Mga Salik sa Personal na Pag-Unlad na Mahalaga sa Pagpili ng Kurso
Kasanayang Pampagkatuto 14.1
Naipaliliwanag ang mga salik sa personal at pansariling pag-unlad na magiging gabay sa paggawa ng mahalagang pasya sa pagpili ng kurso
Mahalagang lubos mong nauunawaan ang kahalagahan ng araling personal na pag-unlad. Nakapaloob dito ang mga aktibidad na nagpapabuti sa kamalayan at pagkakakilanlan, lumilinang ng mga talento at potensyal, pinagyayaman ang kalidad ng buhay, nag-aambag sa pagsasakatuparan ng mga pangarap at mga hangarin, at inihahanda ang kabataang tulad mo sa propesyon, trabaho, o karerang napili.
Mahalaga ang mga kaisipan sa personal na pag-unlad sa matalinong pagtatakda ng mga layunin sa karera at buhay. Binubuo ito ng mga gawaing nakatuon sa pagsaliksik, pag-unawa, at pagpapabuti ng sarili at pagkakakilanlan.
Ito ay kapaki-pakinabang din sa pagpapalakas at paggapi sa mga kahinaan upang mapadali ang pagpili ng karera at pagkamit ng mga layunin sa buhay.
Mga salik sa personal na pag-unlad na makatutulong sa pagpili ng karera o kurso
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga salik sa personal na pag-unlad na makatutulong sa pagpili ng karera at iba pang mga pagpapasya sa panig ng mga nagbibinata/nagdadalaga:
1. Kasanayan sa Pagpapasya
Itinuturo sa personal na pag-unlad ang ukol sa paggawa ng desisyon. Kaugnay ng mga pagpapasya ukol sa karera, ang kasanayan sa pagpapasya ay kinapapalooban ng matalinong paglilimi, paghahambing, at paglilimita sa mga pagpipiliang mga kurso o karera.
Nakapaloob ditto ang pagsasama-sama ng mga resulta ng pagtatasa sa sarili at ang paghahanap ng angkop na karera o trabaho.
Sa masusing pagtingin sa mga bagay na ito at pagsasaalang-alang sa iba pang mga makabuluhang salik, makagagawa ang isang tinedyer ng matalinong desisyon tungkol sa kung anong karera ang mabuting tahakin.
2. Paglilimi ng Sarili
Kung tunay mong kilala ang iyong sarili, magagawa mo ang tamang pagpili ng karera. Matapos isaalang-alang ang maraming bagay, ikaw pa rin ang pipili ng karera na sa tingin mo at pakiramdam ay mabuti para sa iyo.
Tandaan na may angkop na personalidad sa iba’t ibang karera at propesyon.
Samakatuwid, ang metikulosong pagsusuri sa sarili—isa sa mga leksiyon sa personal at pansariling pag-unlad—ay lubhang kailangan sa pagpili ng isang karera.
Nakapaloob sa pagkilala sa sarili ang pag-alam sa iyong mga interes, pagpapahalaga, kasanayan, kalakasan, kahinaan, at iba pang mga personal na katangian. Ang mga kasangkapan sa pagtatasa sa sarili, tulad ng mga pagsusulit sa personalidad, ay makakatulong.
3. Kamalayan sa Mga Opsiyon
Importante ang pagsusuri sa iba’t ibang mga opsyon sa karera at iba pang mga oportunidad. Kaugnay nito, may mga institusyong nagkakaloob ng career talks at career counseling.
Mayroon ding mga libreng counseling manuals at mga website na makakatulong sa mga kabataan sa pagpili ng karera.
Ang mga ito ay maaaring makatulong sa paghahanap at pagtatasa ng mga impormasyon na may kaugnayan sa iba’t ibang oportunidad ukol sa karera o trabaho.
4. Pagtatakda ng Layunin at Pagpaplano
Salik na ito ay kasama ang pagtukoy at paglista ng mga layunin sa buhay.
Kaakibat nito ay ang pagbalangkas ng may-katuturang plano ng mga aktibidad na kinakailangan upang maabot ang mga itinakdang layunin.
Ang mga aktibidad ay dapat na nakatuon sa mga bagay na maghahatid sa pagkakamit ng mga hangarin tulad ng pagpasok sa programang pang-edukasyon, at pagkuha ng mga kasanayan at karanasan.
5. Makabuluhang Pagkilos
Tandaan na ang plano at pagtatakda ng layunin ay walang kabuluhan kung hindi isasakatuparan. Ang isa sa mahahalagang bahagi, kung gayon, ay ang pagkilos.
Kasama rito ang regular na pagsubaybay at pagtatasa ng pansariling pag-unlad at pag-alam sa mga natututunang kakayahan at mga hakbang na nagawa. Dapat sinusuri kung ang ginagawang pagkilos ay patungo sa direksiyon ng pagkamit ng minimithing karera.
Halimbawa, kung nais na maging matagumpay na propesyonal sa hinaharap, mali na ang atupagin ay ang pagkakaroon ng romantikong relasyon at mga gawi na maaaring magbunga ng pagdadalantao.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Sariling Pananaw sa Halaga ng Personal na Pag-Unlad sa Pagpapasya ukol sa Kurso
‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad
Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad
Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization