamat ang nasyonalismo ay mabisa upang mabuklod ang mga mamamayan sa isang bansa, maaari naman itong magdulot ng malubhang kumpetisyon sa pagitan ng mga bansa. Bilang katunayan, ang pag-igting ng nasyonalismo ay isa sa mga naging dahilan ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig.

Dahil sa nasyonalismo, nagkaroon ng mga paghahangad ang mga mamamayan na kunin ang mga teritoryo na inaakala nilang pag-aari ng kanilang nasyon at bawiin ang mga bahaging nakuha sa kanila. Nagkaroon din ng pagnanais na pagsamahin ang mga taong inaakalang magkakauri ang lahi o rasa.

Pataasan ng lahi

Ang isa pa sa mga panganib ng nasyonalismo ay ang pagnanais ng isang lahi na maging pinakahigit sa lahat. Nais patunayan ng isang lahi na ito ang pinakamagaling sa lahat ng larangan, lalo na sa ekonomiya at sa sandatahan. Salik ang nasyonalismo sa agawan sa mga teritoryo at kolonya. Ang mga hidwaan sa mga pag-aangkin ng mga teritoryo ay naging dahilan ng World War I.  

Kaya naman, sa pasimula ng dekada 1900, ang nasyonalismo ay nagbunga ng malubhang kumpetisyon at tunggalian sa mga imperyo sa Europa. Nagtunggali ang Rusya at Austria-Hungary sa dominasyon sa Balkans (Tinog-Silangan Europa). Ang problema, sa loob mismo ng Balkans ay may grupong etniko na nais magkamit ng kalayaan gaya ng Bulgarians, Serbs, at Romanians.

Agawan sa Balkan

Dahil sa diwa ng nasyonalismo, ang Serbia, na ang karamihan ay Slavic, ay kumampi sa Rusya, na nabuo din mula sa maraming tao na nanggaling sa lahing Slavic. Ang gusto ng Serbia ay lumikha ng isang malaking nasyon kabilang ang mga Slavs na nasa Balkan.

Subalit kontra naman dito ang Austria-Hungary na hindi payag na lumawig ang hangganan ng Serbia. Iniisip ng Austria-Hungary na ang pagtatayo ng estado ng Slavic ay maaaring magbunsod ng rebelyon.

Marahil ay bilang pro-aktibong hakbang, sinakop ng Austria ang Bosnia at Herzegonina, mga malalaking teritoryo sa Balkan kung saan ay may malalaking populasyong Slavic. Bale ba, ang dakong sinakop ng Austria ang siya mismong nais na kunin ng Serbia sa plano nitong pagpapalawak ng hangganan.

Ito ay nagbunga ng matinding alitan sa pagitan ng Serbia at Austria. Ang agawan sa Bosnia at Herzegonina ay humantong sa pamamaril kay Archduke Franz Ferdinand, na lantarang naging dahilan ng WWI.

Ang pagpaslang kay Franz Ferdinand ay humantong sa mga sunud-sunod na kaganapan. Kumampi ang Russi sa Serbia. Dahil sa iba’t ibang interes, sumangkot na rin ang iba pang mga alyansa. Ang resulta—isang madugo at malawakang digmaan, ang Unang Digmaang Pandaigdig … ituloy ang pagbasa

Kaugnay: Mga Dahilang Nagbigay-daan sa Unang Digmaang Pandaigdig

Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog