Mind Map Tungkol Sa Mga Paraan Upang Magkaroon Ng Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan
Kasanayang Pampagkatuto:
Nakagagawa ng mind map tungkol sa mga paraan upang magkaroon ng sikolohikal na kaayusang pangkatauhan.
Ano ang Mind map?
Ang mind map ay isang simpleng dayagram na ginagamit upang biswal na maglarawan o magbalangkas ng impormasyon.
Ito ay isang mabisang pamamaraan upang isalin ang nasa isipan mo patungo sa isang biswal na larawan.
Tinutulutan ng mind map na iayos at ipaintindi ang mga imporasyon nang mas mabilis at mabisang paraan. Sinasanay nito ang tao na uriin ang mga detalye sa mapa at kilalanin ang pagkakaugnay ng mga ito.
Mind Map sa Mga Pagkakaroon ng Sikolohikal na Kaayusang Pangkatauhan
Kung gagamitin ang kaalaman sa paggawa ng mind maps, makagagawa ka ng mind map tungkol sa sikolohikal na kagalingan. Sa pamamagitan nito, magagawa mong makapag-isip ng mga paraan sa pagkamit ng sikolohikal na kagalingan.
Halimbawa, ang sentrong tema o ideya sa mind map ay ukol sa pagkakaroon ng sikolohikal na kaayusang pangkatauhan. Maaari mong gawing mga sanga o branches ang mga dimensiyong saklaw ng sikolohikal na kagalingan, tulad ng:
(1) pagtanggap sa sarili;
(2) personal na paglago;
(3) layunin sa buhay;
(4) karunungang pangkapaligirang (environmental mastery);
(5) awtonomya; at
(6) positibong relasyon sa iba.
Upang magsilbing keywords o dagdag impormasyon sa iyong mind map, maaari mong isama ang ukol sa mga sumusunod:
pagkakaroon ng positibong pag-iisip, damdamin, at pag-uugali;
pagtatatag ng maayos na relasyon sa mga makabuluhang tao sa iyong buhay (pamilya, kamag-anak, kaibigan, atbp);
paglahok sa mga proyekto sa iyong komunidad (socio-civic activities);
pagsali sa mga pisikal na aktibidad na hilig mo (sesyon sa gym, basketball, o badminton);
pagtuklas ng mga bagong kaalaman at kakayahan (pagsali sa mga pagsasanay o workshop); at
pakikilahok sa mga gawaing panrelihiyon.
Ang mind map ukol sa mga nabanggit ay makapagbibigay sa iyo ng espesyal na pakiramdam ng kasiyahan, kapayapaan ng pag-iisip, at espirituwal na kapanatagan.
Tandaan na ang mga paksang binanggit ay mga suhestiyon lamang—maaari ka pang mag-isip ng ibang element na magiging laman ng iyong mind map.
Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon Na Maaaring Makatulong Sa Pagpapamalas Ng Mga Nararamdaman
Mga Positibo At Negatibong Emosyon At Kung Paano Ito Ipahinahahayag O Itinatago
Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon
Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon
Mga Positibo at Negatibong Emosyon
Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon
Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer
Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba